Chapter 12 - Worried

23 2 0
                                    

  Halo-halong emosyon ang nararamdaman ni Aldred ngayon. Isa na roon ay ang matinding galit sa sarili. Akala niya ay nakalimutan na niya ang hapdi. Ngunit hindi pa pala. Isang pakita lang ni Sarah ay muling nabuhay ang galit sa puso niya.

Kulang na lang ay saktan niya ang sarili at bawiin ang sariling buhay upang hindi na niya maramdaman pa ang sakit. Mabilis na pumasok sa loob ng bahay ang binata at hinanap ang kaniyang ina na hindi niya alam kung ito ba ang nagsabi ng address sa kaniyang kapatid.

"Mom, bakit naman sinabi ninyo kay Sarah kung saan ako nakatira?" seryosong tanong ng binata sa kaniyang ina na mababakas ang matalim na mga tingin nito nang maabutan niya ito sa balkonahe.
 
  "I don't know what you're talking about, Al. Alam mo namang hindi rin namin alam kung saan ka nakatira ngayon," sagot din naman ng kaniyang ina. Sa tono nito ay siguradong nagsasabi ito ng totoo. Ngunit hindi ito sinang-ayunan ni Aldred.
 
  "Yeah, right. Kaya pala halos kalampagin ni Sarah ang gate ng bahay ko," angil niya. Sa tuwing malalaman ni Sarah kung saan siya nakatira ay hindi nito pinalalampas ang araw na hindi siya mapuntahan.
 
  "This will be my last warning. Kapag pinuntahan pa ulit niya ako sa bahay, you all will never see me again," namumula ang mga matang sambit ni Aldred. Ayaw na niyang maalala ang nakaraan. Ngunit kapag nakikita niya si Sarah ay hindi niya maiwasang maalala ito.
 
  Wala namang kasalanan si Sarah sa nangyari pero hindi niya ito kayang harapin. At isa na rin ito sa mga rason kung bakit siya nagpaka-layo-layo o nagtatago. Hindi niya alam kung kailan siya makalilimot ngunit hangga't nakikita niya si Sarah ay hindi niya maiwasan ang magalit.
 
  "Anak, I swear. Hindi namin alam na nalaman niya kung saan ka nakatira. Pero as you know, you have a business and it is impossible na hindi niya malaman." Sa halip na sumagot ay tinalikuran na niya ang kaniyang ina. Hindi siya handang makinig pa sa mga sasabihin nito. Sa ngayon ay sarili lang niya ang sinusunod niya.
 
  Matagal na ang nangyaring insidente. Ngunit hindi pa rin niya maiwasang hindi iyon maalala kapag nakikita niya si Sarah. Idinadaan na lamang niya sa kakulitan. Sa pang-aasar sa kaniyang kapitbahay. Ngunit sa totoo ay mayroon siyang itinatagong kalungkutan sa kaniyang mga mata.
 
  "I'm sorry, Katlyn..." usal niya habang palabas ng bahay ng lola niya. Nakatanaw naman sa bintana si Sarah. Katulad pa rin noon ay iniiwasan siya ni Aldred. Inihatid niya ang binata ng kaniyang mga mata palabas ng gate ng mga Bertucio.
 
  Sa halip na umuwi ay dumiretso siya sa puntod ni Katlyn. Limang taon na ang nakalilipas simula nang mangyari ang hindi nila inaasahan. At kahit ayaw na niyang maalala pa, ang totoo ay gabi-gabi pa rin niyang naaalala iyon.
 
  Muntik na nga niyang malimutan ang lahat nang makilala niya si Liza. Ngunit heto na naman. Bumalik na naman. Hindi rin naman niya intensiyong kalimutan iyon. Ngunit nangyari na lang nang lumipat na siya sa bahay na iyon.
 
  "I'm sorry... Miss na miss na kita," nag-uunahan ang luha sa kaniyang mga mata habang nakaluhod sa damuhan sa harap ng puntod nito. Ilang taon na ba siyang hindi dumalaw rito? Matagal na.
 
  "Anong ginagawa mo rito?" Nawalan siya ng panimbang nang hilahin siya ng lalaking nagsalita mula sa likuran niya at dapuan ng kamao nito ang mukha niya.
 
  "K-Kurt," tanging nasabi niya habang kapa-kapa ang nagdurugo niyang labi. Napapangiwi pa siya sa hapdi ng hiwa niyon. Ngunit ang kirot na iyon ay walang-wala kumpara nang mawala si Katlyn.
 
  "Ang kapal ng mukha mong magpakita pa rito pagkatapos ng kapabayaan mo," halos magkiskisan ang mga ngipin na sabi ng lalaking kaharap niya. Bakas ang pagngangalit ng mga ngipin nito dahil sa pagkilos ng panga nito.
 
  "Ikaw ang may kasalanan kung bakit namatay si Kat! Lumayas ka! Layas!" Pinagsisipa ng lalaki ang binata na halos hindi na makatayo sa kinabagsakan nito kanina.
 
  Bakit nga ba siya nagpakita pa sa puntod nito? Bakit nagkaroon pa siya ng mukhang ihaharap dito ganoong naging pabaya naman siya? Nahuli man ang pumatay rito ay kasalanan pa rin niya kung bakit nangyari ang lahat. Kung hindi sana siya naging pabaya ay buhay pa sana ito.
 
  Pagapang na itinayo ni Aldred ang sarili. Hirap mang maglakad ay pinilit niya upang makaalis sa lugar na iyon. Hindi naman na siya sinundan pa ni Kurt. Hinayaan na siya nitong makaalis. Nang may dumaan na taxi ay agad na sumakay si Aldred at nagpahatid sa bahay. Madilim na nang makauwi siya.
 
  Pagdating pa lang ng taxi ni Aldred ay nakita na agad ito ni Liza. At nang bumaba ang binata ay napaawang ang labi niya. Bakas ang hirap nito sa paglalakad papasok ng gate at kita niya ang sugat sa labi nito. Inihatid niya ito ng kaniyang mga mata hanggang makapasok ito ng bahay.
 
  "Eh? Bakit ka nag-aalala?" naiiling na bulong ni Liza sa sarili. Kahit sino naman sigurong tao na makakikita sa kapitbahay na ganoon ay mag-aalala rin. Hindi mapigilan ni Liza na mapaisip. Ano nga ba ang nangyari sa binata?
 
  "Tara na nga," akay na sabi niya sa sarili.
 
  Maagang natulog si Lloydie dahil maaga ang training nito kinabukasan kaya wala nang kausap si Liza. Umuwi na rin si Luisa matapos maghapunan. Nagtungo sa kusina ang dalaga para hanapin ang first-aid kit niya. At nang makita iyon ay saka lumabas ng bahay.
 
  "Wait lang, girl. Ano bang pakialam mo sa kaniya?  Palagi ka lang naman niyang inaasar. Bakit mo siya inaalala?" kastigo ni Liza sa sarili. Nang makita pa lamang niya itong tila iika-ika ng lakad ay nag-aalala na siya. Lalo pa siyang nataranta nang makita ang labi nitong may pasa.
 
  "Ewan." Nagmamadali siyang lumabas ng bahay at gate. Kakatok na sana siya sa gate ng kabilang bahay ngunit bukas ito kaya naman pumasok na lamang siya roon. At nang makarating sa pinto ay nakita niyang nakaawang lang iyon habang tanaw niya sa siwang ang binata.
 
  Nakasandal ito sa sofa habang nakaupo sa sahig at nakapatong sa tuhod nito ang mga siko. Nakatakip naman ang mga kamay nito sa mukha. Hindi niya nais na istorbohin ito kaya naman iniwan na lamang niya sa labas ng pinto nito ang kit. At pagkatapos ay bumalik na sa bahay niya.
 
  "O, lumabas ka?" Napitlag si Liza nang bago pa niya pihitin ang seradura ng pinto ay iniluwal na niyon si Lloydie.
 
  "A... N-nagpahangin lang. Maalinsangan kasi." Pagkasabi ay dali-dali itong pumasok sa loob at pumanhik sa itaas patungo sa sariling kuwarto. Napapakamot naman sa ulo si Lloydie. Hindi naman maalinsangan ang pakiramdam niya ngunit wala rin namang hangin sa labas dahil hindi gumagalaw ang dahon ng mga puno.
 
  Bumalik din naman agad si Lloydie sa pagtulog. Ngunit hindi naman makatulog si Liza. Pabaling-baling siya sa higaan. Napaupo na lamang siya nang maalala ang babaeng kasama ni Aldred kanina na kung makayapos dito ay parang linta.
 
  "Muntik mo na akong madala sa pagkaawa sa'yo," naiiling na usal niya. Naisip niya na kaya may pasa ang binata, marahil ay nahuli ito ng nobyo ng babae o ng kung sino man na kasama niya ito kanina. Kinumbinse niya ang sarili na may ganoon ngang pangyayari.
 
  "Nako, Liza. Muntik ka na talagang mapaniwala ng lalaking iyon. Babaero kasi," sambit pa niya. Sa halip na maawa ay nainis na lamang si Liza sa naisip. Para sa kaniya ay nararapat lamang kay Aldred ang nangyari. Naisip niya na karma ito ng lalaki sa pagiging babaero nito.
 
  "Ano 'to?" Napasilip naman sa labas ng bahay si Aldred nang maalala na hindi niya pa nai-lock ang gate kanina at nakaawang pa rin ang pinto. Nagpalinga-linga siya upang silipin kung kanino galing ang first-aid kit sa pintuan ng bahay niya.
 
  "Sa kapitbahay?" tanong niya sa sarili ngunit napapailing siya.

Para sa kaniya ay imposibleng gawin iyon ni Liza. Maari pang si Luisa ngunit kung ang dalaga nga iyon na kaibigan ni Liza ay siguradong narinig na niya ang ingay nito. Hindi siya nito tatantanan hangga't hindi siya nagigising o nalalaman man lang ang nangyari.
 
  Lumabas siya sa bakuran upang i-lock ang gate ng bahay at pagkatapos ay ipinasok na ang kit sa loob. Ini-lock na rin niya ang pinto ng bahay. Nagtungo siya sa banyo dala ang kit upang gamutin ang sarili. Napatitig na lamang sa siya hiwa sa kaniyang labi na sanhi ng pagsuntok ni Kurt sa kaniya.

Galit na galit pa rin ito sa kaniya. Kitang-kita niya ang panlilisik ng mga mata nito. Mahal na mahal nito si Katlyn—ang kakambal nito. Noon pa man ay panay na ang paalala nito sa kaniya na ingatan ang kakambal nito. Magkasundo sila ni Kurt noon. Ngunit mortal na niya itong kaaway nang mawala ang kakambal nitong si Katlyn.

My Crazy NeighborTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon