Chapter 23 - The Crazy Encounter

23 2 12
                                    

  "W-who are you?" sigaw na napapatili ng dalagang hihilot-hilot pa ng sintido nang mabungaran ang binatang abala sa paggawa ng sopas. Kumikendeng-kendeng pa ito na para bang pag-aari nito ang buong kusina at walang sino man ang magagawi roon.
 
  "Gising ka na pala. Gusto mo na bang kumain?" kaswal na sagot ni Lloydie na tila ba matagal na nitong kakilala ang dalaga.
 
 
  "I said, who are you?" mariing tanong niya sa binata. Nalilito si Sarah kung sino ang lalaking ito na kung umasta ay akala mong nakatira sa bahay na iyon.
 
  "Lloydie. Ikaw si Sarah, hindi ba?" Halos mapunit ang ngiti nito sa dalaga. Maganda ang gising nito at excited itong bumangon para maghanda ng almusal. Wala itong pasok kaya naman balak nitong magtanim sa bakuran dahil tila napabayaan na ang mga tanim doon simula nang lumipat ng tirahan si Liza.
 
  "Hindi ko tinatanong ang pangalan mo," iritableng sabi ni Sarah.
 
  "What I mean is, what are you doing at my brother's house?" she added.
 
  Malokong ngumiti si Lloydie at nakaisip ng kalokohan. Hindi pa man nito nasasabi ang naisip ay natatawa na ito sa sarili. Itinukod nito ang palad at ipinag-cross pa ang mga paa pagkatapos ay binasa ng laway ang labi at kinagat. Nakapameywang pa ang isang kamay nito bago nagsalita.
 
  "Girlfriend ni Aldred," saad nito na kagat pa rin ang labi at pigil ang pagtawa. Kumunot naman ang noo ni Sarah.
 
  "Lasing ka lang, gurl. Hindi totoo ang pinagsasabi ng isang ito." Pilit niyang iniling-iling ang ulo habang nakapikit na tila ginigising ang sarili.
 
  "Biro lang. Kaibigan niya 'ko at ibinilin ka niya sa'kin," halakhak ni Lloydie nang makita niyang naguguluhan na ito. Tinalikuran niya ito at hinarap ang nilulutong sopas.
 
  "Malapit ng maluto ang sopas. Maghilamos ka na para makakain na tayo." Hindi pa rin kumbinsido si Sarah sa sinabi nito. Alam at kilala niya ang kuya niya. Wala itong ganitong kaibigan. Pinagmasdan niya ang binatang nakatalikod.
 
  Maganda ang hubog nito kahit na hindi ganoon kalaki ang katawan. Halatang galing itong probinsiya base sa pananamit nitong sando na hindi naman talaga sando. Long sleeve na manipis at pinutol ang manggas pati ang maong na pinutol din para maging shorts.
 
  "Ew," sambit niya sa sarili nang matapos sipatin ang kasuotan ng binata. Nangilabot pa siya na para bang nandiri dito.
 
  "I don't like to eat," maarteng sabi nito. Tangkang tatalikod na siya kay Lloydie nang sagutin siya nito.
 
  "Kung hindi ka raw kakain sabi ng kuya mo ay umuwi ka na sa inyo. Bawal dito ang nagpapalipas ng gutom." Seryoso ang mukha ni Lloydie nang magsalita ngunit sa loob-loob nito ay nais na nitong umalpas ang kalokohan sa bibig.
 
  "E, sa hindi ako nagugutom. Anong gagawin ko?" Umiling si Lloydie at nilapitan ang dalaga. Hindi uubra sa kaniya ang kaartehan nito. Napaatras ito nang itukod ng binata sa hamba ng pinto ang kamay at idukdok sa mukha niya ang mukha nito.
 
  "E 'di 'wag. Uwi ka na," malanding sabi nito na gusto pa yatang pangatawanan ang sinabi nitong magjowa sila ni Aldred. Muling nangilabot naman si Sarah.
 
  "Oo na! Kakain na!" Sinigawan niya si Lloydie at dumiretso sa banyo para maghilamos. Ngunit bago pumasok sa loob ay tinungo ni ang kuwarto ni Aldred nang maalala na wala siyang pamalit. Kumuha siya ng maluwag na puting polo ni Aldred at maiksing shorts ng binata.
 
  "Bilisan mo, kakain na tayo!" sigaw ni Lloydie sa kaniya nang makitang papasok pa lang ito ng banyo.
 
  Paggising niya kanina ay nakatanggap siya ng mensahe kay Aldred. Nagbilin ito na pakainin ang dalaga. Naikuwento na ni Aldred sa kaniya na ito ang tinataguan nito ngunit hindi nito sinabi ang lahat. Ang alam lang ni Lloydie ay iniiwasan nito ang kapatid.
 
  Nang makalabas ng banyo ang dalaga ay dumiretso na siya sa hapag. Naligo na siya nang tuluyan kaysa maghilamos dahil nanlalagkit siya. Naalala niyang galing pa siya sa mabahong abandunadong ospital kahapon. Pakiramdam niya ay dumikit ang amoy niyon sa kaniya. Idagdag pa ang amoy ng alak na nanuot na rin sa damit niya.
 
  "Masunurin ka naman pala. Kain na," sabi ni Lloydie sabay hain ng sopas sa kaniya. Nang napansin niyang nakatingin ang binata sa kaniya na tila nag-aabang na kainin niya iyon ay agad siyang sumubo. Magkanda-paso-paso na siya sa pagkain niyon ngunit hindi niya pinansin. Gusto na niyang iwan ito at maupo sa sala para hintayin si Aldred.
 
  "There," she said pointing at the empty bowl with her lips.
 
  "Parang ngayon ka lang nakakain ng sopas. Ang bilis mo. Gusto mo pa?" Umiling siya sa tanong ng binata. Nasarapan naman siya pero iba ang pokus niya ngayon. Gusto niyang puntahan si Liza pero kailangan niya ng dahilan para mapuntahn ito. Gusto niyang masiguradong ito nga iyon kahit na alam naman niya sa sarili niyang ito nga si Katlyn.
 
  "Saan ka pupunta?" Akmang tatayo na siya nang sitahin na naman siya ni Lloydie.
 
  "Sa living room." Bumuntong-hininga si Lloydie at pagkatapos ay nilapitan siya.
 
  "Huwag mong sabihing ako ang maghuhugas ng pinagkainan mo? Ibinilin lang ni Aldred na pakainin kita pero hindi niya sinabing hugasan ko ang kinainan mo." Seryosong muli ang mukha ni Lloydie. Kahit hindi bagay sa mukha nito ang magseryoso ay kailangan nito. Hindi nito mapasusunod ang dalaga kung lagi itong nakangiti.
 
  "What?" Bakas sa mukha nito ang pagkairita. Hindi niya akalaing hindi ganoon kadali ang mag-stay sa bahay ni Aldred. Kung narito ang lalaking ito ay tiyak na hindi siya magtatagal. Gusto lang naman niyang makasama ang kuya niya. Pero napakahirap kahit noon pa man.
 
  "Kilos na. Bago pa kita palayasin dito," sabi pa ni Lloydie. Hindi ito sanay na tratuhin nang ganito ang mga babae ngunit kailangan. Padabog naman na naglakad pabalik sa mesa ang dalaga at dinampot ang tasa na pinagkainan niya bago dumiretso sa lababo. Agad naman siyang sinundan ni Lloydie.
 
  "Pakisabay na 'to." Nang-aasar na ipinatong ni Lloydie ang pinagkainan niya sa lababo kasama ng hugasan ni Sarah.
 
  "At ito pa," sabi pa nito.
 
  Una ay ang pinagkainan ni Lloydie ang inilagay na ikinainis ni Sarah. Pagkatapos naman ay ang kaldero na pinaglutuan nito at iba pang ginamit sa pagluluto gaya ng sandok at mga pinaglagyan ng gulay. Kulang na lang ay maglupasay sa inis si Sarah.
 
  Hanggang saan ba ang itatagal niya sa pagpupumilit na mag-stay sa bahay ni Aldred?
 
  "Wala na? Baka gusto mong pati ang mga pinagkainan ng kapit-bahay ay hugasan ko na rin," sarkastikong saad ni Sarah. Ngunit hindi nadadala si biro si Lloydie lalo pa at marami siyang oras na makipaglokohan sa dalaga.
 
  "Sige ba. Hintayin mo'ko." Agad na lumabas ang binata at tinungo nito ang bahay ni Liza. Eksakto namang katatapos lang din nitong mag-almusal. Tuyo na may kamatis at piniritong itlog ang inalmusal nito na may kasamang mainit na tsokolate.
 
  Tamad na tamad itong bumangon pero mas namayani ang gutom niya kaysa sa pagmumukmok sa nasaksihan kagabi. Magmumukmok na lang siya pagka-busog na. Para naman marami siyang lakas na mag-isip at mainis. Napakunot ang noo ni Liza nang makita si Lloydie.
 
  "O, anong gagawin mo sa mga 'yan?" Kunot pa rin ang noong nakatingin sa ginagawa nito. Inimis nito ang mesa at inilagay sa palangganita ang mga iyon. Hindi nito sinagot si Liza.
 
  "Hoy! Lloydie, saan mo dadalhin ang mga gamit ko?" sigaw ni Liza. Nginisihan lang siya nito at pagkatapos ay lumabas na ng bahay niya. Bumalik ito sa babaeng halos umusok ang ilong nang makita siyang may bitbit na mga hugasan.
 
  "Heto pa. Mukhang nag-enjoy ka naman, e." Halos magpapadyak sa inis is Sarah. Hindi naman din nakatiis si Liza na hindi alamin ang dahilan ng pagkuha ni Lloydie sa mga hugasan niya kaya pinuntahan niya ito sa bahay. Eksaktong nagbabangayan ang dalawa nang mabungaran niya ang mga ito sa kusina.
 
  Sumilay ang ngiti sa labi ni Sarah nang makita niyang nakatulala si Liza sa kanila. Sigurado siyang nagtataka ito kung bakit ganoon ang suot niya. Iniayos niya ang buhok at iniipit sa gilid ng tainga. Para bang mahinhin na babaeng hindi man lang gagawa ng kasamaan ang hitsura nito ngayon.
 
  "Sorry, Elyang," basag ni Lloydie sa katahimikan nang makita si Liza na tulala.
 
  "Siya ang maghuhugas ng mga pinagkainan mo. Mahilig kasi siyang maghugas." Hindi kumibo si Liza. Iniiwas lang niya ang tingin sa babaeng naka-long sleeve polo na para bang katatapos lang sumabak sa nagdaang gabi.
 
  Hindi naman kakikitaan ng pagtanggi sa mukha ni Sarah nang sabihin iyon ni Lloydie. Tila proud pa na naroon ito para maglinis ng bahay ni Aldred. Saglit nitong hinugasan ang kamay at pinunasan pagkatapos ay nilapitan si Liza.
 
  "I'm Sarah. Liza, right? I assume magkakilala kayo ni Aldred?" saad nito kay Liza. Inabot naman ng dalaga ang kamay nito.
 
  "Not really," tanggi siya sa sinabi nitong magkakilala. Ang totoo ay gusto niyang sabihin dito na higit pa sila sa magkakilala. Pero ano? Magkapit-bahay na nagkahalikan? Hindi sila magkaano-ano ng binata. Samantalang ang kaharap niya ay para bang nakipagbuno rito kagabi dahil sa suot nito. Mukha pang inspired.
 
  "I see. Maupo ka. Gusto mo ng juice or anything?" Kung umasta si Sarah ay para bang pag-aari niya ang bahay na kung istimahin si Liza ay ganoon na lang.
 
  "No thanks. Busog ako. Sige, alis na'ko. Baka nakaiistorbo na ako." Hindi na niya hinintay na sumagot si Sarah. Nakaramdam siya ng sakit ng ulo nang hawakan niya ang kamay nito kaya naman umalis siya kaagad.
 
  Umangat ang gilid ng labi ni Sarah. Intensiyon niya talagang i-intimidate ang dalaga. Gusto rin niyang ipamukha rito na siya ang kasama ni Aldred at hindi ito. Wala man itong naaalala ay ipararamdam niya rito ang naramdaman niya noong magkasama pa ang kuya niya at si Liza.
 
  "Bye!" sigaw pa ni Sarah kahit na hindi naman na siya narinig ni Liza.
 
  "Baka naman puwede mo nang ituloy ang paghuhugas mo?" basag ni Lloydie sa kasiyahang nararamdaman ni Sarah. Agad namang napanguso ang dalaga dahil doon. Kahit kailan talaga ay panira ng moment ang isang ito.
 
  "Oo na!" singhal nito.
 
  "Good!" malokong sagot din naman ni Lloydie. Pasabog na naghugas ito ng plato at mga kung ano-ano pang idinagdag ni Lloydie.
 
  "Basagin mo na lang kaya? Para mas mabilis. Wala ka nang huhugasan." Tinaasan lang ni Sarah ng kilay ang binata na nakapameywang pa sa likuran niya.
 
  "Anong oras uuwi si kuya Aldred?" tanong niya nang talikuran si Lloydie.
 
  "Kapag wala ka na rito sa bahay," natatawang sabi ng binata na lalong ikinainis ni Sarah. Binilisan na lang niya ang paghuhugas at nang matapos ay dumiretso ito sa balcony para hintayin si Aldred. Naisip niya na sana ay nag-stay pa si Liza para naman nakausap pa niya ito nang matagal at malaman na ito nga si Katlyn.
 
  "Labas lang ako. Pakisabi kay kuya kapag hinanap ako," paalam niya kay Lloydie na abala sa pag-aayos ng gagamitin niya sa pagtatanim.
 
  "Kung hahanapin ka," mapang-asar na sagot nito. Ngumuso lang si Sarah pagkatapos ay tumungo sa kusina. Dinala niya ang mga gamit ni Liza bago lumabas.
 
  Sa kuwarto naman dumiretso si Liza para magmukmok. Naiirita siyang makita ang babae na suot ang polo ni Aldred. Bakit nga ba? Mag-ano ba sila ng binata? Bakit sobra ang nararamdaman niyang pagseselos? Bakit naiinis siya sa binata.
 
  Nasa ganoon siyang pag-iisip nang muling sumakit ang ulo niya. Sa pagpikit niya ay may nakita siyang hubog ng babae na humahalakhak habang may kausap sa telepono. Ang sumunod na pangyayari ay ang pagtakip ng kung sino sa bibig niya. Halos manikip ang dibdib niya sa naalala at hirap ang paghinga.
 
  Sinubukan niyang abutin ang tubig sa tabi niya na kinuha niya kanina bago pumasok sa kuwarto. Nang maabot ay agad niya iyong ininom. Umusal siya ng panalangin nang bumalik ang maayos niya paghinga. Naguguluhan siya. Ilang linggo na niyang nakikita sa alaala niya ang bagay na iyon. Paulit-ulit lang pero hindi niya kilala ang babae.
 
  Hindi rin pamilyar ang lugar kung nasaan siya. Ngunit tila nangyari na ang bagay na iyon. At nangyayari lang ang ganoon kapag napapalapit siya kay Sarah at Aldred. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang marinig niya ang tawag sa labas ng gate.
 
  "Liza?" Pamilyar ang boses na narinig niya. Lumabas siya ng kuwarto at nagtungo sa sala. Nang silipin niya ay naroon ang babaeng kagabi lang ay kahalikan ni Aldred.

My Crazy NeighborTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon