"Ano?" gulat na naibulalas ni Nami."Sinabi niyang manliligaw siya sa'yo?" segundo ni Wendy.
"At ngayon kayo na?" lumakas ang boses ni Eunice kaya napatingin ang ilan sa kanila.
Huminga ako ng malalim at tumango.
"Grabe. Walang preno preno? May hinahabol ba si Aaron, huh? Ang bilis niya. Noong isang araw lang umamin 'yon tanda ko." wika ni Nami.
"Oo nga, kailan lang din namin nalaman ni Wendy. Tapos ngayon malalaman ko na lang sa'yo na kayo na?"
Uminom si Wendy ng juice, "Medyo hindi ko gets relasyon niyo."
"Ako gets ko." sumandal si Nami sa kanyang upuan at tiningnan ako, "Marupok si Autumn. Iyon 'yon."
Tumango si Wendy at halatang naniwala. Pinalo ko ang lamesa.
"Hindi, ah!"
"Girl, pinag-isipan mo ba talaga 'yan? I mean, gwapo si Aaron at mabait din... pero... masyadong ano... ewan naguguluhan ako!" sabi ni Nami.
"Binigyan ka lang ng kwintas na ano 'yan..." tinitigan ni Eunice ang kwintas na suot ko, "Sus, eight na nakahiga."
"Infinity sign kaya 'to." hinawakan ko ang kwintas ko.
Umismid si Eunice, "Sus! Binigyan ka lang ng ganyan sinagot mo naman agad. Lahat may hangganan, 'no. Huwag ka maniwala dyan."
"Inggit ka yata, Eunice." kantyaw ni Wendy.
"Duh? Binigyan din ako ng ganyan ng jowa ko dati. Tingnan mo ngayon nagloko."
"Sira! Magkaiba naman si Aaron at 'yong jowa mo dati."
"Pareho lang ang mga lalaki kapag nagloko. Makakapal ang mukha."
Hinaplos ko ang kwintas ko. Sigurado ba ako sa pagpayag ko? Hindi ba ako magsisisi sa huli? Pinasok ko ang relasyon nang hindi masyadong pinag-iisipan.
"Autumn." sabay sabay kaming nag-angat ng tingin sa nakatayong si Katelyn sa harapan namin.
"Bakit?"
"Kailangan natin mag-usap." aniya.
Mahigpit ang hawak niya sa kanyang sling bag. Nag-angat ako ng kilay at sinulyapan ang tatlo bago ako tumayo at tumango kay Katelyn. Tumango rin siya at naghanap ng table na pwede namin upuan nang hindi nila naririnig.
Umupo ako roon at sinulyapan ulit ang tatlo na nagbubulungan. Inirapan ni Eunice si Katelyn samantalang ang dalawa ay may sinasabi sa akin na hindi ko maintindihan.
Binalingan ko si Katelyn na diretso sa akin ang tingin, "Ano ang pag-uusapan natin?"
"Tungkol kay Aaron."
Napawi ang munting ngiti ko, "Bakit? Anong mayroon sa boyfriend ko?"
"Kayo na?" nanlaki ang mata niya at bakas ang gulat.
"Sinadya mo pa akong puntahan dito sa bayan para lang ba itanong 'yan? Hindi ka mukhang may boyfriend, Katelyn."
"Kayo na?" tanong niya sa gulat at mariing tono.
"Kami na, ano ngayon?" tinaasan ko siya ng kilay.
"Hindi ako nandito para makipag-away, Autumn. Ayusin mo ang sagot mo. Ate mo ako-"
Natawa ako ng mahina, "Sige... Ate."
Huminga siya ng malalim at ngumiti, "Kami ni Aaron ay matagal nang magkakilala. Hindi lamang simpleng magkakilala."
Umawang ang labi ko habang nag-uumpisa na siyang magsalita. Pinagmasdan ko ang perpektong hugis ng kanyang mukha at ang kurba ng kanyang labi. Napaka-ganda niya. Kung hindi ko lang siya kilala talagang hahangaan ko siya.
BINABASA MO ANG
Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #1