Kabanata 37

532 24 1
                                    


Pinunasan ni Aaron ang basa kong pisngi habang nasa loob kami ng kotse. Ayokong bumalik sa mansyon, nakakahiya iyong kanina. Nakita nilang tumitingin ako sa basurahan at madumi pa ang damit.

Bumuntong hininga si Aaron, "Ayos na?"

Tumango ako at tumingin sa labas. Nagmaneho siya hanggang sa kabilang probinsya habang pinapatahan ko ang sarili kanina. Naiinis ako. Inis na inis ako.

"Kakausapin ko si Katelyn mamaya." mariing tono niya.

Tiningnan ko ang kamay niyang nasa manibela. Tumulo na naman ang luha ko. Dapat ako ang nagsuot no'n sa kanya. Iyon pa naman ang inaabangan ko.

"Bumalik ka na lang sa mansyon. Alam kong hinahanap ka na nila." ani ko.

Importante siya roon. Hindi pwedeng hindi makita si Aaron sa party niya. Ang laki na nga ng kahihiyang naidulot ko sa kanya kanina, ayokong dagdagan pa 'yon.

"Gusto mo na bang bumalik?"

Umiling ako kaagad, "Uuwi na ako sa amin. Magkita na lang tayo kapag tapos na ang birthday mo."

Huminga siya ng malalim at umiling. Kinuha niya ang box na nasa dashboard at binuksan 'yon. Naroon ang isang pulseras. Ang ginawa ko pang isa na para sa akin.

Kinuha niya 'yon tsaka niya inabot ang kamay ko. Tahimik lang kaming dalawa habang sinusuot niya sa palapulsuhan ko ang pulseras. Kuminang iyon dahil sa ilaw.

Hinaplos niya 'yon at pinakatitigan. Ilang sandali ay umawang ang labi ko nang dahan dahang niyang inangat ang aking kamay at dinala sa kanyang labi.

"Ron..." bulong ko.

"Nagustuhan ko ang regalo mo, Autumn. Kung alam ko lang sana hindi ko tinanggap itong bracelet kay Katelyn. Gusto kong tanggalin pero bigay mo 'to kaya ayoko."

Tumango ako at nagbaba ng tingin, "Naiintindihan ko."

Hinaplos niya ang daliri ko. Tumindig ang balahibo ko sa ginagawa niya. Tahimik kaming dalawa at nakatuon lang ang mata ko sa daliri niya.

"Ron," nag-angat ako ng tingin at naabutan ang titig niya.

"Hmm?"

"Palagi ba si Katelyn sa mansyon?" normal kong tanong.

Tumango siya, "Nakasanayan siguro? Palagi siya dati dahil na rin kay lolo. Ngayon..."

Nagsalubong ang kilay niya at napatitig kung saan. Para siyang may naisip bigla na gusto niyang gawin.

"Ayokong nakikita siya sa bahay niyo."

Napatingin siya sa akin at halata ang gulat sa mga mata niya. Nag-iwas ako ng tingin pero hindi ko babawiin ang sinabi ko.

"Girlfriend siya ni kuya. At nakikita ko rin na hindi pa siya tapos sa'yo. Ayokong sabihin sa kapatid ko dahil alam kong mag-aaway na naman kami."

Kinagat ko ang labi ko nang biglang naisip ang lalaking katagpo ni Katelyn sa daan. Idagdag pa pala ang lalaking iyon. Hindi ko alam kung nakukuntento ba si Katelyn o ano.

Tumango tango si Aaron. Dumaan ulit ang anghel sa pagitan naming dalawa. Pinanood ko lang ang ilaw ng mga sasakyang dumadaan sa harapan namin habang siya ay ramdam kong nakatitig lang din.

"Kailangan mong bumalik na sa mansyon. Hindi magandang wala sa mismong party niya ang..."

Natulala ako sa bagay na biglang nakatutok na sa aking daliri. Isang singsing.

"Alam kong pareho pa tayong bata, pwedeng hindi mo pa nauunawaan ang relasyon nating dalawa at may mga problema pang darating sa atin sa hinaharap. Kaya panatagin mo ako, mangako kang pakakasalan mo ako, Autumn. Iyon ang panghahawakan ko."

Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon