SC 2 - Back to Manila

17 2 6
                                    

"Boss, nandito na sila." Pagkakita pa lang ng dalawang kapatid ni Sarah sa magkasintahan ay agad na ini-report na ng mga ito kay Mico.

Matapos kasing malaman nina Mico at Sarah na umalis ang dalawa ay agad pinamatiyagan ng mga ito ang bahay nina Aldred at Katlyn. Sinigurado ng mga ito na walang oras na hindi sila gising. Salitan ang magkapatid na Pando at Bulol sa pagbabantay.

Lingid sa kaalaman ng mga ito na nakita na sila ni Lloydie. Makailang ulit na nitong tinawagan si Katlyn ngunit hindi nito makontak noong nasa probinsiya ito. Ngunit nang nasa Manila na ulit ay nakontak na niya ito.

"Bakit ngayon mo lang sinagot? Ilang beses na kitang tinatawagan." Hindi naman ito galit pero hindi rin naman mapalagay ang boses nito. Alam niya kasi kung gaano kasama ang mga ito kaya nag-aalala siya para sa kaibigan.

"Sorry, Loy. As much as possible kasi ayaw namin ng ibang iniisip while on vacation. Ano bang nangyari?" usisa ni Katlyn pagkarinig sa natatarantang boses ng kaibigan.

"Simula nang pag-alis n'yo, hindi na umalis ang puting van sa labas ng bahay." Matapos mag-usap ay naghanda na ang dalawa sa maaring mangyari. Ngunit hindi naman din sila nagpaapekto at normal lang ang kilos na para bang walang nakaabang na panganib sa kanila.

Nang makapasok sa loob ng bahay ni Aldred ay mabilis na hinila ni Lloydie ang mga ito at isinara ang pinto sabay lock. Pagkatapos ay mabilis na hinilang muli papasok naman sa kusina. Daig pa nito ang dalawa na kalmado lang sa sitwasyon. Alam naman nilang hindi kikilos ang mga ito sa liwanag kaya may plano sila habang maaga pa.

"Ano ka ba? Mas mahahalata ka nila kung ganiyan ang kilos mo." Sinermunan ni Katlyn ang kaibigan. Alam naman niyang concern lang ito pero baka lalo silang mapahamak kung ganito ang kilos ng binata.

Matapos mag-usap ng plano ay normal na kumilos ang mga ito. Nagluto ng pagkain at sabay-sabay na kumain. Hindi muna sinabi ni Katlyn ang totoo na alam na ni Aldred ang buong katotohanan. Napag-usapan kasi ng dalawa habang pabalik mula sa probinsiya na huwag agad sabihin kay Lloydie. Iwas na rin sa kung ano mang gusot sa plano nila.

"Lloydie?" tawag ni Sarah habang nagdo-doorbell. Habang kumakain ay dumating si Sarah para kunwari ay bisitahin si Lloydie. Hindi na nag-abala na magtago ng dalawa dahil alam naman nila na kaya ito naroon ay para kumpirmahin ang report ng mga kapatid nito.

"O, napasyal ka?" tanong ni Lloydie na animo ay walang alam sa nangyari.

"Na-miss kasi kita. Baka kasi naiinip ka dahil wala kang kasama." Habang sinasabi iyon ay palinga-lingo ito na tila sinisipat ang buong bahay.

"Ako rin na-miss kita." Galing sa ilong na tugon nito. Hindi mahirap mahalin si Sarah pero hindi kayang mahalin ni Lloydie ang babaeng napakasama ng ugali. Kung noon niya siguro ito nakilala at wala siyang alam sa ginawa nito ay marahil na nakatuluyan niya ito.

"Talaga? So, puwedeng dito muna ako sa bahay mo?" Hinawakan nito ang balikat ni Lloydie pagkatapos ay dahan-dahang tumungo ang kamay nito sa mukha ng binata padako sa labi nito. Hahalikan na sana nito si Lloydie nang tumikhim si Aldred at lumabas mula sa kusina kasunod si Katlyn.

"Kuya?" kunwari ay gulat na sabi nito. Daig pa ang taong tunay na nagulat.

"K—Liza," nahinto ito saglit pero nakabawi rin nang ma-realize na pangalan ni Katlyn ang muntik na niyang mabanggit.

"O, Sarah. Anong ginagawa mo rito sa bahay ko?" Kung magaling itong umarte, mas magaling si Katlyn. Tapos na ang pag-e-effort niyang ipilit ang sarili niya na magustuhan ni Sarah. Dahil kahit na anong pilit niya ay sarado na ang isip nito at tanging si Aldred ang focus nito.

"A, e, na-miss ko kasi si Lloydie. 'Di ba, babe?" Pagkasabi ay mariin nitong hinalikan ang labi ni Lloydie. Ilang sigundo rin bago nito binitawan ang labi ng binata. Habol-hininga namang nanlalaki ang mga mata ni Lloydie. Hindi niya inakala na ganoon ang gagawin ni Sarah.

"B-boyfriend ko," nauutal pang sabi ni Sarah. Lihim na natatawa naman sina Aldred at Katlyn na nagkatinginan. Natatawa sila para kay Lloydie. Nagka-instant girlfriend nang wala sa oras. Ayos din naman sana kung totoo na para lubayan na sila ni Sarah.

"A-ako? T-tayo?" Nauutal na lang ang binata sa nangyari.

"Oo 'di ba? Nanliligaw ka sa 'kin at hindi ka mahirap mahalin. Kaya sinasagot na kita," buong kompiyansang sabi pa nito. Nais humagalpak sa tawa nina Aldred at Katlyn ngunit pinili nilang kumalma. Kung ito ang nais ni Sarah ay hindi nila sisirain ang pagpapanggap nito.

"Congratulations sa inyo. Sumama ka na rin sa 'min kumain ng boyfriend mo." Nakangiti lang si Aldred na inalok ang dalawa.

"Thanks, Kuya." Nakasukbit ang kamay ni Sarah sa braso ni Lloydie na naglakad papasok sa kusina. Hindi umupo si Sarah hanggang hindi siya ipinagbubukas ng silya ni Lloydie. Nais talaga nitong pangatawanan ang kalokohang sinabi sa dalawa.

"Babe," nguso ni Sarah sa upuan at nakuha naman iyon agad ni Lloydie kaya ipinaghila niya ito ng upuan. Sa tabi niya naupo si Sarah.

"So, kailan pa kayo dumating?" usisa ni Sarah na animo ay alam na alam ang nangyayari. Hindi nga nito nadalaw man lang si Lloydie kahit isang beses noong nag-camping sina Katlyn at Aldred.

"Ha? Sinong nagsabing umalis kami?" Nais hulihin ni Aldred ang kapatid. Bigla naman itong sumandal sa balikat ni Lloydie.

"Sabi kasi ni Babe, wala siyang kasama rito. Kaya naman naisip ko na umalis ka. At si Liza," palusot pa nito.

"I see. Well, kanina lang kami dumating." Sinakyan na lang ni Aldred ang kung ano mang kasinungalingan ang hinahabi nito.

"Sabi ko naman kasi kay Babe, samahan ko siya rito habang wala kayo. Kaya lang napaka-conservative. At saka na lang daw kami magsama kapag kasal na kami. Palibhasa laking probinsiya. Ikaw, Liza? Sinagot mo na ba ang kuya ko?" Usisa nito sa dalaga.

"Ha? K-kami na," sagot ni Katlyn. Mabilis na hinawakan nito ang kamay ni Aldred at iniangat para ipakita ang magka-salikop nilang mga daliri.

Bakas ang pag-iiba ng reaksiyon ng mukha ni Sarah ngunit muli ring ibinalik ang mukha nitong mapagpanggap katulad kanina. "Wow! Congratulations sa inyo!"

"Thanks," sagot naman ni Katlyn kaagad. Sa pagngiti niya ay tila nanayo ang balahibo ni Sarah. Iyon ang kaparehong ngiti nito nang malaman niyang magkasintahan na ito at ang kuya niya.

"Anyway, may lakad pa pala ako. Salamat sa food, Babe. Kita tayo later," paalam ni Sarah. Hindi naman nagtaka ang mga ito dahil alam nilang may binabalak si Sarah.

"Ingat ka," sabi ni Lloydie sabay halik sa pisngi nito. Sinakyan na lang niya ito sa kalokohan nitong naisip.

Nang maihatid ni Lloydie ang dalaga sa gate ay mabilis itong lumabas at sumakay ng kotse nang walang lingon-likod. Gigil na gigil na pinaghahampas ang manibela ng sasakyan. "Buwiset! Busiwet! Mga walang hiya!

Nagtatangis ang mga bagang nito sa inis dahil sa nalaman ma magkasintahan na ulit ang kuya niya at si Katlyn. "Buwiset talaga! Hanggang sa second life niya, mang-aagaw pa rin! Akin lang si kuya! Akin lang ang kuya ko!" Halos umalingawngaw ang sariling boses nito kasisigaw sa loob ng kotse. Kulang na lang ay banggain nito ang gate nang dahil sa inis.

"Tuloy ang plano. Huwag na huwag ninyong i-aalis ang paningin ninyo sa bahay na ito." Hindi niya pinalampas ang pagkakataong iyon at tinawagan kaagad ang nakatambay na mga kapatid niya sa puting van sa harapan. Tumalima naman ang mga ito. Lahat ng galaw ng mga ito ay ire-report nila at kung sakaling magkaroon na ng pagkakataon ay kukunin nila si Katlyn.

Pinaharurot nito ang sasakyan patungo sa bahay ni Mico para ibalita rito nang harap-harapan ang nalaman. Paiinitin pa niyang lalo ang ulo nito para ito na ang gumawa mismo ng aksiyon ngunit malinaw na ayaw niyang mapahamak si Aldred.

Sa bahay naman ay hindi matigil ang pang-aasar nina Aldred at Katlyn kay Lloydie. "Hindi ka nagsasabi, kayo na pala."

"Naniwala naman kayo ro'n." Naiiling na lang ito sa dalawa.

"At kayo? Kayo na?" Siya naman ang nag-usisa sa mga ito. Hindi niya alam na nagkabalikan na ang dalawa. Alam ni Lloydie na mahal pa rin ni Katlyn si Aldred pero ang hindi niya alam ay ang estado ng dalawa.

"Bakit bawal ba? Huwag mong sabihing natuluyan ka na sa 'kin?" pang-aasar ni Katlyn.

"Nako, a. Hindi mangyayari 'yon. Best friend for life lang," buong tangging sabi nito.

"Good!" mabilis na singit ni Aldred. Nagkatawanan ang mga ito sa sinabi ng binata. Hindi na lang muna nila sasabihin ang totoong nangyari noong nasa probinsiya sila.

My Crazy NeighborTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon