Kabanata 49

765 24 1
                                    


"Mama!" ngumuso si Ez at tinagilid niya ang ulo niya.

"Bakit, anak?" ngumiti ako.

"Kanina ka pa tulala. Ang buong universe ba nasa utak mo, Mama?"

Kinalabit ko ang ilong niya. Nasa tapat kami ng simbahan at kagagaling lang sa loob pero kanina pa yata ako tulala dahil napansin na niya. Tumigil kaming dalawa at naupo ako sa harap niya.

"Ez..." tawag ko.

"Bakit, po?"

"Gusto mo bang makita si Papa?" marahan ko siyang tinanong.

Nanlaki ang mata niya sa sinabi ko. Hindi ko ito masyadong binabanggit sa kanya dati kaya alam kong wala siyang alam sa nangyari sa aming dalawa ni Aaron. Nalaman ko lang na iniisip niya palang hindi siya tanggap ng Papa niya noong narinig ko sila ni Nami na nag-uusap.

Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang ideyang iyon, pero nasasaktan ako sa tuwing naiisip na nasasaktan siya.

"Si Papa?" gulat niyang tanong.

Ngumiti ako at tumango tango. Pinakita ko sa kanya na masaya ako para hindi niya itago ang kung ano mang naiisip niya ngayon.

"Pero... ayos ka lang, Mama?"

Tumango ulit ako, "Gusto kang makita ni Papa, ikaw gusto mo ba?"

"N-nagkikita kayong dalawa? Kinakausap mo siya, Mama? Anong sinabi ng Papa ko? Tatanggapin niya na ba ako?"

Nakagat ko ng mariin ang labi ko. Kita sa kanyang mukha ang kasiyahan dahil sa narinig na nagkausap kami ng ama niya. Niyakap ko siya ng mahigpit.

"Gusto mo ba siyang makita, anak?"

Kumalas siya at tinitigan akong mabuti kapagkuwan ay umiling, "H-hindi ko kailangan ng Papa, po. Ayos na kayo sa akin, Mama."

"Ayaw mo siyang makita?"

Nanikip ang dibdib ko. Alam kong sinasabi niya lang ito dahil sa akin.

"Baka masaktan ka po ulit. Baka kapag pinakita niyo ako sa kanya iiyak-"

"Ez, mas masasaktan si Mama kung hindi mo sasabihin ang totoo. Hindi magiging madali ang ipakilala ka sa kanya, pero kung doon ka sasaya, doon na rin ako. Kung masaya ka, masaya na rin ako. Kaya huwag mong iisipin na masasaktan si Mama. Maliwanag ba?"

Tumango tango siya, "Gusto kong makita si Papa."

Huminga ako ng malalim at pinunasan ang kaunting luha niya. Pumayag ako sa sinabi ni Aaron na gusto niyang makita si Ez. Sinabi ko sa kanyang bigyan niya ako ng ilang araw. Sasabihin ko sa kanya, naghahanap lang ako ng lakas ng loob.

Alam kong magagalit siya sa akin dahil sa itinago ko ang anak niya. At masasaktan siya ng sobra, ayaw ko pang makita iyon kaya huwag muna.

Umuwi kaming dalawa pagkatapos mag-grocery. Nakauwi na si Nami sa probinsya kaya kami na lang ulit ni Ez sa bahay. Kahit na pagod ay tinulungan ako ni Ez na ayusin ang mga pinamili lalo na ang gatas niya.

Pagkatapos no'n ay naupo na lang siya habang tahimik akong pinapanood. Nginingitian ko siya sa tuwing nagtatama ang tingin namin, sinusuklian niya naman iyon ng tipid na ngiti.

Tulala siya. Marahil iniisip niya ang sinabi ko kanina. Sa tuwing iniisip kong kabado siya sa pagkikita nilang mag-ama, gusto ko siyang yakapin ng mahigpit.

Pinagtimpla ko siya ng gatas. Napangiti ako nang pumasok sa isip ang sinabi niyang iinom siya ng gatas para mabilis siyang lumaki at siya na ang mag-aalaga sa akin. Ang swerte ko kay Ez. Kahit na nasira ang pangarap ko dahil nabuo siya, hindi ko iyon pinagsisihan kailanman. Pero hindi ibig sabihin na tama ang nangyari sa akin.

Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon