Hindi ako makapaniwala. Buntis si Katelyn. Natigilan ako nang naalala ang narinig sa kwarto ni kuya noon. May nangyari na sa kanila. At hindi ko alam kung iyon ba ang una o huli. Maaaring si kuya ang ama ng kanyang dinadala.Alam na kaya iyon ng kapatid ko? Kaya ba siya nagsaling dahil pababalikin na si Katelyn sa Manila?
Mabilis akong umatras at nagkunwaring namimili ng mga cd nang biglang lumingon sa gawi ko si Katelyn. Nag-absent ako para rito. Gusto ko siyang manmanan. Gusto kong malaman kung ako ang pinaggagagawa niya.
Isang araw lang naman, iyon ang pakiusap ko sa sarili ko. Wala naman sigurong mangyayaring quiz o activity sa isang araw na 'yon. Sana nga.
Napahinto ako pagkakitang may isang lumapit kay Katelyn. Lalaki iyon pero hindi ko makita ang mukha. Ang lalaking iyon ba ang palagi niyang kasama sa van dati?
Naglakad silang dalawa habang nasa likod ni Katelyn ang kamay ng lalaki. Tumikhim ako at hinawakan ang suot na cap para tabunan ang mukha. Naka black jeans ako at puting damit na tinabunan ng itim na jacket.
Nilagay ko sa likod ang buhok ko habang sinusundan silang dalawa. Tumigil sila sa harapan ng restaurant. Sumandal ako sa pader na pinagtataguan at tumingala. Maghihintay ba ako rito ng isang oras? Balak kong humabol sa klase mamayang hapon pero mukhang malabo na.
Tumunog ang phone ko kaya mabilis ko itong nilabas sa bulsa ng jacket. Paglapit ko pa lang ng phone sa aking tainga ay halos mabingi na ako.
"Nasaan ka, Autumn?" mariing tanong ni Aaron.
"A-anong sinasabi mo? Nag-aaral ako!" sumilip ako sa restaurant at nakitang nakaupo si Katelyn at ang lalaking kasama niya habang masayang kumakain.
"Huwag mo akong lokohin, babae. Nasaan ka?"
"Nasa school nga."
"Isa," umikot ang mata ko noong nagbilang siya, "Dalawa, Autumn."
"Ipapaliwanag ko sa'yo mamaya, sa ngayon kailangan ko munang ibaba-"
"Nasaan ka muna? Hindi ka pumasok? Anong ginagawa mo ngayon?" sunod-sunod niyang tanong.
"Mamaya ko sabi sasabihin sa'yo. Ibababa ko muna-"
"Huwag mong ibababa. Sabihin mo kung nasaan ka at sasamahan kita."
Huminga ako ng malalim, "Ang higpit mo."
Pansin ko ang pagkakatigil niya kaya natigilan din ako.
"Anong sinabi mo?" kalmado na ngayon ang boses niya pero may lamig.
"Babalik nga ako mamaya-"
"Tinatanong ko lang kung nasaan ka para masamahan ka, hindi kita pinagbabawalan sa ginagawa mo ngayon, Autumn. Mahigpit ba ako?"
Naputol ko ang tawag nang lumabas na ang dalawa at pumara ng taxi. Nagpapadyak ako sa inis. Walang dumadaang jeep o tricycle sa daanang ito kundi taxi lang. Paano ako sasakay ng taxi wala pang isang daan ang pera ko.
Naisip kong huminto na muna sa ginagawa ngayon at umuwi na lang para makapaghanda pa sa klase mamayang hapon. Hindi ko na alam kung bakit ako umabsent para sundan si Katelyn.
Sabihin ko kaya kay kuya? Kung si kuya ang ama ng bata, hindi ko na dapat sila sirain para sa anak nila. Kawawa naman ang pamangkin ko kapag nagkataon. Pero sino 'yong lalaking kasama ni Katelyn? Para siyang pamilyar. Parang nakita ko na ang lalaking 'yon.
Lutang ako pagpasok sa school kaya natigilan pa nang nakita si Aaron sa labas ng gate at nakasandal. Seryoso ang mukha niya at halatang naiirita na sa nangyayari.
BINABASA MO ANG
Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)
RomansaHacienda de los Caballeros Series #1