Nakatunganga ako sa upuang semento. May mga naglalaro ng basketball sa quadrangle kaya iyon ang pinapanood ko. Kita ko si Nami at Wendy na chini-cheer ang mga kaklase naming kalaban ng grade eleven."Hoy! Tulaley. Buntis ka ba?" umupo si Eunice sa harap ko.
"Eunice, anong pwedeng strand ang kunin?" wala sa sarili kong sinabi sa kanya.
"Strand? Ah! Sasabihin mo na sa akin kung anong strand ka? HUMSS tayo, girl." nanlaki ang mata niya.
Bumuntong hininga ako at sinundan ng tingin si Aaron na tumatakbo. Na-corner na siya ng dalawang kaklase ko kaya wala siyang choice kundi ang ipasa ang bola sa kasamahan.
"Hindi pa ako sigurado."
Mas lumapit pa siya sa akin kaya lumapit ang tingin ko sa kanya, "Ano ba ang gusto mong course?"
Kinagat ko ang labi ko, "Gusto kong mag educ."
Napasinghap siya at tinitigan ako ng matagal. Nag-iwas ako ng tingin. Mababa at wala akong tiwala sa sarili ko kaya pakiramdam ko ngayon, ang sabihin ang pangarap ay isang malaking pagkakamali.
Tinampal niya ang balikat ko kaya nabalik ang tingin ko sa kanya, "Gusto mo pala 'yan pero tahimik ka, bruha ka talaga!"
Humagikhik si Eunice kaya mas lalo akong nahiya. Tumuwid ako ng upo at binalingan si Aaron. Natigilan ako nang naabutan siyang nakatingin sa akin. Tinatawag siya ng kaklase niya dahil hawak niya ang bola pero hindi niya 'yon pinapansin.
"Mahirap mag-educ pero alam kong kayang kaya mo 'yon. Wala rin problema sa grades mo kaya magiging madala lang 'yon sa'yo." wika ni Eunice.
Hindi ko inalis ang tingin kay Aaron. Nagtataka ako ngayon kung bakit siya tumigil pero bago pa makapag-isip ng malalim ay may umupo sa tabi ko. Amoy ni Yohan ang bumalot sa aking ilong. Umismid ako.
"Pinag-uusapan niyo?" tanong ni Yohan at bumaling sa akin.
"Itong si Autumn, may balak naman palang magturo, eh. Malihim kasi."
Sinipat ko si Eunice. Napakadaldal nila, kaya ayaw kong sabihin sa kanila ang mga gusto kong gawin.
"Hindi pa ako sigurado!" agap ko.
Dalawa ang gusto ko at nag-iisip pa ako kung ano ang mas matimbang pero dahil educ ang nasabi ko kay Eunice malamang iyon nga.
"Edi mag GAS ka kung undecided pa." saad ni Yohan.
"Oo nga. Mag GAS din kaya ako?" tanong ni Eunice sa kanyang sarili.
"Ano ba ang major na gusto mo?" binalingan ako ni Yohan.
Hindi ako sumagot kaya nag-isip siya.
"English? History? O baka... Math?"
Inilingan ko siya, "Ayaw ko ng math."
"Kung ayaw mo ng Math lumayo ka sa STEM. Kung English, Filipino, o Values Education ang gusto mo mag HUMSS ka."
"Pwede rin..." tumango tango ako, "Paano naman ang iba?"
"Kung hindi ka makapili, Autumn, piliin mo na lang ang GAS. Mas malawak ang sakop no'n. Bagay kung Elementary Education kukunin mo."
GAS. Kung iyon ang pipiliin ko maaaral ko ang lahat. Kung gusto ko ng specific kailangang pumili ako ng major or specialization ko. Saan ba ako magaling?
"HUMSS na, Au. Magaling ka kaya sa writing. Pagawa ako ng critique paper mamaya, ah?" namungay ang mata ni Eunice para sa gusto niyang ipagawa.
Tumawa si Yohan kay Eunice, "Tumigil ka nga, Eunice. Dapat ikaw ang gumawa ng sa'yo. Matalino ka naman."
BINABASA MO ANG
Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #1