Chapter 7 - Doubting

43 5 2
                                    

    "E bakit nga magkasama kayo?" Minsan makulit din talaga itong si Luisa. At alam din naman niyang hindi ito maniniwala kung magpapaliwanag siya rito.
 
     "Ewan ko sa kaniya. Kung gusto mo ay siya ang tanungin mo," pabalang na sagot na lang niya sa kaibigan na hindi pa rin naniniwala sa kaniya dahil sa nasaksihan kanina na paghatid ng lalaking kapitbahay rito.
   
    "Talaga ba?" tinaasan na lamang niya ito ng kilay at baka magkagulo sila nang wala sa oras.
   
    "A, ewan ko sa'yo, best. Tamang hinala ka na naman. At alam mo? Puwede ka na maging akyat-bahay. Kasi naman kahit napalitan ko na ang lock e nakapapasok ka pa rin," sabi na lang niya para maiba ang usapan at pagkatapos ay pasalampak itong naupo sa carpet.
 
     Iniayos niya ang mga magazine dahil tiyak na pinakialaman na naman ni Luisa ang mga ito nang hindi ibinabalik sa dating ayos nito. Nang mailigpit ay pasandal niyang inilapat ang likod sa may sofa. Naramdaman niya ang pagod sa pag-grocery o baka dahil sa pakikipagtalo kina Luisa at Aldred.
   
    "Hala siya. Bago ka mambintang, best, siguraduhin mo muna kung nai-locked mo ba ang pinto o hindi. Aba e, pagkarating ko rito ay hindi naman naka-lock ang pinto. At isa pa ay nakabukas ang gate mo," matataray na litanya ni Luisa. Napaisip naman si Liza kung paano nangyari iyon dahil sa ang pagkakaalam niya ay nai-locked niya iyon.
   
    "Sure ka ba? Hala!" Bumilog ang bibig niya nang maalala ang kuwarto kaya dali-dali siyang pumanaog sa itaas papunta sa cabinet niya. Ang natatandaan niya ay ang pinto sa kuwarto ang hindi niya ini-lock dahil naka-lock naman ang bahay at gate. At alam niyang naisara niya ang mga iyon.
   
    "No!" Mabilis na napaakyat si Luisa sa itaas na muntik pang madapa nang marinig ang sigaw ni Liza.
   
    "O, bakit?" kabadong tanong ni Luisa sa kaibigan habang dahan-dahang bumaba ang kaniyang paniningin at sinipat ang hawak nitong tila isang alkansiya nga bang matatawag ngunit hugis kahon na kahoy. Kalat-kalat din ang mga damit nito sa kama at pati na rin ang mga drawer niya ay nakabukas.
   
    "Ang ipon ko..." garagal ang boses na sabi ni Liza at agad na pumatak ang luha kasabay nang pagsalampak niya sa sahig.
   
    "Ano'ng nangyari? Kaya ba bukas ang gate? I-report natin sa baranggay..." pag-aalalang suhestiyon ni Luisa ngunit hindi pa rin niya maalo ang kaibigan sa paghagulgol nito.
   
    Ilang mga buwan na rin magmula ng tipirin ni Liza ang suweldo niya para makapag-ipon. Halos hindi na niya binibili ang mga magazine na paborito niya para lang makapag-ipon. Nais niya kasing makapagtayo ng sariling negosyo man lang. Pagod na siya sa pagtatrabaho sa isang kumpanya.
 
  Kaya ang nais naman niya ay magkanegosyo. Kahit na ano. Basta magkaroon siya niyon. Kahit karinderya, kapihan o bakery man lang. Kahit hindi siya magaling magluto ay maaari naman siyang maghanap ng gagawa niyon. Matagal-tagal din bago niya magawa iyon.
 
  Bakas ang awa sa mukha ng dalaga. Alam ni Luisa na super tipid ngayon ng kaibigan ngunit hindi niya akalain na sa bahay lang nito itatago ang mga tinipid. Hindi niya napaalalahanan na delikado ang mag-iwan ng pera sa bahay sa lugar nila. Maraming oportunistang nilalang ang nagkalat doon na naghihintay lang ng pagkakataon.
 
  Itinayo ng dalaga ang kaibigan at inalalayang maglakad paibaba. Sumunod naman si Liza. Sabay silang bumaba ng hagdan na lugmok ang pa rin balikat. Alam niyang imposible nang maibalik ang ipon niya pero hindi niya matanggap na nawala ang mga iyon.
   
    "Ano'ng ginagawa mo rito? Wala akong panahon na makipagbangayan sa'yo," walang buhay na usisa niya sa binata nang makita ito sa ibaba ng bahay sa may sala.
   
    "Nag-alala kasi ako. Narinig kong sumigaw ka kaya napasugod ako. Ano'ng nangyari?" balik na tanong nito kay Liza. Ngunit katulad ng sinabi nito kanina ay wala ito sa mood makipag-away sa lalaki kaya naman hindi ito umimik.
   
    "May nakapasok yata sa bahay... Nanakawan siya..." sabi na lang ni Luisa. Siya na lang ang nagsalita at nagsabi sa binata kung ano ang nangyari.
   
    "I-report natin sa baranggay..." suhestiyon ni Aldred. Kumunot naman ang noo ni Liza.
   
    "At ano naman ang sasabihin ko? Nanakawan ako dahil sa kapabayaan ko? Dahil sa katangahan ko?" Sa wakas ay umimik na ang dalaga. Nanlulumo ito ngunit tila bumalik na ang pagtataray. Marahil ay dahil sa naubos na nitong luha sa mga mata.
   
    "Ano ba kasi ang nangyari? Paanong nakapasok iyon?" usisa pa ng binata. Gustong malaman ni Aldred kung paano nakapasok ang magnanakaw ngunit nagkibit-balikat na lang si Luisa. Ayaw na rin kasi niyang pangunahan ang best friend niya.
   
    "Okay, ganito na lang. Nagluto ako ng dinner. Sa bahay na lang kayo kumain," sabi na lamang ni Aldred nang mapansin niyang walang nais na magkuwento sa nangyari. Agad namang nagliwanag ang mukha ni Luisa sa narinig.
   
    "Talaga?" exicted na sabi nito na tila kumikinang pa ang mga mata. Ngunit taliwas naman iyon sa reaksiyon ni Liza.
   
    "Kayo na lang. Wala akong gana..." matamlay na sabi pa rin nito at naupo. Baka hindi lang din niya kainin ang iniluto nito kaya tinanggihan niya. Wala namang nagawa si Luisa kung hindi ay tumanggi na lang din.
 
  "Ay huwag na lang pala. Salamat sa offer," sambit ni Luisa. Hindi naman na nagpumilit si Aldred. Ramdam niya ang lungkot ni Liza at ayaw na muna niyang dumagdag sa nararamdaman nito. Sinamahan na lang din ni Luisa ang best friend niya. Hindi ito umuwi ng bahay at doon na lang nakitulog kay Liza.
   
    Kinabukasan ay hindi pumasok si Liza. Masama ang pakiramdam niya dahil siguro sa kaiiyak. Nagpaalam din siya sa pinapasukan niya. Dahil na rin siguro sa nangyari kaya sumama ang pakiramdam niya. Nagpaalam na rin si Luisa na papasok na. Babalik na lang siya mamaya pagka-out sa trabaho.
 
  "Sige, best. Puntahan na lang kita rito mamaya pag-uwi ko." sabi ni Luisa sa kaniya.
 
  Tumango lang siya kay Luisa pagkatapos ay isinara na ang pinto nang makalabas na ng gate ang kaibigan. Napasulyap siya sa kabilang bakod at tila naman walang tao. Marahil ay pumasok na rin ito sa trabaho. Muli siyang umakyat sa hagdan pagkasara ng pinto para tumungo sa kuwarto niya.
 
  Magpapahinga na lamang siya. Pakiramdam niya ay nawasak ang pangarap niya. Hindi pa naman kalakihan ang ipon niya pero sobrang tipid ang ginawa niya pagkatapos ay naging bula lang. Masakit man na nawalan siya ng pera ngunit alam naman niya na kikitain niya rin iyon.
 
  Ang hindi niya lang niya matanggap at hindi madaling tanggapin ay ang napunta sa wala ang pinaghirapan niya. Kahit hindi pa iyon makapagtatayo ng negosyo at malaki na rin iyon kumpara sa ilang buwang suweldo niya. Naiiling na lang siya sa naisip.
   
    "Ano'ng oras na ba?" tanong niya sa sarili. Pupungas-pungas na napasilip siya sa relo na nakasabit sa dingding ng bahay nang magising sa malakas na katok mula sa gate niya.
 
  Ilang oras pa lang ang nakalilipas nang makaidlip siya. Hindi pa rin humihinto ang katok sa pintuan niya kaya naman bumangon na siya at nagtungo sa balkonahe para silipin kung sino ba ang istorbong iyon sa pamamahinga niya. Minsan na lang magpahinga ay may nang-istorbo pa.
   
    "Ano na naman ang kailangan mo? Wala ako sa mood kaya next time ka na lang mangulit," sigaw niya sa lalaking kapitbahay nang makita niya itong nakatayo sa labas ng gate.
   
    "May sasabihin kasi ako. Baba ka," napapakamot sa kilay na sabi nito. Wala pa rin talaga sa mood ang dalaga na makipag-asaran sa kaniya. Hindi pa rin kasi ito nakamo-move on sa nangyari. Kahapon lang din naman kasi iyon.
   
    "Sabihin mo na," balik na sigaw niya rito.
   
    "Magsisigawan ba tayo?" sigaw rin naman niyang muli kay Liza.
   
    "Ano ba kasi 'yon?" iritableng bulong niya sa sarili at bumigay rin naman. Binaba na niya ito at pinuntahan sa gate.
   
    "Ano ba 'yon?" nakataas na naman ang kilay na tanong niya na naiirita sa binata.
   
    "Ang taray mo naman. Hindi mo ba ako papapasukin?" tanong niya sa dalaga. Hindi niya intensiyon na inisin si Liza ngayon ngunit mukhang okay na ang dalaga na magpakulit sa kaniya. Napapangisi pa siya sa loob-loob niya.
   
    "Hindi. At bakit naman kita papapasukin?" mataray na tanong ni Liza.
 
  "Trespassing ka na kahapon tapos ngayon papapasukin pa kita? Mabuti nga at hindi kita ipinabaranggay e," nakahalukipkip na sabi pa nitong muli.
   
    "At isa pa ay baka kung ano ang gawin mo sa akin," saad pa ni Liza. At napahalakhak na lang si Aldred sa kaniya pagkatapos ay sumeryoso.
   
    "Ang sama naman pala ng tingin mo sa'kin," sabi nito.
 
  "Gusto ko lang naman sabihin na ini-report ko na sa baranggay ang nangyari kahapon. Babalitaan daw nila ako kung may makukuha silang information." Seryoso pa rin ito sa pagsasalita. Bahagyang napaisip naman si liza. Nahiya siyang bigla sa inasal niya.
 
  "Sige na. Uwi na ako. Baka kung ano pa nga talaga ang magawa ko sa'yo," sabi pa ni Aldred na tila naman nagpa-guilty kay Liza sa mga sinabi sa binata. Tinilungan na nga siya nito lahat-lahat pagkatapos ay binastos pa niya ang binata.
   
    "Sige na. Pasok ka na," saad ni Aldred na nasa labas pa rin ng gate. At akmang bubuksan naman na ni Liza ang pinto nang tila nablangko ang paningin ng dalaga at muntik nang bumagsak sa sahig. Mabuti na lang at mabilis na nakakilos ang binata.
   
    "M-my loves!" Agad na nasalo ito ni Aldred bago pa man tuluyang bumagsak sa semento.

My Crazy NeighborTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon