Kabanata 16

600 32 1
                                    


Nagpatuloy ang pagtatanim namin ng gulay sa farm. Tinuturuan nila ako kung paano ang tamang pagtatanim kaya nag-eenjoy naman ako sa pagtulong dito. Isa pa, may sweldo rin. Para naman may dagdag ako kung sakaling magbabayad sila mama sa kuryente.

Si kuya ay kinuha rin ni Mayor pero sa rancho siya. Ang rancho ay may kalayuan dito dahil papasok 'yon at lupa ang daanan. Hindi pa nasesemento ang lugar papunta roon kaya kahit truck ay nahihirapang makadaan.

Kapag sinwerte, binibigyan kami ni Aaron ng gulay na uulamin namin. Nagbibigay rin siya ng prutas at kahit na nakikita niyang kumukuha ang ilan ng bunga ay hindi niya pinagbabawalan. Sa halip ay tumatawa pa siya at siya na mismo ang nag-uudyok sa kanila na kumuha.

"Taglagas, dito ka!" tawag sa akin ni Aling Aida.

Ngumisi ako at lumapit sa kanya. Tirik ang araw kaya masakit sa balat. Namumuo na rin ang pawis ko at ang suot na puting t-shirt ay puno na ng dumi.

"Bakit, Aling Aida? Wala na naman kayong kausap kaya tinawag niyo ako."

Tumayo siya kaya natigilan ako, "Samahan mo ako, hija."

Tumayo rin ako, "Saan, po?"

"Tayo ang kukuha ng pagkain. Marami 'yon at mag-isa lang si Renz kaya tulongan natin."

"Huh? Mag-isa lang si Renz?" inilibot ko ang tingin sa buong lugar at si Renz lang talaga ang nakikita kong sumasakay na ng truck.

Kinuha ni Aling Aida ang kamay ko kaya hindi na ako nakapagpaalam kay mama. Abala rin naman sila sa ginagawa nila. Ang ibang trabahador ay sumilong muna sa mga puno ng niyog.

Inayos ko ang damit ko at pinunasan ko rin ang namuong pawis sa aking noo. Sumakay kaming truck at lumabas na ng farm para pumuntang mansyon. Napalunok ako habang nasa daan.

Panay kwento si Aling Aida pero hindi ko 'yon mapakinggan dahil panay ako ayos ng sarili ko. Huminga ako ng malalim nang natanaw ang puting mansyon. Tinigil ni Renz ang truck at hinintay na pagbuksan kami ng gate.

Sa gilid siya dumiretso. Naroon ang pinto ng kusina. Bumaba kami ni Aling Aida at binuksan naman ni Renz ang pinto. Naroon ang ilang cook ni Mayor at nakahanda na rin ang mga pagkain.

Binilisan ko ang galaw ko. Isa-isa naming nilagay sa truck ang mga malalaking tupperware at mineral water na rin. Akala ko ay malalampasan ko 'yon pero yabag ng kung sino ang nagpatigil sa ginagawa namin.

Nakahalukipkip si Aaron at nakasandal sa hamba ng pintuan. Taas kilay niyang pinapanood ang ginagawa namin. Magulo pa ang buhok niya at sa suot niyang puting t-shirt, halatang halata ang kwintas niya.

"Good morning, senyorito." bati ng mga tagaluto.

Good morning? Tanghalian na, ah.

"Ay! Good morning sa'yo, hijo." maligayang bati ni Aling Aida.

"Maghahatid kayo ng pagkain?" tanong niya, nakatitig sa akin.

"Opo, senyorito. Gusto niyo bang sumama sa farm ngayon?" tanong ni Aling Aida.

Huminga ng malalim si Aaron at bahagyang tinagilid ang ulo, parang mayroon siyang tinitingnan sa mukha ko kaya nag-iwas ako ng tingin at nagkunwaring sinasara ang mga takip ng tupperware.

"Sige," sagot niya, "Pakihintay ako sa harap, magbibihis lang ako."

Nakahinga ako ng malalim pagpasok niya. Sumakay kami ni Aling Aida sa truck at bumalik si Renz sa harap ng mansyon. Tiningnan ko lang ang buhay na fountain at mga lumalangoy na isda sa paanan no'n.

Lumabas si Aaron ng main door suot na ang jacket niya. Balenciaga, basa ko sa likod no'n, ganoon din ang suot niyang tsinelas. Naupo siya sa harap katabi ni Renz at agad sumalakay ang bango niya sa buong truck.

Pasimple akong huminga ng malalim. Ang amoy niya ay hindi nakakasawa. Nakakahiya sa pawisang ako. Nasa likod niya ako at nakaharang lang ang upuan niya.

"Ayos lang ba ang farm?" marahan niyang tanong at bumaling sa akin mula sa salamin sa harap.

"Ayos lang, Ron. Nandoon na ang iba mong pinsan kaya ayos lang din kahit hindi ka sumama sa amin pero maaayos na rin na sumama ka." tugon ni Aling Aida.

Pagkarating sa farm at pagbaba ni Aaron ay sinalubong siya kaagad ng ibang walang ginagawa. Inalok siya ng kung anong inumin kahit tinatanggihan niya. Habang pinapanood siya, unti-unti akong natigilan sa pagbaba ng mga pagkain.

Ako nagtratrabaho, sila ang may-ari. Ako nagbubuhat at pawisan, siya mabangong mabango at binabati pa. Ngayon ko lang napagtanto kung gaano kalayo ang agwat naming dalawa pagdating sa pamumuhay.

Iniwasan ko ang kaisipang iyon at pinagpatuloy na lang ang ginagawa. Hindi naman sila magiging angat kung hindi sila nagsipag, kaya magsisipag din ako para maging kagaya rin nila balang araw.

Sa murang edad kaya na ni Aaron mamuhay sa sarili niyang mga paa. Kahit hindi siya bigyan ng lolo niya ng pera mabubuhay siya. Samantalang ako kahit notebook hindi ko kayang bilhin para sa sarili ko. Pumikit ako ng mariin. Kulang na lang pukpukin ko ang ulo ko sa naiisip na kahihiyan.

Hinawakan ko ang malaking tupperware pero bago pa maingat iyon ay naramdaman ko na ang kamay ni Aaron. Siya na ang nagbuhat ng iyon at isa-isang nilagay sa kubo.

Kausapin ko kaya siya? Mukha namang normal na lang ang lahat.

"Aaron..." pagsusubok ko.

Bahagya siyang natigilan at bumaling sa akin, "Bakit?"

"Maraming salamat sa pagbubuhat."

Tumigil siya at tumayo ng tuwid, "Hindi mo na kailangan pang magpasalamat. Gusto kong gawin 'yon."

"Mangangabayo ka ba ngayon?" sinubukan kong magbukas ng ibang topic.

"Oo, pero sandali lang ako." aniya.

Maligaya akong ngumiti, "Ang kabayo mo pala pinaliguan ko na kanina. Ang kulit nga niya pero unti-unti akong nasasanay sa kanya. Nasasanay na rin siya sa akin kaya hinahayaan niya na akong hawakan siya. At sinusubukan ko rin sumakay ng kabayo kapag may oras ako-"

"Anong sabi mo?" hinarap niya ako at seryoso ang tingin niya.

Napawi ang ngiti ko, "Sinusubukan ko ang kabayo..."

"Sinusubukan mo ang kabayo nang mag-isa ka lang? Paano kung nahulog ka, Autumn? Nag-iisip ka ba?"

Umawang ang labi ko at nagbaba ng tingin, "H-hindi naman siguro ako mahuhulog. Tsaka isa pa tinuruan mo ako kung paano ang tamang pagsakay-"

Bumuntong hininga siya, "Tinuruan kita pero hindi ibig sabihin no'n na pwede ka nang sumakay ng kabayo na hindi ako kasama. Paano kung nahulog ka? Edi mapapatay ko pa 'yong kabayo-"

"H-huh?" napakurap kurap ako.

"Huwag mo na 'yon uulitin." mababa niyang sinabi sa kontroladong boses.

"P-pero gusto kong sumakay ng kabayo."

Pumikit siya ng mariin, tila frustated sa sinabi ko, "Sasakay ka lang ng kabayo kapag nasa likod mo ako. Hindi kita hahayaang sumakay nang mag-isa."

Lumunok ako at tumango, "Paano kung gusto kong sumakay tapos wala ka sa farm?"

"Araw-araw na ako rito mula ngayon... kaya huwag mong susubukan." bulong niya.

Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon