Tumigil ang sasakyan kaya kinalas ko ang seatbelt at hinarap siya. Nakahawak ang dalawang kamay sa manibela at pinapanood ako. Nagkatitigan kami ng ilang sandali bago siya lumapit at hinalikan ako sa aking pisngi."Good night, baby." bulong niya.
"Night." napapaos kong balik.
Pagbaba ko ng sasakyan ay hinintay ko siyang makaalis pero hindi siya gumagalaw. Ang mapupungay niyang mga mata ay mas lalong naging klaro dahil sa ilaw sa harap. Binuksan niya ang bintana ng kanyang kotse.
"Pumasok ka na. Tsaka ako aalis."
Ngumisi ako at tumango na lang, "Mag text ka kapag nakauwi ka na."
Tumango siya at kumindat. Dumiretso na ako sa gate at binuksan 'yon. Hanggang sa nakapasok ako sa loob ng bahay ay nasa labas pa rin ang kotse. Mabilis akong pumasok sa kwarto at sinilip ang labas ng bintana at nakitang naroon pa rin siya.
Naghintay ako ng limang minuto pero nandoon pa rin ang kotse. Nagbihis ako at sinilip ulit, naroon pa rin. Pinatay ko na ang ilaw ng kwarto ko at doon ko lang nakitang umilaw ang kotse niya at umalis. Napailing iling akong humihiga sa aking kama.
Pumasok ako sa relasyon naming hindi masyadong pinag-iisipan ang magiging bunga. Pero ngayon, naniniwala akong ang relasyong ito ay seryoso. Nakikita ko si Aaron na una't huli ko at hindi panandalian lang. Sana ay ganoon din ang tingin niya sa akin.
Paggising kinabukasan ay saglit akong natulala sa kawalan. Kinuha ko ang cellphone at nakitang may limang mensahe roon.
Ron:
Nakauwi na ako.
Ron:
Tulog ka na?
Ron:
Goodnight.
Umupo ako at sumandal habang nagtitipa ng mensahe para sa kanya. Nireplyan ko rin ang text ni Nami at Eunice bago bumaba para maghanda ng pangkaraniwang ginagawa tuwing umaga.
Nagluto ako ng pagkain at dahil sabado naman, ako ang maghahatid ng pagkain nila Mama. Sa kalagitnaan ng pagluluto ay pumasok si kuya na magulo ang buhok at halatang bagong gising.
Dumiretso siya sa ref at binuksan 'yon. Tinuloy ko ang pagluluto ng sinigang pero kalaunan ay lumapit si kuya para ilapag ang baso sa lababo.
"Hinatid ka niya?" bigla niyang sinabi.
Napatingin ako sa kanya, "Ni Aaron, Kuya."
Tumango siya at hinugasan ang pinag-inuman.
"Paano mo nalaman?" binalingan ko ulit siya.
"Nakita ko kayong dalawa."
Pinag-initan ako ng pisngi nang naalala ang nangyari kagabi. Nakita niya kaya ang paghalik ni Aaron sa aking pisngi?
"Kayo na ba?" tumigil siya at bumagsak ang tingin sa akin.
Lumunok ako at tinitigan ang niluluto, "Kami na."
"Kailan?" kalmado ang boses niya, walang bakas ng galit.
"Noong birthday ko." hinarap ko siya.
"Alam ni Papa?"
Napakurap kurap ako, "Uh... hindi ko pa nasasabi pero sigurado akong alam niya na."
Tahimik lang siyang tumango, "Huwag mo lang kakalimutan ang pag-aaral mo, Autumn, at maayos tayo."
Umawang ang labi ko at napangiti kay kuya. Lumabas siya ng kusina. Masaya kong tinuloy ang pagluluto ko ng sinigang. Niramihan ko 'yon kaya naghanda na rin ako ng kakainin namin ni kuya. Pagbaba niya ng kusina ulit ay nakaligo na siya at naglalakbay ang bango sa buong silid.
BINABASA MO ANG
Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #1