Naghikab ako habang bumababa para kumuha ng pagkain sa kusina. Tahimik ang bahay at si mama at papa naman ay maagang nagpunta sa farm para sa aanihing pinya. Diretso ang lakad ko papasok ng kusina pero natigilan lang sa nakita.Nanlaki ang mata ko sa nakitang ayos ni kuya at ni Katelyn. Si Katelyn ay nakapatong sa lababo habang nakatayo si kuya ay hinahalikan siya. Natulos ako sa kinatatayuan, laglag panga na nakatingin sa kanila.
Tumigil silang dalawa at nanlaki ang mata ni Katelyn pagkakita sa akin. Nag-iwas siya ng tingin at kita ko kung paano namula ang pisngi niya. Si kuya naman ay bakas din ang gulat sa kanya pero nanatiling awang ang labi na parang lasing pa sa ginagawa nila kanina.
Tumikhim ako nang nakabawi at naglakad palapit sa ref na nasa gilid. Tahimik lang ang dalawa na parang walang nangyari. Ganoon din ako habang nagsasalin ng tubig sa baso. Uminom ako ng tubig pagkatapos ay inilapag na lang 'yon sa lababo dahil nakaupo pa rin si Katelyn doon.
Sinipat ko silang dalawa. Hindi pa siya tumatayo ng tuwid kahit nakita ko na sila. May balak pang ituloy?
Nag-angat ako ng kilay, "Sorry, uminom lang ako. Ituloy niyo na ang ginagawa niyo."
Naglakad ako papalabas na parang wala lang ang nakita pero pagkatapos no'n ay napasandal ako sa pader at pumikit ng mariin. Nakakaloka! Ngayon lang ako nakakita ng ganoong ayos sa tanang buhay ko.
Huminga ako ng malalim at nagpasya nang bumalik sa kwarto. Bakit ako nahihiya? Sila dapat ang mahiya sa akin dahil nakita ko sila.
Kinabukasan ay ako ang nagdala ng pagkain pagkatapos kong magsimba. Wala si Aaron, malamang nasa bahay nila dahil tapos na ang anihan ng pinya. Babalik pa kaya 'yon dito? Bigla kong naalala ang naging usapan namin noong makalawa, 'yong tungkol sa hindi ko pagpunta sa mansyon nila para sa dinner daw.
Nadadaanan ko ang malaking bahay na 'yon sa tuwing nagbubus ako papuntang school. Nakatayong mag-isa ang puting mansyon na spanish inspired ni mayor sa kalagitnaan ng patag na lupa. May mga puno ng niyog sa paligid at ganoon din sa likod kung saan naroon ang pool na kitang kita dahil sa laki.
Ilang araw din naging mahirap ang buhay ko hanggang sa sumapit ang araw ng convocation ng grade eleven. Lahat sila ay nagperform ng kanilang palabas sa stage at lahat ay namangha. Mas lalong gumaganda ang pinapalabas kaya medyo kabado kami para sa amin.
Hindi kami nagkita ni Aaron dahil busy rin siya. Naririnig kong pasakit din sa grade eleven ang buwan na ito. Pero pagkatapos naman ay bakasyon kaya 'yon na lang ang pambawi ko. Sa bakasyon sisiguraduhin kong araw-araw ako sa farm.
"Panis, inday! Kulelat ang president nila noong nagtransfer dito si Aaron. Nauungusan na." sinabi ni Wendy habang kumakain kami ng noodles.
"Expected na 'yon. Galing ba naman Manila." segundo ni Eunice at tumango tango.
"Top one agad, girl, kainggit." umismid si Nami.
"Mag-aral din tayo ng mabuti para hindi tayo naiinggit sa iba." ani ko.
"Correct ka, girl. Epal ka talaga, Nami." saad ni Eunice na nagpapaypay.
"Kung kaya nilang gawin, kaya rin natin. Hindi ko maintindihan kung bakit mas pinipili nating mainggit kaysa gayahin kung ano ang nagagawa ng ibang tao?" tanong ko 'yon sa sarili ko pero nasabi ko yata ng malakas dahil natigilan silang tatlo.
"Exam na natin bukas. Pagkatapos nito hindi ko na alam kung saan ako pupulutin." bumuntong hininga si Wendy.
Dahil gusto kong makapasa, wala akong ibang inisip kundi ang pag-aaral. Halos apat na araw rin ang tinagal ng exam namin pagkatapos ay may checking pa. Hindi naman ako masyadong maarte pagdating sa grade. Kapag nakapasa ay ayos na sa akin. Hindi ko na hahangarin pa ang mataas na marka o perfect na score.
"Bagsak ako sa science!" inis na sabi ni Wendy habang break namin.
"Ilan score mo?" tanong sa kanya ni Eunice.
"Thirty over one hundred." aniya sabay subsob sa lamesa.
"Hindi na masama! Gaga, twenty-five nga lang sa akin sa math, out of one hundred din 'yon." saad ni Nami.
Naalala ko ang score ko sa english. Medyo tagilid, buti na lang at bumawi ako sa mga sagot sa essay.
"Ikaw, Autumn? Ilan sa'yo sa math at english? Perfect ba?" tanong sa akin ni Nami.
Huminga ako ng malalim at umayos ng upo, "Bumalik na kayo sa upuan niyo. Nandyan na si Ma'am."
Umismid si Nami, "Malihim ka talaga sa lahat."
Nginisian ko lang siya. Alam ko kung ano ang kukunin nilang kurso pagtungtong ng kolehiyo pero hindi nila alam ang sa akin. Sa totoo lang kaya ganoon kasi hindi pa ako sigurado sa kukunin. Nahihirapan ako sa dalawang gusto ko.
Gusto kong magturo pero gusto ko rin mag-aral kung paano manggamot ng mga hayop.
Natapos ang exam kaya bakasyon ang school ngayon. Isang linggong pahinga para sa lahat pagkatapos ay balik skwela ulit pagkatapos.
Sa pagiging madalas ko sa farm, unti-unting naging mas malapit ako sa mga taong naroon. Lalo na kay Aaron na palagi akong sinasamahan sa tuwing nagdadala ako ng pagkain sa farm.
"Ikaw naman ang magsabi, anong plano niyo para sa inyo?" tukoy ni Aaron sa convocation namin.
Kasalukuyan naming pinapaliguan ang mga kabayo. Nakahilera sila sa labas ng kanilang kwarto. Tig isa kami ni Aaron ng hose na siyang ginagamit namin para rito sa ginagawa.
"Secret baka sabihin mo sa mga kaklase mo." ani ko.
Ngumisi siya, "Ano naman mapapala ko? Tapos na ang sa amin."
Umismid ako, "Hmp! Hindi naman kita nakita na nagperform. Sa skit lang yata, eh."
Mas lalo siyang natawa, "Sa skit lang? Nasaan ka ba buong oras? Kasali rin ako sa florante at laura. I played the character of-"
"Nakita ko. Huwag mo nang sabihin." pinigilan ko siya.
Naalala ko ang itsura niya roon. Napanguso ako nang naisip kung paano niya hinila ang gumanap na si Laura at dinala sa kanyang likod na parang pinoprotektahan.
"Babalik ako ng Manila bukas. At baka ilang araw ako roon." aniya kalaunan na bumasag sa iniisip ko.
Naibaba ko ng bahagya ang hose at napatingin sa kanya, "Anong gagawin mo?"
"Sinabi ni lolo na kailangan kong tingnan sandali ang mga properties niya na naroon habang wala pang pasok. Ayaw ko sana kaya lang... hindi ako makatanggi. Ako lang ang kasama niya sa bahay ngayon." aniya.
Napatango tango ako, "Ilang araw ka naman mawawala?"
Pinakita kong wala lang ang mga tanong ko sa kanya. Hindi ko alam kung nahalata niya 'yon o hindi.
"Isang linggo."
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa narinig. Matutuwa dahil nagsasabi siya ng maliit na detalye sa kanya o malulungkot dahil sa laman ng balita.
Nagpatuloy ako sa pagdadala ng pagkain nila Mama kahit wala roon si Aaron. Hindi ko alam kung ano itong nararamdaman ko. Masyado pa akong bata pero hindi ako inosente. Alam ko kung saan ito patungo, at inaamin kong... natatakot ako.
BINABASA MO ANG
Star In Paradise (Hacienda de los Caballeros #1)
RomansaHacienda de los Caballeros Series #1