Kabanata 13

601 25 0
                                    


Isang anklet ang regalo ko kay Nami. Hindi ko makalimutan ang reaksyon niya pagkakita roon at hanggang ngayon napapangiti pa rin ako kapag naaalala ko 'yon. Pare-pareho ang trato ko sa kanilang tatlo pero masasabi kong mas malapit si Nami sa akin dahil siya ang mas higit kong napagsasabihan ng problema.

Pero hindi ko nilalagay lang sa gilid si Wendy at Eunice kaya binilhan ko rin sila ng bracelet na kagaya rin ng sa akin. Nagulat pa ako dahil may binigay din silang para sa akin.

Sa nagdaang bakasyon, hindi ako masyadong lumabas ng bahay. Wala na rin naman akong pupuntahan dahil tapos na ang anihan sa farm ni Mayor. Babalik sila Mama at Papa roon kapag pinatawag ulit ni Mayor.

Sa bagong taon naman, nagpunta sa bahay ang tatlo at sa bahay nagpalipas ng gabi. Sabay-sabay naming inabangan ang pagdating ng bagong taon sa amin.

"Malapit na naman ang pasukan. Grabe parang natulog lang ako ng isang oras." pagmamaktol ni Nami.

Sumimsim ako ng shake at tiningnan ang mga dumadaan sa labas. Sinubukan lang naming apat ang bagong bukas na cafe dito sa bayan. Simple lang ang disenyo pero maganda at nakakagaan ng isip.

"Convocation na natin ang sunod." saad ni Eunice.

"May plano na tayo, hindi ba? Medyo kinakabahan ako." bumuntong hininga si Wendy.

Natigilan ako nang nakita ulit si Katelyn na nasa labas. Malayo siya sa banda namin at hindi kami makikita pero nasa tapat lang siya ng cafe. Panay ang tingin niya sa paligid na parang may hinahanap. Ilang sandali ay may tumigil na puting van sa kanyang harapan at pumasok siya roon.

Hindi kita ang nasa loob dahil itim ang bintana. Hindi rin naman 'yon umandar pero bumaba ang driver ng sasakyan at tumayo sa harap. Nagsalubong ang kilay ko, pilit na inaalala kung saan ko nakita ang driver at parang pamilyar sa akin.

"Tayo na, Autumn." boses ni Nami na nagpalingon sa akin sa ginagawa nila.

Nilagay ni Eunice ang card niya sa tray at hinihintay na lang 'yon.Tumayo ako at sinabayan na sila sa paglalakad. Bumaling ulit ako sa labas at nakitang naroon pa rin ang van.

"Autumn!" agad akong napatingin sa kanila.

Nakatayo na at handa nang umalis kaya mabilis akong sumunod. Habang naglalakad ay lutang ako. Panay sulyap sa nakaparadang sasakyan na natatanaw ko pa rin mula sa kinatatayuan.

Pag-uwi ng bahay ay agad kong hinanap si kuya at naabutan siyang binababa ang phone at mukhang galing pa sa tawag.

"Kuya!" mabilis ko siyang nilapitan.

Naibaba niya ang phone at ibinulsa, "Bakit, Autumn?"

"Nakita ko kanina si Katelyn sa bayan. Sumakay siya sa puting SUV na nakaparada sa gilid. Ano 'yon?"

Natigilan siya at kumunot ang noo, "SUV?"

Tumango ako, "May tao sa loob. Bumaba rin ang driver ng sasakyan. Ano 'yon, kuya?"

"Baka hinahatid lang siya." tumikhim siya at nilagpasan na ako pero sinundan ko siya.

"Kung hinatid siya bakit hindi umandar ang sasakyan? Bakit naroon lang 'yon sa gilid, huh?" patuloy ko siyang sinundan, "Dapat umalis 'yon. Ano naman ang posibleng ginagawa ni Katelyna sa loob ng van-"

Natigilan ako nang marahas siyang humarap, "At ano ang gusto mong palabasin, Autumn?"

Napakurap kurap ako, "May ibang tao sa loob ng sasakyam, sigurado ako."

"Ano nga ang gusto mong palabasin? Bakit mo sinasabi ang mga ito sa akin?"

Lumunok ako at nag-iwas ng tingin. Wala akong ibang nakita bukod doon sa sinasabi ko pero agad akong lumapit kay kuya at sinabi ang mga 'yon.

"Iniisip mo bang may iba ang girlfriend ko, Autumn?" hula niya.

Bumalik ang tingin ko sa kanya at umiling, "H-hindi ganoon, kuya..."

Huminga si kuya ng malalim, "May sinabi si Katelyn sa akin."

"Ano 'yon?" marahan kong sinabi habang kinakalma ang sarili.

"Gusto mo ba ang apo ni Mayor, Autumn? May gusto ka ba kay Aaron Caballeros?" matamang niyang tinanong.

Iyon ang tanong na hinding hindi ko makakayang sagutin. Magdudulot lang ng gulo tumango man ako o umiling. Sa huli ay mas pinili kong magbaba ng tingin.

"Nagdududa kang may kung ano kay Katelyn at Aaron at ayaw mo 'yon kaya ba gustong gusto mo siyang gantihan? Kaya ba sinasabi mo ngayon na nakita mo siya sa bayan kahit hindi?"

Nag-angat ako ng tingin at hindi nakatakas sa akin ang pagdududa sa mga mata niya. Suminghap ako at dismayadong umiling iling.

"Sa tingin mo ba ganoon akong babae?" mariin kong sinabi, "Sa tingin mo ba kaya kong gawin 'yon dahil lang doon?"

Hindi siya sumagot pero nasa mata pa rin niya ang pagdududa. Parang pinipiga ang puso ko habang tumatagal na nakatitig sa kanya kaya nag-iwas ako ng tingin.

"Kahit na sabihin nating gusto ko nga si Aaron sa tingin mo ba gagawa ako ng kwento para lang magalit ka kay Katelyn at makaganti ako? Ganoon ba ako kababaw para sa'yo, kuya?"

"Hindi ka makatingin. Ibig bang sabihin nagsisinungaling ka?" malamig niyang tanong.

Halos irapan ko siya. Namuo ang luha sa gilid ng mata ko pero hindi ko iyon hinayaang tumulo.

Pinantayan ko ang titig niya, "Hindi ako makapaniwalang kaya mong mag-isip ng ganyang bagay tungkol sa akin."

Bumalik sa normal ang tingin niya. Pagod akong umiling-iling, pinakita sa kanya kung gaano ako kadismayado.

"Hindi ko 'yon kayang gawin sa'yo. Hinding hindi kita pag-iisipan ng ganoon, kuya." napapaos kong sinabi bago siya tinalikuran.

Pumatak ang luha ko na mabilis kong pinalis at agad nang nagpunta sa kwarto. Hindi ako lumabas kahit noong kinatok ni mama ang pinto ko. Umupo lang ako sa kama ko.

Hindi ko na sila pakikialaman. Kahit na makita ko pa ulit si Katelyn hindi ko na iyon sasabihin kay kuya. Bahala silang dalawa. Ano man ang mangyari, wala na akong sasabihin pa.

Bumalik kami sa school pero hindi ko masyadong nakikita si Aaron. Ilang weeks din mula noong huling pagkikita namin. Ayos lang kaya siya? Gusto ko siyang silipin sa room nila pero nakakahiya. Isa pa, hindi kami masyadong close.

Napatigil ako sa paglalakad at naisip ang pangangabayo namin sa farm. Ang pagpapaligo sa kabayo, panonood ng mga ibon sa lawa, at ang usapan namin sa kubo. Hindi pa ba 'yon close, Autumn?

Umiling ako. Pinagkasya ko na lang ang sarili sa pagsulyap sa kanya sa tuwing nadadaanan nila kami kapag papasok silang canteen o kapag may event sa school. Natitigilan ako kapag naabutan siyang nag-iiwas ng tingin.

Hindi siya ganito dati. Madalas ay siya pa ang naaabutan kong nakatingin sa akin pero habang tumatagal ay napapansin kong hindi niya na ako halos balingan. Sumapit ang finals kaya pinili kong iwala si Aaron sa isip ko at pinagtuonan ng pansin ang pagrereview.

Pagkatapos ng moving up kokomprontahin ko siya. Walang namamagitan sa amin pero hindi naman siguro masama kung tatanungin ko siya kung ayos lang ba kami. Huminga ako ng malalim at sinundan siya ng tingin habang nilalagpasan ako. Diretso ang tingin niya sa harap. Naibaba ko ang libro nang tuluyan niya na akong nilagpasan.

Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon