Kabanata 1

1.9K 47 0
                                    


Napatigil ako sa pagsusulat at napatingin sa kaharap, "Talaga?"

Tumango tango si Nami, "Nasa kabilang room. Senior high na siya kaya nauna lang sa atin ng isang taon. Sabi ko sa'yo dito na 'yon mag-aaral."

"Ano naman?" tinuloy ko ang pangungupya sa board at hindi na pinansin si Nami.

Tinapik tapik ni Nami ang balikat ko na para siyang naging biglang excited. Sinipat ko siya at handang sigawan nang may umupo bigla sa bakanteng upuan na katabi ko. Rinig ko ang tili ni Nami at pag-aayos niya ng upo.

"Hi, Au!"

Napalunok ako at binalingan ang katabi, "Anong ginagawa mo rito? Doon ka sa klase mo."

"Break namin, ten minutes. Kumain ka na? Labas muna tayo."

Tumikhim si Nami at nagkunwaring nagsusulat kahit alam kong nakikinig din naman ang isang ito. Napailing iling ako at ibinagsak ang tingin sa notebook.

"May sinusulat ako. Tsaka parating na ang teacher namin. Mapapagalitan ka kapag nagtagal ka pa rito." dahilan ko.

"May sakit si Mrs. Ramos. Kaya nga nagpapasulat lang siya sa notes. Tara na."

Umiling ako, "Ayoko talaga. I'm sorry."

Ngumisi lang siya. "Sige na."

Pairap akong bumaling sa kanya, "Ayoko nga, eh. Hindi mo ba maintindihan? Busy ako kaya bukas ka na magyaya."

Bumuntong hininga ako sa pagbabakasakaling matatapos na 'to pero mas lalo lang siyang natawa.

"Sungit. Kaya gusto kita, eh. Babalik ako mamaya kapag break mo na. Bye!"

Nang nawala siya ay humarap na naman si Nami, "Ano 'yon? Bakit may pasigaw ka riyan? Lq?"

"Q lang kasi hindi kami lovers." umirap ako.

"Aysus! Eh, bakit pinayagan mong manligaw?"

"Hindi ko siya pinayagan. May sinabi ba akong pumayag ako?"

Kumunot ang noo niya, "Kapag talaga tungkol sa lalaking iyon umiinit ang ulo mo. Malala ka na, mag-iingat ka. May kasabihan na, the more you hate the more you love."

Ano na naman ba sinasabi nito? Kalokohan.

Sumakay ako ng tricycle at nagpahatid ulit sa farm ni mayor. Ang tamad kong kapatid imbes na ihatid ako ay mas gusto niya pang manood ng pangbatang palabas.

Hindi katulad noong nakaraan, nandoon na sila sa kubo at wala sa lawa. Lumipad sa malayong kwadra ang tingin ko, inaalam kung naroon pa ba ang kabayo tsaka ako dumiretso sa kubo.

"Mama!"

Agad na dumapo sa akin ang tingin nila, "Oh, anak ko! Halika, halika."

Tumulong ako sa paglalapag ng pagkain. Medyo nakakahiya dahil wala pa ang truck na nagdadala ng pagkain nila. Baka hindi rin muna kakain sila mama at papa kapag ganoon kaya magtatagal ako rito sa farm.

"Autumn, anak, ikaw pala." lumapit si Aling Aida at nakialam sa mga dala ko, "Mag-isa ka? Nasaan si Ken?"

"Nasa bahay, Aling Aida. Ayaw niya ngang lumabas dahil abala siya." sagot ko.

"Nandito ang apo ni Mayor! Aida, halika bilis!" aligagang utos ni Mang Emil.

Halos pati ako ay napatigil din dahil doon. Tumayo si papa at naglakad papalapit sa truck na pumasok. Lumabas doon ang apo ni Mayor na naka shorts at plain white t-shirt.

"Nag-abala pa kayong dalhin dito ang pagkain namin nakakahiya naman!" nahihiyang sinabi ni Aling Aida.

Tipid na ngumiti ang lalaki, "Ayos lang naman sa akin. Gusto kong puntahan ang lawa."

Tumulong si papa sa pagbaba ng mga tray ng pagkain at inilapag iyon sa kubo. Nanatili akong nakatayo at nakamasid sa lalaking 'yon. Naglakad siya at doon ako nadaanan ng tingin. Ang itim niyang mata ay malalim na para akong nalulunod sa kawalan habang tumatagal ang pagtitig ko.

Normal na akong makakita ng mga guwapong lalaki dahil marami rin naman mga ganoon sa school at probinsya pero bakit... kakaiba para sa akin ang dating niya? Siguro dahil talaga Maynila siya?

"Kumain ka na ba, Ron? Gusto mo bang sumabay sa amin?" tanong sa kanya ni Mang Emil.

Natahimik ang lalaki kaya binalingan ko ulit siya at muntik ng tumalon ang puso ko nang naabutan ang titig niya.

Ilang sandali pa bago siya bumaling sa kasama, "Kumain na ako sa bahay. Gusto ko lang mangabayo."

Tumango si Mang Emil, "Sige. Nil, samahan mo siya."

"Opo!" agap ni Nil.

Sinundan ko sila ng tingin at pinanood habang kinakalas ang tali ng kabayo at inilalabas ito. Agad na sumampa ang lalaki at sinipa ng bahagya ang tiyan ng kabayo.

"Ilang taon ba mula noong nag-aral 'yan si Aaron mangabayo?" biglaang tanong ni Aling Aida habang kumakain kami.

"Anim na taon? Sinanay na sila ng kanilang lolo sa tuhod dati."

"Ang mga Caballeros, kilala talaga sa pagiging mahusay sa pagsakay sa kabayo." proud na wika ni Ethel.

"Ang alam ko pa nangunguna si Aaron sa klase niya sa Maynila. Hindi ko alam kung bakit umuwi rito. May mansyon at ari-arian na sila sa Maynila." sinabi ni Aling Aida.

"Hindi mo pa rin ba talaga alam? Pinauwi 'yan para magmana ng lupain." sagot ni Mama.

Nagpatuloy lang ako sa pagkain habang paminsan-minsan ang sulyap sa malayong kwadra. Wala pa rin siya.

"Anim ang anak ni Mayor at halos lalaki, isa lang yata ang babae. Si Aaron lang ba ang magmamana ng lahat?" gulat na sinabi ni Ethel.

Napabaling kami sa iisang direksyon pagkarinig sa takbo ng kabayo. Bumalik na 'yong lalaki. Agad na kinuha ni Nil ang tali at nilagay na ang kabayo sa kwarto nito. Nilapitan iyon ng lalaki at saglit na sinuklay ang buhok ng kabayo.

May sinasabi sa kanya si Nil at sinasagot niya naman pero hindi ko na rinig mula rito. Natapos si mama at papa sa pagkain kaya inayos ko na ang baunan. Balik trabaho na naman sila pagkatapos ng isang oras na pahinga.

Dahil may isang oras pa ay nanatili muna ako sa farm. Iba't-iba ang trabaho nila rito. May taga dilig, taga tanim, at taga dala ng mga harvest para itinda sa bayan. Kinuha ni mayor sila papa dahil nalalapit na rin ang paghaharvest ng malawak na mangga.

Aaron? Kung Caballeros siya... ibig sabihin may posibilidad na papasok siya sa politika. Aaron Caballeros?

"Ikaw 'yong batang nag-aaral din."

Nanlaki ang mata ko sa gulat at agad na binalingan ang katabi. Sa sobrang lalim ng iniisip ko ay hindi ko na napansin na nakalapit siya. Inikot ko ang tingin sa buong paligid at napakagat labi nang nakitang kasama namin.

Bakit ba kasi sila lumalayo?

Pasimple akong lumayo ng upo sa kanya, "I-ikaw pala."

"Grade ten, hindi ba?" baling niya.

Lumunok ako at tumango, "Ikaw naman? Senior high..."

Seryoso siya kaya napakurap kurap ako.

"Ah... sinabi lang ng kaibigan ko sa akin 'yon... kaya alam ko." paglilinaw ko.

Bakit ba ako kinakabahan?

"So... do you come here often?" muling tanong niya.

"Kapag sabado at linggo, walang klase. Kasi hindi ako makakapagdala ng pagkain nila kapag nasa school ako." kinagat ko ang labi ko, gusto pang dagdagan ang sinasabi pero pinipigilan ko.

Tumango siya ng isang beses, "Magiging madalas din ako rito."

Umawang ang labi ko at napatitig sa kanya, "Oo, dapat lang."

Umawang ang labi niya at kita kong naglaro ang pilyong ngiti sa kanyang labi. Nag-iwas ako ng tingin.

"K-kasi... kailangan mong pagtuonan ng pansin itong farm kaya gano'n. Dapat lang na palagi ka rito."

Pinisil ko ng bahagya ang kamay ko at pumikit ng mariin. Pag-uusap lang 'to. Bakit ba ako hindi makapali!

Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon