Chapter 14 - The Past

23 3 1
                                    

  "Ate Kat, dito ka lang muna. Tatawagan ko lang si Kuya Al," saad ni Sarah sa kasintahan ng kuya niyang si Aldred.
 
  "Sure. Sure. Bilisan mo lang, okay?" Tumango naman Sarah sa dalaga bilang pagsang-ayon.
 
  Naiwan ang dalaga sa dilim habang tinatawagan ni Sarah ang kuya niya. Ngunit ilang minuto na niyang sinusubukang tumawag ay wala pa ring signal ang telepono niya. Kung alam lang nila na matatagalan sina Aldred at Miko ay hindi na sila nagpaiwan sa campsite.
 
  "Ate Kat?" Binalikan ni Sarah ang kasintahan ng kuya niya ngunit wala na ito. Nakarinig siya ng kaluskos at yabag sa mga tuyong dahon kaya sa takot niya ay nagtago siya sa likod ng puno. Wala siyang maaninag dahil madilim na.
 
  Dali-dali niyang tinahak ang daan kung saan patungo sa bayan para puntahan ang kapatid niya at si Miko. Hindi ito ang unang beses na camping nila roon at makailang beses naman na silang nakauuwi ng ligtas at malayo sa disgrasya. Ngunit iba ang araw na ito.
 
  "Kuya Al! Miko!" Halos mapaos siya kasisigaw nang makababa sa bayan at nanginginig ang katawan sa takot. Inaalala ang kasintahan ng kuya niya. Kung bakit ba naman kasi iniwan niya ito para maghanap ng signal. Sana ay nagsama na lang sila.
 
  "O, Sarah. Si Kat?" Kunot ang noo na tiningnan ni Aldred ang kapatid habang nagpapalinga-linga ng tingin para hanapin si Kat.
 
  "Sarah, si Kat? Nasaan si Kat?" Tila umurong ang dila ng dalaga na hindi makapagsalita. Sa halip na magtanong pa ay agad na tinahak nito ang kinaroroonan ng tent nila. Agad naman na sumunod si Miko habang inaalalayan ang tuod pa ring si Sarah.
 
  "Kat! Kat!" Hindi magkandaugaga sa paghahanap si Aldred. Anim na buwan na lang ay ikakasal na sila ni Katlyn. Halos maabot na niya ang Talon ngunit wala siyang Kat na nakita.
 
  Magdamag silang naghanap kay Kat at inabot na sila ng umaga kahahanap dito. Ngunit wala ito. Hindi malaman ni Aldred kung ano ang mararamdaman. Galit, takot o pangamba na hindi na niya makikita pa si Kat. Kahit si Miko ay naghanap na rin dito ngunit wala silang nakita.
 
  "Kuya! Kay Kat 'yon, 'di ba?" Agad na napalingon si Aldred sa direksiyon na itinuturo ni Sarah. Naroon ang tsinelas ni Kat ngunit wala ang dalaga.
 
  "Nasaan ka, Kat?" usal niya habang umiikot ang mga mata sa paligid ng falls.
 
  "Hindi kaya inanod na siya, Kuya?" Hindi napigilan ni Aldred na sumigaw.
 
  "Bakit mo kasi siya iniwan?" Yumugyog ang balikat ni Sarah dahil sa pag-iyak nang sigawan siya ng kuya niya. Nataranta siya kaya napatakbo siya. Alangan namang sundan niya ang hindi niya alam kung ikapapahamak ba niya o ano.
 
  "P're, huwag mong sisihin si Sarah. Nataranta siya. Natakot. Pasalamat tayo at ligtas siya," saway na sabi ni Miko.
 
  Kaibigan ni Aldred ang binata at may gusto ito kay Sarah. Ngunit hindi siya tipo nito. Mestiso si Miko at matangkad. Ganoon pa man ay hindi ito tipo ng dalaga. Matagal na nitong nililigawan si Sarah ngunit panay tanggi lamang ang dalaga rito.
 
  "At paano si Kat?" Hindi na alam ni Aldred ang gagawin. Lahat na ay pinuntahan nila para hanapin ito ngunit wala pa rin.
 
  Makalipas ang bente-kuwatro oras ay ini-report nila ang pagkawala nito at ipinahanap na rin nila si Kat. Ngunit walang nakakita rito o nakarinig man lang kung may humihingi ba ng saklolo. Nang makarating sa batuhan ay nakakita sila ng dugo.
 
  "Kuya, si Ate Kat..." sambit ni Sarah at kusang umagos ang mga luha ni Aldred sa magkabilang pisngi na nag-uunahan.
 
  "Hindi. Hanapin niyo siya. Hanapin niyo! Hangga't walang katawan huwag kayong titigil!" sigaw ni Aldred. Wala siyang pakialam kung wala pang pahinga ang mga naghahanap sa kasintahan niya. Ang mahalaga sa kaniya ay ang mahanap ito.
 
  "Kuya, umuwi na tayo. Tatawagan na lang daw nila tayo kapag may balita na." Niyaya ni Sarah na umuwi ang binata ngunit hindi ito nagpatinag sa puyat ay pagod. Naaawa na siya rito ngunit wala siyang magawa.
 
  "Kuya, please. Kailangan mo ring magpahinga." Nanlisik ang mga mata ng binata na tiningnan si Sarah. Ngunit hindi niya magawang sumbatan ito kung bakit nawawala si Kat. Alam niyang natakot lang din ito. At siguradong wala na rin ito ngayon kung magkasama ang dalawa.
 
  "Umuwi ka na. Miko, ihatid mo na siya. Hindi ako uuwi nang hindi kasama si Kat," saad nito. Walang nagawa si Sarah kung hindi ay sumama kay Miko at umuwi. Kung ipipilit pa niya ang gusto niya ay baka lalo lang magalit ang kuya niya sa kaniya.
 
  Nanatili si Aldred sa probinsiya upang tumulong sa paghahanap kasintahan niya. Ngunit ikatlong araw na ay hindi pa rin mahanap si Kat. Hindi niya akalain na dahil lang sa pagpapahanap nito ng pakwan ay ito na ang huli nilang pagkikita. Sana ay isinama na lang niya ito sa sa paghahanap.
 
  "Sir, nakita na po si Ms. Katlyn." Biglang lumiwanag ang mga mata ni Aldred nang marinig ang sinabi ng rescue.
 
  "T-talaga ho? Nasaan siya?" Mabilis na sinundan nito ang lalaki patungo sa kinaroroonan ni Katlyn. Ngunit nang makarating ay halos manlambot ang mga tuhod niya sa nakita.
 
  Wala na itong buhay at sugat-sugat ang mga paa. Hubo't hubad ito at tanging ang kuwintas na regalo na lamang niya ang suot nito. Hindi niya magawang tingnan man lang ang dalaga. Nanlalambot ang tuhod niya at naitukod na lamang niya sa poste ng maliit na kubo kung nasaan ito natagpuan.
 
  Nang mahimasmasan ay agad na hinubad nito ang shirt niya at itinakip sa hubad na katawan ng dalaga. Naninikip ang dibdib niya sa galit. Muling nagbalik ang galit niya kay Sarah. Kung hindi ito iniwan ng dalaga ay marahil na buhay pa ito o nakahingi sila ng saklolo. Pinagbawalan niyang lapitan siya ni Sarah o magpakita man lang ito sa kaniya.
 
  Makalipas ang ilang araw ay natagpuan ang may-ari ng kubo at umamin ito na siya ang may kagagawan ng nangyari kay Kat. Hindi matanggap ni Aldred ang pagkawala nito. At ang mas masaklap at hindi niya mapatawad ang sarili niya sa nangyari. At kahit kay Sarah ay hindi niya magawang makipagkita.
 
  "P're, si Sarah. Gusto kang makausap." Umiling ito kay Miko at hindi nito hinarap si Sarah.
 
  "Walang hiya ka! Anong karapatan mong magpakita sa lamay ng kapatid ko?" Isang malakas na suntok ang lumipad sa mukha ng binata. Ito ang kauna-unahang suntok sa kaniya ni Kurt—ang kapatid ni Katlyn. At hindi siya pinadalo nito kahit sa libing ni Kat. Siya ang sinisisi ng pamilya ng dalaga kung bakit ito namatay.
 
  "Kuya," saad ni Sarah. Hindi rin naman ito tumitigil sa kasusunod sa kaniya. Ilang beses na niya itong ipinagtabuyan ngunit hindi pa rin siya nito nilulubayan.
 
  "Ano bang problema mo? Ayaw kitang makita! Ayaw kitang kausap! Kaya puwede ba?" Hinawi niya ito ay napaupo ito sa sofa. Bago pa man siya makalampas dito ay nahawakan na nito ang kamay niya.
 
  "Kuya, I'm sorry. Hindi ko naman gusto ang nangyari kay Ate Kat. Natakot lang din ako. Sorry, Kuya. Sorry na, please..." pagmamakaawa ni Sarah ngunit sa halip na harapin siya nito ay hinila nito ang kamay na hawak niya at saka nagsalita.
 
  "Wala kang kasalanan. Pero ayaw kitang makita. Huwag na huwag mo na akong lalapitan," mariing saad ni Aldred. Tila nilamukos ang puso ni Sarah sa sinabi ng binata. Daig pa niya ang itinakwil ng sariling kadugo. Mabilis na umalpas sa mga mata niya ang mga luhang ilang araw na ring binibisita ang kaniyang mga mata.
 
  "Kuya, saan ka pupunta?" Napaangat siya ng tingin nang makita si Aldred na may bitbit na gamit. Sa halip na sumagot ay naglakad lang ito nang tuloy-tuloy palabas ng pinto ng bahay ng lola niya. Naka-bakasyon ang magulang nila kasama ang lola niya sa tita niya sa US kaya naman walang kaalam-alam ang mga ito sa nangyari.
 
  "Kuya, please. Pag-usapan natin 'to. Kuya! Natatakot ako, Kuya. Please!" Mabilis na hinawakan nito ang braso niya ngunit katulad kanina ay marahas niyang hinila ang braso niya kaya naman napasalampak ang dalaga sa sahig.
 
  At iyon nga ang simula ng pagsunod-sunod niya sa kung nasaan man si Aldred. Isa na sa layunin niya ang mapatawad siya ng lubusan nito. Ngunit hindi alam ni Sarah kung kailan niya makakamit ang lubos na pagpapatawad nito ganoong limang taon na ang lumipas.
 
  Halos ilang taon ding dinadalaw ni Kat ang panaginip ng binata hanggang sa unti-unti na itong nawala. Palihim niya itong dinadalaw sa puntod nito ngunit nagkakataon na nagpapang-abot sila ni Kurt. Noon pa man ay hindi na siya nito gusto para sa kapatid nito. At lalo lang nitong napatunayan na hindi siya karapat-dapat dito.
 
  Nasa ganoong isipin siya nang mahimasmasan ng galit niya sa pagpapakita ni Sarah sa coffee shop niya. Hindi niya alam kung bakit hindi niya ito mapatawag nang lubusan. Tila may pumipigil sa kaniya. Kung ano man iyon ay hindi niya alam.

My Crazy NeighborTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon