Kabanata 39

542 26 0
                                    


Naabutan kong bumababa si Lala na may dalang bimpo. Bahagya siyang tumango sa akin bago pumunta sa likod at sinampay ang mga 'yon. Malamang ginamit niya 'yon kay Aaron.

"Hey, hey. Ang bilis mo naman." si Levi na nakasandal sa pader ng kwarto ni Aaron.

"Ayos lang ba siya?"

Nalukot ang mukha niya at umarteng naririndi sa boses ko, "Kanina mo pa 'yan tinatanong. Iyan na ang pinto. Bakit hindi mo buksan para makita mo?"

Kapansin pansin ang kaunting pamumula ng kanyang pisngi at ang sugat niya sa gilid ng labi. Naalala kong nagkaroon na siya ng ganito dati noong sinuntok siya ni Aaron sa kubo.

Tinulak ko siya at binuksan ang pinto ng kwarto ni Aaron. Makakapal ang kurtina niya kaya madilim ang paligid. Nanatili si Levi sa hamba at lumapit naman ako sa nakapikit na Aaron.

"Bakit siya nagkasakit?" baling ko kay Levi.

Nagkibit balikat siya, "Pagod daw."

"Wala akong lagnat, masakit lang ang ulo ko." biglang nagsalita si Aaron kaya napatingin ako sa kanya.

Mapupungay ang mga mata at parang gusto pang pumikit pero pinipilit niya. Naupo ako sa tabi niya at mabilis na inilagay ang aking kamay sa kanyang noo. Medyo mainit siya. May sakit nga.

"Bakit hindi ka nagsabi sa akin?"

"Hindi na kailangan, wala lang 'to." pumikit siya sandali bago muling dumilat.

"Kung sinabi mo edi hindi na sana ako pumasok para mabantayan ka rito." inis kong sinabi.

"Kaya nga hindi ko na sinabi." aniya.

Bumuntong hininga ako at yumuko. Hinawakan niya ang kamay ko at umayos siya ng higa.

Inikot ko ang tingin sa kanyang silid. Maayos at wala man lang kalat. Kita ang tanawin ng dagat sa kanyang terasa. Binitawan ko ang kamay niya at nilapitan ang bintana para buksan 'yon kahit medyo madilim na ang paligid. Mas makakalanghap siya ng hangin at mas gagaan ang pakiramdam niya.

"Autumn, masakit sa mata." aniya at tinabunan ang mata gamit ang kanyang braso.

"Sorry." mabilis kong sinara ang bintana pero hinawi ko ang kurtina para magkaroon ng kaunting liwanag sa loob.

"Diyan ka na. May gagawin pa ako. Oo nga pala, kapag magaling ka na, Aaron, humingi ka sa akin ng tawad sa ginawa mo sa pisngi ko." kumaway si Levi at ngumisi bago sinara ang pinto.

Natigilan si Aaron at biglang tumalim ang mga mata nang tingnan ako. Napalunok ako at lumapit sa kanya. Naupo akong muli sa inupuan ko kanina.

"Magkasama kayo ni Yohan kanina?" malamig niyang tanong.

"Uh... ano, pumayag lang akong sumama sa kanya."

Nagtaas siya ng kilay, "Date?"

"H-hindi!"

Bumangon siya at sumandal sa kama, "Anong ginawa niyo?"

Nag-iwas ako sa kanya ng tingin, "Nanood ng sine... pero kalahating oras lang-"

"Wow, may sakit ako tapos ang girlfriend ko may kasamang ibang lalaki at masayang nanonood ng sine." sarkastiko siyang ngumisi.

"Hindi mo naman kasi sinabi na may sakit ka." kinagat ko ang labi ko.

May kumatok sa pinto at halos magdiwang ako. Bumukas 'yon at sumungaw ang ulo ng nakangising si Levi.

"Nagluto ako ng takoyaki. Makakakain ka ba?" tanong ni Levi.

Hindi siya pinansin ni Aaron. Nanatili itong matalim na nakatitig sa akin. Hindi naman ako makatitig sa kanya pabalik.

"Takoyaki daw. Hindi ba paborito mo 'yon?" pagwawala ko sa usapan.

Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon