Chapter 24 - The Confrontation

17 1 4
                                    

  Kanina pa pinag-iisipan ni Liza kung paano niya pakitutunguhan ang babaeng kinaiinisan niya na nasa labas ng gate. Hindi niya alam kung ano ba ang kailangan nito sa kaniya. Kagabi lang ay kaulayaw ito ng lalaking hindi niya maamin kung mahal nga ba niya o baka nami-miss niya lang ang pang-aasar nito.
 
  "No!" saway niya sa sarili. Hindi niya nami-miss ang lalaking iyon.
 
  At hindi rin niya ito mahal. Isa lang siguro siya sa mga babae nitong naangkin ang labi. Higit pa roon? Wala na. Sabi niya sa sarili nang buong iling na iniwaglit sa isipan ang nanariwang alaala ng pagdampi ng labi ni Aldred sa labi niya. Muli siyang napasilip sa babaeng nasa labas. Hindi siya dapat na mailang dito.
 
  At bakit nga ba siya maiilang dito? E, naroon siya sa bahay niya o mas mabuting sabihin na nasa teritoryo niya ito dahil ang kabilang bahay ang tunay na tirahan niya. Hinugot niya ang malalim na hininga bago ipinihit ang seradura ng pinto. Lalabasin niya ito.
 
  Pagbukas niya ng pinto ay taas-noo siyang naglakad patungo sa gate. Kung mayroong dapat na mailang sa kanila ay ang babaeng iyon. Napakunot ang noo niya nang bahagya. Suot pa rin nito ang puting long sleeve polo. Tila ba ipinangangalandakan nito na may sinabakan itong matinding giyera kagabi.
 
  "Hi! Do you need anything?" kaswal na tanong niya rito nang ubod lapad na pagkakangiti. Gusto niyang maging maayos ang pakitungo rito kahit pa alam niyang mahal ito ni Aldred. Dahil kung hindi ay bakit naman magbubuno ang mga ito kagabi kung hindi? Nailing siya nang bahagya sa naisip.
 
  Sa halip na sagutin siya nito ay marahan nitong itinulak ang gate at nang bumukas iyon na kakasya na ito ay agad itong pumasok sa loob nang walang sabi-sabi. Pipigilan sana niya ito ngunit nakapasok na ito sa bakuran. Muli niya itong tinanong upang alamin kung ano ang pakay nito sa kaniya.
 
  "I'm sorry. Sarah, right? Anong kailangan mo?" tanong niya ritong muli. Ngunit tila ito binging may hinahanap. Nagpalinga-linga pa ito na tila may sinisipat na kung sino. At nang masiguro nitong wala roon si Aldred ay nilingon na siya nito.
 
  "Yes, I'm Sarah." pagkukumirmang sabi nito sa kaniya. Nginitian siya nito at pagkatapos ay naglakad ito papunta sa pinto ng bahay niya. Inawat niya ang tangkang pagllapit nito sa pintuan ng bahay niya. Kung ano man ang pakay nito ay sigurado siyang wala siyang kinalaman doon.
 
  "T-teka lang, ha. May kailangan ka ba? Kasi may ginagawa ako," pagdadahilang sabi niya rito kahit na wala naman talaga siyang gagawin. Gusto niya lang ituloy ang pagmumukmok niya sa nasaksihang halikan ng dalawa kagabi na nauwi nga matinding pagbubuno.
 
  "Wala naman. Gusto lang kitang makilala." Tumigil ito sa paglalakad nang makarating sa may pinto.
 
  Duda naman siya sa sinabi nito. Kung gusto talaga siya nitong makilala ay kakausapin siya nito ngunit tila ba may iba pa itong pakay. Mayamaya ay muli itong nagsalita nang mapansing naguguluhan siya. Bakas sa mukha niya ang katanungan tungkol sa pakikipagkilala nito sa kaniya.
 
  "I mean, we're going to be neighbors and so, I want to know more about you. Perhaps, have some coffee together." Kung umasta ito ay para bang magkakilala sila.
 
  "Close tayo?" bulong niya sa sarili. Ayaw niyang bastusin ito pero sa ginagawa nito ay naiirita siya. Lalo pa at hindi niya gusto ang suot nito.
 
  "Baka gusto mong magbihis muna?" Tumaas ang dalawang kilay nito na tila nagtaka sa sinabi niya.
 
  "Why? Nakadamit naman ako. May mali ba?" maang na tanong nito kahit na alam nito ang ibig iparating ni Liza.
 
  "Baka lang naman," sagot na lang niya. Mukhang sanay naman itong makipag-usap na ganoon ang kasuotan.
 
  "Pasok ka," yaya niya rito sabay kumpas ng kamay bilang pagpapaubaya na mauna itong pumasok sa bahay niya. Kahit na alam niyang papasok pa rin naman ito kahit hindi niya ito yayain.
 
  "I almost forgot," sambit nito sabay abot ng hawak nitong lagayan kung saan naroon ang mga hinugasan nitong pinagkainan ni Liza. Nawala na sa isip nito ang bitbit kung hindi pa ito pumihit sa seradura ng pinto.
 
  "Thanks," alanganing sagot nito. Hindi naman kasi niya ito inutusan na hugasan iyon. May utang pang pagpapaliwanag si Lloydie sa kaniya. Pero sa susunod na lang niya iyon sisingilin. Kapag natapos na ang pang-iistorbo ng isang ito sa kaniya. Napatingin siya rito nang magtanong ito.
 
  "Ikaw lang ba mag-isa rito?" tanong nito. Umiikot ang paningin nito sa loob ng sala. Mula bubong yata ay nais nitong inspeksiyunin. Akala naman nito ay may Aldred itong makikita roon. Butiki sa kisame siguro mayroon. Pero wala ang baklang bakulaw roon.
 
  "May iba ka pa bang nakikita?" Alanganing ngiti ang ipinukol niya rito nang lingunin siya nito. Alam niyang sarkastiko ang pagkakasabi niya ngunit sa hilatsa nito ay hindi ito tatablan niyon.
 
  "Well, para kasing panlalaki ang taste mo sa mga furnitures and all," sabi nito. Hindi niya alam ang itinutumbok nito ngunit pakiramdam niya ay may gusto itong ipahiwatig. Naalala niya noong nagpunta ito rito ay hinanap nito si Aldred sa bahay niya.
 
  "If you're asking about Aldred being here, he's never been here," diretsahang sagot na niya rito. Tumango-tango naman ito. Hindi na pinansin ang sinabi niya.
 
  "Do you have a glass of cold water?" tanong na lang nito.
 
  "Kagabi pa kasi ako uhaw na uhaw and inom naman ako ng inom pero nauuhaw pa rin ako," sabi pa nito.
 
  "Mukha nga," usal ni Liza. Gusto pa niyang sabihin sana na mukha nga itong init na init dahil sa suot nito. Pinilit niyang patinuin ang sarili at baka kung ano ang masabi niya. Siguradong napagod ito kagabi at pinagpawisan nang todo kaya naman na-dehydrate ito.
 
  Kumuha siya ng tubig sa ref at isinalin sa isa sa mga baso na nakapatong sa mesa. Mula sa kusina ay sinilip niya ito habang patuloy ang pag-iinspeksiyon nito sa bahay niya. Naiirita pa rin siya sa suot nito. Siya na ang naaasiwa para dito. Nilapitan niya ito at iniabot ang basong may malamig na tubig doon.
 
  "Thank you," sabi nito. Hinawakan lang naman nito ang baso at pinagmamasdan ang mga yelong natutunaw roon. Nang matapos itong makipagtitigan sa yelo ay ngumiti ito at tumingin sa kaniya.
 
  "Ang ganda naman ng painting!" tili nito nang tumingin ito sa likuran ng kinatatayuan niya.
 
  Napakunot ang noo ni Liza dahil simpleng pot na may bulaklak lang naman iyon. Nilingon niya ang painting na siya rin ang may gawa. Iyan ang pinagkakaabalahan niya kapag wala siyang  magawa. Nagpi-paint siya ng kung ano ang maisipan niya. Nang magustuhan niya ay ipina-frame iyon at isinabit sa pader ng bahay.
 
  Agad na napasinghap si Liza nang maramdaman niya ang malamig na likidong tumulo sa likuran niya. Mabilis naman siyang sinaklolohan ni Sarah at kumuha ng tissue sa may mesa para ipunas sa likuran niya. Kagat ang labi nito na bakas ang pag-aalala lalo pa at sobrang lamig niyon.
 
  "I'm sorry! Nakatitig kasi ako sa painting. Hindi ko sinasadya," sabi nito.
 
  Mabilis nitong ini-angat ang loose blouse na suot ni Liza. Napaawang ang labi nito sa nakita. Hindi ito puwedeng magkamali. Ganoong-ganoon ang balat sa likuran ni Katlyn—ang hugis bulaklak na balat nito. Kapag nagsu-swimming sila nina Aldred at Miko ay nakikita iyon sa likuran nito kapag naka-two-piece ito. At sigurado itong si Katlyn nga ang dalaga.
 
  "May gagawin pa pala ako. Next time na lang tayo mag-bonding," sabi nito sabay lapag ng baso sa mesita at nagmamadaling lumabas ng bahay niya. Napaangat na lang ang kilay niya sa inis dito. Nagtungo siya sa lababo at piniga ang nabasang damit. Tiim-bagang siyang napatulala.
 
  Matapos siyang basain nito ay umakto itong hindi sinasadya. Kitang-kita niya sa salamin na nakasabit sa pader nang lingunin niya ang painting na sinadya nitong ibuhos ang tubig. At ngayong nagawa na nito ang bagay na iyon ay bigla siyang iniwan. Naiiling siyang napabusangot. Kung bakit hinayaan niya itong manduhan siya ay hindi niya alam.
 
  Hindi niya rin maisip kung ano ang intensiyon nito sa pagsadyang pagbasa ng suot niya. Pero isa lang ang alam niya. Kailangan niyang magpalit ng damit at panloob. Nagtungo siya sa kuwarto upang magbihis.
 
  Samantalang si Sarah ay kusang umalis ng bahay ni Aldred. Nagtataka pa si Lloydie na sumuko na kaagad ito kahit na hindi pa naman todo ang pang-iinis niya rito. Dali-dali itong nagbihis at paglabas nito ay dala na ang bag. Nagtungo ito sa kotse at pinaharurot iyon patungo sa abandonadong ospital.
 
  "I found her!" sigaw niya sa telepono habang nagmamaneho at kausap sa kabilang linya ang initusan niyang sumira kay Katlyn.
 
  "Siguraduhin niyong buburahin ninyo na siya sa mundo, hindi lang ang mukha niya." Matapos kausapin ang mga ito ay nagpatuloy siyang magmaneho hanggang makarating doon.
 
  "Kuya! Kuya!" Daig pa ang hinahabol sa lakas ng sigaw nito. Mabilis na lumabas ng isang pinto ang lalaki na may kaakbay pang babae na tila katatapos lang gumawa ng kababalaghan.
 
  "O, bunso? Totoo bang nakita mo na ang malanding babaeng 'yon?" sabi nito sabay hithit ng sigarilyo nito. Ibinuga pa nito ang usok sa mukha ng babaeng kasama nito na akala mo ay pansabong na manok na pinauusukan.
 
  "Yes, kuya. At ito na ang chance ninyo ni Bulol na bumawi sa'kin. Kapag pumalpak pa kayo, nako, ewan ko na lang," anunsiyo nito kapatid.
 
  "Ang punyeta! Hindi na makaliligtas sa'min ang malanding 'yon!" singhal nito sa kawalan.
 
  "Dapat lang!" pagsang-ayon naman ni Sarah na ngingisi-ngisi nang maalala si Aldred.
 
  Hindi siya papayag na mawala ang ilang taon niyang pinangarap. Siya lang ang babaeng nararapat dito. Siya lang at wala nang iba pa. Napatitig sa hindi kalayuan ang mga mata nito. Nanariwa ang mga panahong ipinaubaya na siya sa pamilya Bertucio.
 
  Ipinaampon si Sarah ng kaniyang mga magulang sa pamilya ni Aldred noong pitong taong gulang pa lamang ito. Pangarap din naman nitong umangat sa buhay. Kaya naman, kahit na buhay pa ang mga magulang nito noon ay pumayag siyang magpaampon. Naiwan ang mga kapatid niyang sina Bulol at Pando sa mga magulang niya.
 
  At dahil nais din naman ng mag-asawang Bertucio na magkaroon ng babaeng anak ay pumayag silang ampunin ito. Ngunit hindi ampon na may kasulatan. Kung hindi ay sila lang ang aako ng responsibilidad ng mga magulang nito na palakihin ito at pag-aralin. Ayaw ng mga magulang ni Aldred na ipagkait sa magulang ni Sarah ang pagiging ama at ina ng mga ito.
 
  At hanggang ngayon nga ay tinagurian pa rin siyang munting prisesa ng mga kapatid niya. Siya na ang naging provider ng mga ito nang mawala ang maga magulang nila nang naglabing-walong taong gulang siya. Siya ang nagtustos sa mga pangangailangan ng mga ito.
 
  Simula pa lang ay alam ni Sarah na ampon lang siya sa sabi. Wala siyang mapapala sa mga ito sakaling mamatay ang ama-amahan at ina-inahan niya kaya naman naging goal na niya ang mapangasawa si Aldred. Hindi lingid kay Aldred ang nararamdaman nito ngunit para sa binata ay nakababatang kapatid lamang niya ito.
 
  Goal din ni Sarah na makapag-ipon mula sa kayamanan ng mga Bertucio. Hindi man ganoon kayaman ang mga ito ay malaki-laki rin ang naipon niya. Sakaling itapon siya ng binata ay mayroon siyang panimula. Ngunit hindi pa rin siya susuko na makuha ito at maangkin ang lalaking matagal na niyang pinangarap.
 
  "Neng! Lumilipad na naman ang isip mo. Pagkakakitaan ba 'yan?" Biglang sumulpot sa kung saan si Bulol at binasag ang naglalayag niyang isipan.
 
  "Oo, Bulol. Kapag nawala sa buhay natin si Katlyn ay dadagdagan ko ang sustento niyo," kumindat pa sa dalawa na sabi nito.
 
  "Ayos!" Nag-apir pa sina Bulol at Pando sa narinig. Bilib sila sa kakayahan ng bunso nilang kapatid kaya naman hindi na nila kinailangan ng matinong trabaho. Kay Sarah pa lang ay buhay na sila. At kapag naging kapamilya na rin nila si Aldred ay magagawa na nilang makapasok sa kompaniya ng pamilya nito.

My Crazy NeighborTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon