Chapter 3 - Wayback

98 7 4
                                    

  Naalala na naman niya ang kakulitan ng lalaking ito. Makailang beses din siya nitong hindi tinantanan. Kung sabagay ay hindi naman talaga siya nito tinatantanan. Nagkakataon lang na wala si Luisa kaya naman pilit niyang kinalilimutan ang mga nangyari.
 
  "My loves naman. Wala ka bang balak isauli ang kumot ko? Ang hirap kasi..." pagda-drama nito.
   
  "Wala pa naman akong katabi. Malamig tuloy ang gabi ko," dugtong na sabi nito. Napitlag naman ang puso ni Liza dahil sa biglang pagsulpot ng abnormal niyang kapitbahay. Parang kabute na bigla na lang lumalabas sa kung saan-saan.
 
  "Bakulaw na bakla!" hiyaw niya. Mabuti na lamang at napakapit siya sa puno ng mangga na kinatitirikan ng bangko sa harap ng bahay niya. Kung hindi ay tiyak na mawawalan siya ng panimbang. Siguradong sakit ng katawan ang mapapala niya.
     
  "Grabe ka naman sa tawag mo sa'kin. Bakit naman ginawa mo akong bakulaw. Pagkatapos e tinawag mo pa akong bakla. May bakla bang kasing tikas kong tumindig?" sita niya sa dalaga na kakamot-kamot pa sa kilay.
     
  "Bakit ba kasi bigla-bigla kang sumusulpot? Sana tumahol ka muna bago ka nagsalita para alam kong parating ka at nang makapagtago ako kaagad. Baka mamaya ay may rabis ka tapos makagat mo pa ako," singhal niya rito pero tatawa-tawa lang ito habang kakamot-kamot na naman ito sa kilay nito.
 
  "Tingnan mo 'tong my loves ko. Kanina bakulaw na bakla ngayon naman ginawa mo pa akong asong may rabis. Ganiyan ka ba sa mga lalaking loyal sa'yo?" sabi nito na itinukod pa ang palad sa bakod habang nakatitig sa dalaga. Agad namang napatayo si Liza at hinarap ang abnormal niyang kapitbahay.
     
  "Alam mo? Wala akong pake sa sinasabi mo! May pa-loyal-loyal ka pa e kakikilala ko lang naman sa'yo last week. Actually, hindi nga kita kilala e. Hindi ko alam ang pangalan mo!" singhal niya rito.
 
  Iritableng iritable na siya sa kakulitan nito. Kaunti na lang ay hindi na niya matatantiya ang kayabangan nito. Baka bigla na lang bumulagta sa lupa ang lalaking ito sa inis niya. Araw-araw na lang na kahit pagdating niya galing sa trabaho ay nakaabang ito na kung hindi sa gate ng bahay niya ay sa gate naman ng bahay nito.
 
  "Whoa! Ang bilis mo naman magsalita, my loves. Hindi mo pa rin ba ako kilala? O nagpapanggap ka lang na hindi ako kilala?" pang-aasar pang sabi nito. Humakbang ito nang bahagya upang mas mapalapit pa sa dalaga na nakadukwang sa may bakod at pagkatapos ay dumukwang din siya malapit sa mukha nito.
 
  "At ibang klase rin ang way mo ng pagtatanong ng pangalan ko, my loves. Let me introduce myself," pa-ingles-ingles pang sabi nito.
 
  "Aldred ang pangalan ko," tatawa-tawang sambit nito sabay lahad ng kamay niya sa dalaga. Agad naman itong hinampas ni Liza. Napangiwi na lamang ang binata bago muling nagsalita.
     
  "Nalimutan mo na ba ang nangyari nang gabing iyon?" nakangiwi pa ring sabi nitong muli. Napatutop naman sa bibig si Liza na pilit binabalikan ang mga pangyayari. Iniisip kung may nangyari nga ba sa kanila ng binata.
 
  "May nangyari sa'min? Hindi na ako virgin?" usal niya sa sarili habang ramdam ang pag-init ng kaniyang pisngi.
 
  Kung nakaharap lamang siya sa salamin ay tiyak na kitang-kita ang pamumula ng kaniyang pagmumukha. Bahagya siyang lumayo sa binata. Sumambulat naman ang halakhak nito ngunit pilit na pinigil ang sarili bago nagsalita. Naaaliw siya sa reaksiyon ni Liza.
     
      "Alam ko ang iniisip mo, my loves. Iniisip mo ang nangyari sa atin nang gabing iyon," malokong sabi nito.
 
  "Huwag ka mag-aalala, hinding-hindi ko makalilimutan ang gabing iyon," saad nitong muli bago ibuhos ang halakhak nitong matindi. Halos umusok ang ilong ni Liza sa inis at pakiramdam niya ay gusto na lang niyang lamunin siya ng lupa sa mga pagkakataong iyon. Pero hindi siya dapat na magpadala sa pang-aasar nito.
  
  "Bastos!" singhal niya sa binata. At akmang tatalikuran na niya ito nang muli siya nitong tawagin.
 
   "My loves!" sigaw nito.
 
  "Ano?" bakas ang gigil niyang tanong sa binata.
 
  "Please, ang kumot ko! Walang magpapa-init sa gabi ko!" sigaw rin naman na sagot nito. Napahinto naman siya saglit sa paglalakad at kinuha sa sampayan ang kumot. Kalalaba lang kasi niya niyon ngayong off niya. Hindi pa iyon tuyo at may tulo-tulo pa ng tubig.
     
    "O, heto! Saluhin mo ang kumot mong amoy ewan!" sagot niya rito sabay bato nito sa binata. Agad naman nitong nasalo ang kumot at tumalsik sa mukha nito ang mga tulo-tulo nitong tubig.
     
      "Ang harsh mo naman." Binelatan lang siya ng dalaga pagkatapos ay muling tumalikod dito pero agad din naman huminto nang muling magsalita ang binata.
 
  "At huwag mong sabihing inamoy-amoy mo pa ang kumot ko bago mo nilabhan, my loves! Grabe ka naman. Pero kung sabagay, mabango iyan. Pawis ko pa lang pabango na," sabi nito na nakangisi kaya naman bumakas ang nadidiring mukha ni Liza rito nang muli niya itong lingunin pagkatapos ay inirapan at muling tinalikuran.
 
  Simula nga ng araw na iyon ay parati na siya nitong inaasar. Sa totoo lang ay hindi naman talaga niya sinasadyang pumasok sa bahay ng binata. Ang alam niya ay walang tao roon at pinauupahan iyon ng may-ari na ngayon ay nasa probinsiya na. Malay ba niya na may baliw na bakulaw na nakalipat na pala roon.
     
  Identical ang mga bahay sa Sitio nila at magkatabing bakod ang bahay niya at ang pinauupahang bahay na iyon. Pareho rin ang kulay ng bakod nila at magkasing-taas din iyon. Kahit ang hitsura ng bahay nila ay parehong-pareho rin kaya naman kahit matagal na siyang nakatira sa bahay na iyon ay malilito pa rin siya lalo na at lasing pa siya.
     
  Solo lang siyang nangungupahan doon. Ang mga magulang niya ay nasa probinsiya at ang tiyahin ni Luisa ang may-ari ng inuupahan niyang bahay. Ang kuwento ng best friend niya ay iisa dapat ang may-ari nito. Pero nang maghiwalay ang mga tiyahin at tiyuhin nito ay pinaghiwalay rin ang bahay ng mga ito ang bahay.
 
  At ngayon nga na kahit nagkabalikan na ang tiyo at tiya ni Luisa ay nanatili pa ring magkahiwalay ang bahay. Hindi na rin naman ito binalak na tirahan pa ng mag-asawa. Pabor din naman sa kaniya dahil siguradong hindi na siya makahahanap ng ganoon ka-murang bahay na matutuluyan.
     
  Nang gabi ngang iyon na ang akala niya ay talagang sa bahay niya siya pumasok. Eksakto namang bumukas ang pinto at ang abnormal na lalaki ay naroon lang pala at pinagmamasdan siyang matulog. Naaalala pa niya ang pang-aasar nito kinabukasan.
 
  "Ang lakas mo palang humilik. Halos dumadagundong ang buong bahay. Para akong may sorround system. At bumaha pa ng laway sa sofa ko. Akala ko nga ay kailangan ko nang lumangoy," malokong saad nito.
 
  "Muntik pa yata akong malusaw. Para kasing asido ang laway mo e," pasigaw na sabi nito habang nakatingin sa kaniya sa balkonahe.
 
  Halos kagigising pa lang niya noon at wala pang hila-hilamos. Wagas din kung makapang-asar ang lalaking ito. Wala pa siyang mumog-mumog e nakaabang na. Nasanay kasi siya na nag-iinat sa balkonahe bago maghilamos at magsipilyo.
 
  "Baka mapunit ang gilid ng labi mo. Parang ang nipis pa naman." Halos umusok ang ilong niya sa mga pang-aasar nito sa kaniya. Inikutan na lang niya ito ng mata. Ngunit hindi pa rin pala ito tapos sa pang-aasar sa kaniya.
 
  "May muta ka pa. Maghilamos ka muna at magsuklay!" Sa inis niya rito ay timalikuran niya itong saglit. At pagbalik niya ay may dala na siyang tabo na may lamang malamig na tubig.
     
  "Ang aga-aga, may peste rito! Shoo!" singhal niya sabay saboy ng tubig sa binata.
     
  "Uy, sakto! Hindi pa ako naliligo. Salamat, my loves. Puwede mo naman akong paliguan sa banyo, bakit dito pa? Baka may makakita ng katawan ko. Sige ka. May kaagaw ka pa niyan," makulit na sabi nito na nangingisay-ngisay pa dahil sa lamig ng tubig na itinapon ng dalaga. At sa inis naman niya dahil sa mapang-asar nitong sabi ay ang tabo na ang ibinato niya rito.
     
  "Ang kapal naman din ng apog mo! Kahit yata maligo ka e wala nang ipagbabago iyang pagmumukha mo. Abnormal!" sigaw niya rito na hindi naman pinansin ni Aldred. At lalo pa siya nitong inasar.
     
  "Salamat sa tabo, my loves!" dali-dali itong pumasok sa loob ng bahay dala ang tabo niya at ang tuwalya nitong puti na nakasampay sa balikat nito na nabasa na rin ng tubig.
 
  "Buwiset!" singhal niya rito. Pakiramdam niya ay maaga siyang tatanda sa kunsomisyon sa lalaking iyon. Baka ilang buwan lang ay puro puti na ang buhok niya. Iniiwasan nga niya ang mag-boyfriend dahil sakit lang sa ulo ang mga iyon pero heto siya at sumasakit ang ulo sa baliw niyang kapitbahay.
     
  "Nakakainis!" reklamo niya na hindi maalis ang gigil sa sobrang inis. Simula nang dumating ang lalaking iyon ay hindi na natahimik ang buhay niya.
 
  Pero heto siya ngayon at nagpapanggap na hindi niya kilala ang binata sa harap ni Luisa. Paano ay baka madulas pa ang abnormal na iyon at ikuwento kay Luisa ang nangyari nang gabing iyon. Pihadong hindi sila tatantanan ng best friend niya. Masyado ring mosang ang kaibigan niyang iyon.
     
  Naghanda na lamang siya ng almusal niya. Wala siyang pasok kaya magdamag siyang maglilinis ng bahay para ma-busy siya at hindi maalala ang pagka-buwiset niya sa lalaki. Pero paano nga ba niya ito maiiwasan kung ito na mismo ang lapit nang lapit?
 
  "Ano ngang kailangan mo?" tanong niya nang balikan niya ang lalaki nang muling nagbalik ang ulirat niya sa ilang segundong pagtulala niya dahil sa naalala. Nakangiti lang naman ang buwisit-a niya sa harapan niya.
     
  "My loves, kailangan ko'y ikaw. Ngayon at kailanman," malokong sabi nito na kinanta pa ang kanta ni Regine Velasquez na 'Kailangan Ko'y Ikaw' sa halip na sagutin ang dalaga.

My Crazy NeighborTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon