Chapter 11 - The Who?

21 2 0
                                    

      Tutok ang binata sa pinanonood na palabas sa TV nang may makulit na babaeng kanina pa tawag nang tawag sa kaniya. Akala niya noong una ay guni-guni lamang niya. Ngunit nang hinaan niya ang volume ng TV ay may tumatawag nga sa kaniya.
   
    "Aldred, Babe! Aldred!" Habang tumatagal ay palakas iyon nang palakas kaya naman sinilip na lang din niya ito. Kulang na lang ay kalampagin nito pati ang gate ng kapitbahay. Natigilan siya nang makita ito.
   
    "S-Sarah?" Napakunot ang noo ni Aldred nang makilala ang babaeng kanina pa tawag nang tawag sa kaniya sa may gate. Napapaisip pa siya kung ano ang ginagawa ng babaeng ito sa lugar niya. Naiiling na naglakad ang binata patungo sa pinto.
     
      "Babe!" pasigaw na saad nito nang makita siyang nagbukas ng pinto. Naiiling na nagmamadali siyang lumabas ng bahay para pagbuksan ang babae.
     
      "Ano'ng ginagawa mo rito?" angil ni Aldred na tila ba hindi nagustuhan ang pagdalaw ng babae sa kaniya.
 
  Kulang na lang ay ipagtabuyan ito. Nagpalinga-linga pa siya sa paligid para alamin kung may nakakita ba sa kanila. Alam naman niyang walang tao sa kabilang bakod ngunit ayaw niyang kung ano ang isipin sa kaniya ng mga tao lalo na ng masungit niyang kapitbahay na si Liza. Nailing na lang siya kung bakit naisip niya ang dalaga bigla.
     
      "Binibisita ka. Masama ba?" ubod na lapad ng ngiti na sabi nito.
     
      "Paano mo nalaman ang bahay ko?" usisa ni Aldred.
 
  Natawa lang si Sarah sa tanong ng binata. Para bang hindi pa siya kilala nito samantalang wala yata itong nilipatan na hindi niya alam. Ang problema lang ay baka lumipat na naman ito. Ngunit sigurado siya na malapit lang iyon sa coffee shop na pag-aari nito kung sakaling lilipat na naman ito.
     
      "Itinatanong pa ba 'yan?" sabi pa nito.
 
      "At hind mo ba ako papapasukin sa loob? Ang sakit na ng paa ko," saad nitong muli habang nakanguso pa sa heels nitong pagkataas-taas. Ngumiwi pa ang labi nito na tila ba may iniindang sakit. Kung hindi ba naman ito nasisiraan. Nag-heels ito na hindi alam kung gaano kalayo ang lalakarin o pupuntahan.
     
      "Pasok ka," wala sa loob na sabi niya. Agad niyang pinapasok ni Aldred ang dalaga. Sa halip na maupo ito sa couch ay sinipat nito ang bagong tinutuluyang bahay ng binata. Inikot nito ang buong bahay at pati na ang kuwarto ng binata. Nangingiti pa ito nang makita ang litrato nilang dalawa kasama ang mga magulang ng binata.
     
      "Babe, hindi pa ba tayo magpapakuha ng picture ulit? Mga bata pa tayo riyan, e." Agad na kinuha ng dalaga ang frame at iniligay sa dala nitong paper bag.
     
      "Saan mo dadalhin 'yan?" naguguluhang tanong ni Aldred.
     
      "Saan pa? Sa basurahan. Hindi na bagay ang picture na 'yan sa atin." Kinuha nito ang sariling cellphone at lumapit kay Aldred saka yumakap at ngumiti.
     
      "Say cheese, babe!" Hindi pa man nakapoporma ng ngiti si Aldred ay pinindot na ito ng dalaga habang pasimpleng humalik sa pisngi ng binata. Agad naman itong itinulak nang marahan ni Aldred.
     
      "Ano ka ba? Halika na nga at ihahatid na kita." Kinuha nito ang bag na inilapag ng dalaga at saka binuksan ang pinto para ihatid ito. Eksakto namang parating sina Liza at Lloydie.
     
      Sinamahan ni Liza ang binata na mag-apply sa trabaho niya. At habang wala pa itong nahahanap na matitirahan ay sa bahay niya muna ito tutuloy. Nang makita ni Aldred ang dalawa ay hindi nito nagawang batiin man lang ang dalaga dahil mahigpit na kumapit sa baywang ng binata si Sarah.
     
      "Tss, lakas maka-my loves, may jowa naman pala," pabulong na saad ni Liza ngunit hindi ito nakaligtas sa pandinig ni Lloydie.
     
      "Huh?" Agad naman siyang umiling. Akala nito ay siya ang sinasabihan ni Liza.
     
      "Wala 'yon. Tara. Ayusin na natin ang requirements mo sa loob," yaya ni Liza sa binata. One day hiring ang employment process sa kompanya nila kaya naman alam na agad nila kung tanggap sila o hindi. At sinuwerte naman na natanggap si Lloydie.
     
      Seryoso naman ang mukha ni Aldred na sinundan ng tingin ang dalawa papasok sa loob ng bahay nito habang sila naman ni Sarah ay papalabas papunta sa sakayan ng tricycle. Kailangan maihatid na niya ang dalaga bago pa kung ano na naman ang gawin nito.
     
      "Babe, sa inyo muna tayo. Ayaw ko pang umuwi." Pagpupumilit ni Sarah ngunit hindi naman siya uubra sa binata kaya wala siyang nagawa kung hindi ay sundin ito.
 
      "Hindi puwede. At baka hinahanap ka na rin nina mom at dad." Nakabusangot na naglakad ito na tila kinakaladkad ang sarili dahil sa ayaw pa niyang umuwi.
     
      "At isa pa, puwede bang tigilan mo na ang pagtawag ng babe sa'kin?" Napanguso naman si Sarah sa sinabi ng binata.
     
      "Ano namang masama sa babe?" Naiiling na lang si Aldred. Makailang beses na siyang nagpaliwanag dito ngunit tila hindi ito nakaiintindi.
 
      "Ewan ko sa'yo, Sarah," angil ni Aldred dito.
     
      "Hi, pogi!" Sabay na napalingon ang dalawa sa babaeng tumawag kay Aldred na nakasakay sa tricycle. As usual ay kinikilig na naman ang isang ito nang makita ang binata. Ngunit hindi ang kasama ni Aldred. Halos sumayad na sa sementadong kalsada ang nguso nito.
     
      "Sino siya?" Nakangiwi pa ito at halos mabali ang leeg sa paghabol sa tricycle na dumaan para alamin ang hitsura ng babaeng tumawag kay Aldred.
     
      "A, wala," tipid na sagot ng binata. Umismid lang ang dalaga.
     
      Alam niyang may hindi sinabi ang binata sa kaniya. Malalaman din naman niya iyon sa mga susunod pang mga araw na pagbisita niya rito. Makailang beses na siyang tinataguan nito ngunit palagi naman niyang nalalaman kung saan ito nakatira kaya wala itong choice kung hindi ay asikasuhin siya.
 
      "Tara na," sabi ni Aldred nang makakita ng bakanteng tricycle. Inalalayan niya sa pagsakay ang dalaga at sa likuran ng driver's seat naman siya pumuwesto. Alam niyang yayakapin lang siya nito kapag umupo siya sa tabi nito.
 
      Sa bahay naman ni Liza ay tila hindi makatutulog sa gabi ang matalik niyang kaibigan hangga't hindi nito naikukuwento ang nakita niya niya. Kaya naman pagpasok pa lang niya sa loob ng bahay ay agad niyang hinanap si Liza.
     
      "Best! Best!" Tila kiti-kiting hindi mapakali si Luisa sa nasaksihan kanina habang papunta sa bahay ng dalaga. Paano ay hindi siya maka-move on sa babaeng kung makalingkis sa pogi nilang kapitbahay ay tila ba pag-aari nito ang lalaki. Kulang na lang ay magpakarga na ito sa binata.
     
      "O? Makasigaw ka naman diyan. Parang gusto mong iparinig sa buong barangay na dumating ka na," sermon ni Liza sa eskandalosa niyang kaibigan. Kung malapit lang ito sa kaniya ay siguradong nabatukan na niya ito. Tiyak na bukol ang aabutin nito.
     
      "Oo nga. Ano bang nangyari?" segundang tanong din naman ni Lloydie. Hindi naman pinansin ni Luisa ang binata at hindi rin ito sinulyapan man lang.
 
  Sa halip na sumagot ay hinatak nito si Liza patungo sa kusina at siniguradong hindi sumunod si Lloydie. Sumisilip-silip pa ito para tingnan ang binata kung nakikinig ba sa kanila. Nailing na lang din si Lloydie sa ginawa ni Luisa. Alam niyang may sikreto ang dalawa kaya ayaw iparinig sa kaniya.
     
      "Ano ba kasing nangyari?" iritableng tanong ni Liza. Hindi pa kasi diretsuhin ng kaibigan at may pagkubli pang nalalaman. Ayaw na ayaw pa naman niya ang pinatatagal pa nito ang kuwento.
     
      "Si Pogi, best. May jowa yata," pabulong na saad nito. Napaismid naman si Liza at umikot pa ang itim ng mga mata nito. Akala naman niya kung ano na ang sasabihin nito. Walang kakuwenta-kuwentang bagay lang pala.
     
      "O, e, ano naman?" nakataas pa ang kilay na tanong ni Liza.
 
       Ano nga ba naman ang gagawin niya kung may jowa nga ito? Alangan naman awayin niya ang binata o kahit ang babae pa e wala namang kinalaman sa kaniya ang bagay na iyon. Kahit ilang babae pa ang dalhin sa bahay nito ay wala namang kaso sa kaniya iyon. Naiiling pa si Liza sa ibinalita ng kaibigan.
     
      "Ibig sabihin ay namamangka siya sa dalawang ilog. In short babaero," may panggi-gigil pang sabi ni Luisa. Akala mo naman ay jowa nito kung maka-react.
     
      "Ano ngayon? Boyfriend mo ba?" tanong ni Liza. Agad na umiling naman si Luisa.
     
      "Hindi." sagot pa niya.1
     
      "Hindi naman pala. Boyfriend ko?" Mariing umiling muli si Luisa.
     
      "Hindi rin." saad niyang muli.
     
      "O, anong problema kung may jowa siya? Hindi naman natin siya boyfriend parehas," dagdag pang sabi ni Liza. Napanguso naman si Luisa. Ano nga ba naman kasi ang pakialam nila roon?
     
      "Oo nga. Wala. Sabi ko nga," nakahalukipkip na sagot nito. Bakit nga ba kasi napaka-usisera niya. Lahat na lang ay inuusisa niya. Pakialam nga ba niya?
     
      "Oy! Anong pinag-uusapan niyo? May binabalak kayo sa'kin 'no?" tanong ni Llyodie at pareho namang napangiwi ang dalawa sa sinabi nito.
     
      "Nek-nek mo!" sabay na saad nina Luisa at Liza at saka tinalikuran ang binata.
 
       Napapakamot na lang sa ulo si Lloydie. Binibiro lang naman niya ang dalawa dahil mukhang seryoso ang pinag-uusapan ngunit bigla siyang iniwan at nag-walk out ang mga ito.
 
        "Mga babae nga naman," naiiling na sabi ni Lloydie.

My Crazy NeighborTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon