Kabanata 9

641 35 0
                                    


"Kuya, may dinner kina Mayor mamaya." sabi ko kay kuya pagkauwi niya.

Pagod siyang bumagsak sa sofa at hinilot ang kanyang noo, "Pupunta ako, Au. Gusto mo bang sumama?"

Nilapitan ko siya at tiningnang mabuti. Parang isang pitik na lang makakatulog na ito. Kawawa naman.

"Pagod ka masyado. Makakapunta ka ba talaga? Sabihin mo na lang kay mayor na galing kang competition, kuya."

"Tumanggi na ako noong una. Nakakahiya na kapag tumanggi pa ako ulit. Pahinga lang siguro ako kunti, gisingin mo na lang ako pagkatapos mong mag-ayos." aniya at pumikit.

"Nagkita kayo ni Katelyn?" tinanong ko sa kanya.

Dumilat siya at sinalubong ang tingin ko, "Wala siya sa school."

"Ayos lang ba kayong dalawa?"

Bumuntong hininga siya, "Pagod ako, Autumn, please."

Tumango tango ako at inayos ang unan sa sofa. Pinahiga ko siya ng maayos at tinanggal na rin ang sapatos niya.

"Salamat," napapaos niyang sinabi.

Nakatulog na siya kaagad kaya umakyat ako sa taas para silipin kung nasa bahay na ba si mama at papa. Tulog na ang dalawa kaya hindi ko na sila ginising pa. May lutong ulam sa kusina kaya iyon na lang ang pinainit ko.

Sinadya kong bagalan ang kilos ko para makapagpahinga pa si kuya ng matagal. Ang kalmado niya tingnan kapag natutulog. Hindi man lang siya gumagalaw.

Paggising niya ay saktong tapos na ako sa pag-aayos. Mamula mula pa ang mata niya nang nagbihis para makaalis na kami ng bahay. Nagpaalam siya saglit kina mama bago tuluyang lumabas.

Ako:

Nami, nasaan ka?

Ilang minuto pa bago tumunog ang phone ko.

Nami:

Nasa bus pa, palapit na, sis.

"Kuya, sasakay tayo ng bus o ano?" baling ko kay kuya.

Hindi pa man nakakasagot, may umilaw na sasakyan sa gilid naming dalawa. Kulay itim ito kaya hindi masyadong kita ang nasa loob. Bumaba ang bintana ng kotse at nakita ko si Levi na nagmamaneho.

"Dude, sakay na." aniya.

"Teka, kuya, si Nami." pinigilan ko ang kapatid ko at inabangan ang bus na paparating na.

Saktong tumigil ang bus at bumaba roon ang kaibigan ko. Napatigil siya pagkakita sa itim na sasakyang nakaparada sa gilid. Umiilaw iyon at nakabukas ang bintana kaya nakita niya ang nasa harap.

"Tayo na." pukaw ni Levi.

"Bumaba pa ako ng bus sasakay lang din pala ulit." bulong bulong ni Nami sa sarili niya.

"Kung ayaw mo, Nami, edi pumara ka ulit ng bus." sita ko sa kanya na inirapan lang ako.

Si kuya sa passenger seat at kami ni Nami sa likod. Kabado akong nakatingin sa labas habang si Nami ay busy sa kanyang phone. Inalala ko ang nabasang sinabi ni Aaron sa group chat nila. Mahigit isang linggo din siyang nawala, ah. Musta kaya ang Manila?

Papalapit na kami at kita ko na ang malaking bahay ni Mayor na napapaligiran ng ilaw. Kita ang pool sa gilid pero kapag nasa harap ka na ng mismong bahay ay natatabunan 'yon. Huminga ako ng malalim nang tumigil ang sasakyan.

"Hindi kaya nakakahiya ito? Hindi ako inimbitahan-"

Pinakita ulit ni Nami ang phone niyang nasa group chat nila at pinabasa ulit sa akin ang sinabi ni Aaron. Pumikit ako ng mariin. Anak ng tokwa!

"Halika na." kinuha ni kuya ang kamay ko habang papasok kami ng malaking gate.

Ang harap ng bahay ay malawak na halamanan at may iilang matayog na puno kaya mahangin ang lugar. Kita ko ang ilan na nagtitipon doon habang may hawak sa kanilang mga kamay at umiinom.

Dire-diretso ang lakad ni kuya sa nakabukas na pinto. Dahil nakabukas ay kita na roon ang mahangin na veranda mula sa sliding door, naroon ang tanawin ng malawak na dagat.

Purong puti ang kulay ng mansyon. May iilang lalaki na nasa kanilang tanggapan at nag-iinuman. Lumapit si kuya sa kanila at inilipat ang kamay sa aking balikat. Ang iba sa mga lalaki ay nakilala ko na kanina lang.

Isa-isa ulit silang nagpakilala sa akin pagkatapos akong ipakilala ni kuya sa kanila. Nagtawanan lang sila at nag-usap sandali. Si Nami ay kinakausap din ng isang kilala niya. Kita ko siyang umiling sa inalok nilang alak. Nalukot ang mukha ko. Hindi ba nila alam kung ilang taon pa lang kami?

"Nasaan nga pala si mayor?" tanong ni kuya kalaunan.

Umupo si Levi sa sofa at inabot ang isang baso, "Nasa likod 'yon, K. Samahan kita."

Tumango si kuya at naglakad na. Nagpadala ako sa kanya, sumama rin si Nami. Dumiretso kami sa nakabukas na sliding door at bumaba sa batong hagdan. Naroon nga si Mayor sa gilid ng kanilang pool.

Ang tanawin ng likod bahay ay iilang puno ng niyog na walang bunga. Kasama ni mayor ang iba nitong kakilala sa lugar namin at nag-iinuman.

"Lolo," tawag ni Levi.

Tumingin sa amin si mayor. "Oh, ikaw pala, Ken. Halika, hijo."

Nagmano si kuya kay mayor. Nahihiya akong lumapit at kinuha ang kamay nito. Tawa siya nang tawa habang ginagawa namin 'yon. Sumunod na nagmano ay si Nami.

"Kapatid mo ba, hijo?" tukoy ni mayor sa akin.

Tumango si kuya, "Opo."

Tumango tango si mayor at ngumiti, "Maganda ka, hija. Bagay kayo ng apo ko."

Napakurap kurap ako. Natahimik si kuya pati na rin si Levi at Nami. Mabuti na lang at hindi iyon napansin ni Mayor kaya siya rin ang bumasag sa katahimikan. Kinausap niya si kuya kaya habang naghihintay ay tiningnan ko lang ang dagat.

Nilakad ko 'yon palapit at dinama ang malamig na hangin na yumayakap sa akin. Naglakad lakad lang ako pero hindi tuluyang lumalayo sa lugar.

Wala sa sarili akong bumaling sa ikalawang palapag ng mansyon. Natigilan ako nang nakitang nakadungaw si Aaron mula doon. Nakatukod ang dalawang kamay sa barandilya at nakatuon ang tingin sa akin.

Hinihipan ng hangin ang kanyang buhok na mas lalo pa yatang nagpatindi ng pagiging seryoso ng kanyang itsura.

"Autumn, halika na." tawag ni Nami na nagpatingin sa akin sa gawi nila.

Umamba silang papasok na ng mansyon kaya naglakad na ako pabalik. Nag-angat muli ako ng tingin sa taas pero wala na siya roon.

Niyaya ni mayor si kuya na maupo sa table nila kaya doon kami. Kita ko ang pagbaba ni Aaron mula sa malaking hagdan at pagmano niya sa matanda. Naupo siya sa table at ngumiti sa mga nakaupo ngayon. Inisa-isa niyang pinasadahan ng tingin, kasama ako.

"Aaron, apo, nasaan ang iyong ina?" tanong ni mayor.

"Nasa taas pa, Lo." aniya.

Malaki ang table at nakahanda na rin ang pagkain pero hindi ko yata kayang kumain na ganito ang kalagayan. Parang lahat sila ay nakatingin sa gagawin ko kahit hindi naman. Malayo rin si Aaron kahit nasa iisang table lang kami.

Katabi ko si kuya at si Nami naman sa kabila. Pinulot ko ang tinidor at kutsilyo tsaka nagsimula nang kumuha ng pagkain. May kanya-kanya silang sinasabi pero hindi ko na pinakikinggan sa takot na baka mapansin pa nila.

Kumunot ang noo ko nang naramdaman ang pagvibrate ng phone ko. Tiningnan ko iyon mula sa ilalim ng mesa.

Unknown number:

ganda mo.

Wala sa sarili akong napatingin kay Aaron na nakatingin din sa akin ngayon. Umawang ang labi ko nang ngumiti siya at bahagyang pinakita ang phone.

Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon