Tumigil ang sasakyan sa harapan kaya mabilis kong binuksan ang pinto at sumakay. Mabilis na itinukod ni Aaron ang isang kamay niya sa upuan at lumapit sa akin para gawaran ako ng isang halik sa pisngi. Natigilan ako at napakurap kurap."Kanina ka pa?" tukoy niya sa paghihintay ko.
Tumikhim ako at inayos ang seatbelt, "Hindi naman."
Tumango siya at tumingin sa harap, "Tayo na."
Tumango ang driver at hinawakan na ang manibela. Tahimik lang ako sa loob, iniisip pa rin ang ginawa ni Aaron kanina. Palagi akong nagugulat sa mga nagagawa ng katabi ko.
"Nagkita na kayo ni Levi?" tanong ko sa kanya nang nakalagpas kami sa mansyon nila.
Umiling siya at isinandal ang ulo sa balikat ko, "Kung hindi mo lang siya tinatanong, hindi ko siya maaalala."
"Hindi kayo nagkikita? Hindi ba sa mansyon niyo siya nakatira?"
"Autumn, nagkukulong lang 'yon sa kwarto niya. Pwede siyang tumira sa mansyon nang hindi kami nagkikita." aniya.
Niyugyog ko ang balikat ko para istorbohin siya. Nang sinilip ko'y saktong dumilat siya. Natutulog ba siya kanina?
"Bakit mo pala tinatanong?" bahagya siyang nag-angat ng tingin at nagtaas ng kilay.
"Syempre kaibigan ko 'yon. Mag-aalala ako kung hindi siya nagpapakita-"
"May exam ka, hindi ba? Tuturuan kita."
Natigilan ako nang naalala iyon, "Oo, malapit na. Ikaw ba, kailan?"
Nagpatuloy ang usapan namin hanggang sa nakarating na sa school. Sabay kaming naglakad papasok at inihatid niya ako sa room ko bago siya dumiretso sa kabilang building para sa room nila.
Nalunod agad ng hagikhik ni Nami at Wendy ang ingay sa loob ng classroom. Hindi pa ako nakakaupo ay nabugbog na nila akong tatlo dahil na naman sa nakita nila.
"Haba ng hair nitong taglagas na 'to." humagikhik si Wendy.
"Teka, natatapakan mo, Nami, tumabi ka." nagkuwari pa si Eunice na hinahawi ang invisible hair na nasa sahig.
Natatawa na lang ako habang pinapanood sila. Natigil ako nang lumapit si Chanel sa amin na may mapagmatyag na tingin.
"Autumn, kayo ni Aaron?" mahina niyang tanong.
Hindi ako ang sumagot kundi si Wendy.
"Oo, bakit?"
Umiling si Chanel pero kita sa kanya ang kalituhan, "Sabi kasi ni Kipoy nakita niyang magkasama si Katelyn at Aaron noong isang araw."
Natuon ang tingin ko sa kanya dahil sa sinabi niya. Ayaw kong maniwala. Pero bakit naman sila gagawa ng kwento tungkol dito?
Tumikhim si Nami at humalukipkip, "Anong gusto mong sabihin?"
"Wala lang. Sinabi ko lang 'yong nalaman ko."
"Bakit pa kailangan sabihin? Para mag-isip ng kung ano itong kaibigan ko?" tumaas ang boses ni Nami kaya mabilis siyang nilapitan ni Wendy at Eunice.
"Girl, tama na 'yan." awat ni Eunice.
"Hindi ko naman pinapalabas na may something sa pagkikita nila. Sinabi ko lang para alam ni Autumn."
Tumayo ako, "Tama na 'yan. Salamat sa pagsasabi, Chanel. Mabuti na lang para alam ko."
"Hoy, Autumn! Mag-iisip ka na naman ba ng-"
"Hindi." agap ko, "Nagkita lang naman sila, wala naman ibang ginawa na higit pa. May tiwala ako kay Aaron. Sasabihin niya din naman 'yon sa akin kung importante."
BINABASA MO ANG
Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #1