"Ex girlfriend mo ba si Katelyn?" mas malinaw kong ulit.Naging seryoso ang mata niya. Palipat lipat ang tingin na parang naninimbang. Nagbaba siya ng tingin kapagkuwan ay tiningnan ulit ako. Parang nagdadalawang isip na sumagot. Sa itsura niya pa lang halata na.
Huminga ako ng malalim habang hinihintay ang sagot niya kahit alam ko na base pa lang sa reaksyon niya. Mahigpit ang hawak ko sa aking libro na nakapatong sa aking hita.
"Ron?" pukaw ko sa kanya.
"Kanino galing 'yan?" malamig niyang ani.
"Kay Katelyn. Totoo ba?" naninimbang din ako ng reaksyon niya.
"Ano pa ang sinabi niya?"
"Sagutin mo ako. Totoo ba?"
Natigilan siya at mas naging seryoso ang tingin sa akin. Mas naninimbang na ikinainis ko. Bakit nahihirapan siyang sagutin?
"Totoo nga." aniya.
Umawang ang labi ko, "Kung ganoon kayo na bago ka napunta rito?"
Kumunot ang noo niya pero sa huli ay marahang tumango. Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko habang tinatanggap ang nalaman.
"Kaya ka ba nandito dahil sinundan mo si Katelyn?"
"Sinabi niya sa'yo 'yan?" mariin niyang tanong.
"Sagutin mo ako. Totoo ba 'yon?" tumaas ang boses ko kaya natahimik siya.
"Ano pang sinabi niya sa'yo?"
"Sagutin mo na lang-"
"Ano pa ang sinabi niya sa'yo?" putol niya sa mas mariing tono ngayon, may halong galit na.
Huminga ako ng malalim at humalukipkip. Sumandal ako sa upuan at tinitigan siya. Halata ang galit sa kanyang tingin.
"Sinabi niya sa aking kayong dalawa noong nasa Manila kayo. Tapos naghiwalay kayo dahil pumunta si Katelyn dito. S-sinabi niyang sinundan mo siya kaya nandito ka rin. At hanggang ngayon ay... mahal mo siya."
Mas lalong lumalalim ang pagkunot ng noo niya sa bawat sinasabi ko. Kinagat ko ang labi ko ng mariin.
"Hindi niya pala sinabing mahal mo pa rin siya pero iyon ang iniisip ko mula pa kahapon at kanina rin."
"Iniisip mo 'yon maghapon?" wala na ang galit sa tono niya pero naroon pa rin ang pagiging seryoso.
Tumango ako, "Ganoon 'yon, hindi ba? Maaaring hindi ka pa nakaka move on sa kanya. At kaya mukhang galit ka sa kuya ko dahil sila ni Katelyn. At noong sa pool din. Tsaka baka ano..."
"Paano mo naiisip ang mga ganiyang bagay?" bulong niya.
Nag-iwas ako ng tingin. Tamad siyang tumayo at naglakad palapit sa akin. Sinipa niya ang isang upuan at naupo sa tabi ko. Inilagay niya ang isang kamay sa isang lamesa at ang isa naman ay sa likod ng aking upuan.
Hinawakan niya ang gilid ng upuan ko at hinila 'yon para maiharap sa kanya. Napalunok ako sa uri ng titig niya.
"Ano pa ang mga iniisip mo?" tanong niya.
"Tungkol sa inyo ni Katelyn?"
Tumango siya, "Lahat ng iniisip mo."
"Na baka ano..." nag-iwas ako ng tingin.
"Ano?" nagtaas siya ng kilay.
Huminga ako ng malalim at naglakas loob na sabihin, "Na baka ginagamit mo lang ako para saktan si kuya. Dahil hindi mo matanggap na... bakit ka ngumingiti?"
BINABASA MO ANG
Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)
RomantiekHacienda de los Caballeros Series #1