"Sunod ay meat." tumango ako sa sarili ko tsaka tinulak ang cart at dumiretso sa meat section.Nagtingin tingin ako roon ng sariwang karne at manok. Kailangan kong ipagkasya ang budjet ko dahil magastos ngayon at sobrang mahal ng mga bilihin. Kumuha ako ng kalahating kilo ng karne at manok bago muling tinulak ang cart.
Natigilan ako at napatingin bigla sa gilid. Nanlaki ang mata ko at agad na ginapangan ng kaba nang walang nakitang bata na nakasunod sa akin.
"Ez, nasaan ka?" binitawan ko ang cart at bumalik sa section na dinaanan ko kanina at baka naiwan siya pero wala siya roon.
Huminga ako ng malalim at inikot ang buong grocery para makita siya pero wala akong nakitang bata. Nag-init ang sulok ng mata ko at sari-saring senaryo ang mabilis na namuo sa aking isip.
"Ez! Anak?" sinilip ko ang bawat counter pero wala rin siya roon.
Naihilamos ko ang kamay sa aking mukha at tumingin sa taas. Nasaan ka na ba?
Pumikit ako ng mariin at natigilan nang naalala ang security guard. Mabilis akong lumapit doon at halos magdiwang ako pagkakita sa batang iyon na abala sa pagkain ng ice cream.
Natatawa siya habang nakikipagkwentuhan sa security na mukhang sayang-saya sa pinag-uusapan nila.
Nilapitan ko sila at doon lang ako sinulyapan ng guard. Bumaling sa akin si Ez at agad siyang bumaba sa kanyang inuupuan.
"Mama!" sigaw niya sa matinis na boses.
Naupo ako sa harap niya at hinayaan siyang balutin ako gamit ang maliliit niyang mga kamay. Gusto kong umiyak pero matalim ang naging tingin ko nang kumalas siya.
"Hindi ba sinabi ko sa'yo na mag stay ka lang sa likod ni Mama at huwag kang lalayo?" tanong ko sa kanya.
Ngumuso siya, ang labi ngayon ay basa dahil sa pagkain ng ice cream na natutunaw na sa mga kamay niya.
"Nag stay naman ako, ah. Ikaw itong biglang nawala, Mama."
"Sana sinabi mo sa akin kung saan ka nagpunta. Pinag-alala mo ako, Ez." sinapo ko ang magkabilang pisngi niya at hinapit siya palapit sa akin.
"Kinausap ko si kuyang guard at sinabi niyang dito na lang muna ako para maupo. Pinahanap pa nga kita sa kanya, Mama. Inisip ko ngang huwag ka na hanapin kasi kung saan saan ka na lang nakakarating."
Bahagya kong pinisil ang pisngi niya, "Ang dami mo talagang palusot."
Tumayo ako at mabilis na hinawakan ang kamay niya bago ko hinarap ang guard.
"Maraming salamat po sa pagbabantay sa kanya."
Tumawa ito, "Nako, hija, parang siya pa nga ang nagbantay sa akin. Natuwa ako sa bait niyang anak mo."
Nakitawa ako sa kanya pero tiningnan ko si Ez nang may babala. Nakatitig sa akin ang inosente niyang mata habang dinidilaan ang ice cream.
Hinanap ko ang pamunas sa kanyang maliit na bag at pinunasan ang kamay niyang malagkit, "Bilisan mo na diyan sa pagkain ng ice cream."
"Uuwi na tayo? Pero wala ka naman binili." aniya.
"Bilisan mo ang pagkain para makabalik tayo sa loob dahil hindi ka papapasukin kung may kinakain ka."
Mabilis niyang inubos ang ice cream niya. Pinunasan ko naman ang maliliit niyang mga kamay na nanlalagkit na dahil sa ice cream.
"Si kuyang guard ba ang nagbigay sa'yo niyan?" tukoy ko sa ice cream.
Umiling siya, "No, Mama. Binili ko 'to."
Nagtaas ako ng kilay, "Saan ka naman nakakuha ng pera?"
"Kinuha ko ang wallet mo." binuksan niya ang bag niya at iniabot sa akin ang wallet ko.
BINABASA MO ANG
Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)
RomanceHacienda de los Caballeros Series #1