Chapter 16 - Deal?

20 2 4
                                    

"Elyang, Este Liza." Pasimpleng tinawag ni Lloydie sa dalaga habang naghuhugas ito ng pinagkainan nila at siya naman ay nagpupunas ng mesa.

"Bakit?" Agad na napalingon siya sa binata. Tila may kailangan ito na pabor kaya naman napakalambing boses nito. Naalala pa niya noon sa probinsiya kapag may kailangan ito ay parang napakabait nito.

"May kailangan ka? Huwag pera kasi wala pang suweldo," sabi pa niya rito. Naisip niya na baka mangungutang ito.

"Sayang. Manghihiram pa naman sana ako." Napayuko pa ito at huminto sa paghuhugas ng plato.

"Timing ka naman sa tagtuyot. Kapag palapit na ang suweldo ay paubos na rin budget ko. Magkano ba?" pag-aalala niyang tanong. Baka naman hindi ganoon kalaki ang kailangan nito at mapahiram niya.

"Biro lang naman. Pero may hihilingin sana ako." Mabilis na pinunasan ni Lloydie ang kamay niya at hinatak ang silya sa tabi ni Liza.

"Upo ka," sabi ni Lloydie rito. Pagkatapos ay hinatak din niya ang isa pang silya para maupo sa tabi nito.

"Ano naman ang hihilingin mo?" usisa ni Liza ngunit saglit na tumahimik si Lloydie. Iniisip kasi nito kung paano sisimulan ang sasabihin. Alam niyang magre-react ito nang todo sa itatanong niya. Kaya naman kailangan niyang ikundisyon muna ito.

"Ano kasi. May nakiusap kasing makikituloy muna sa bahay nat—," sabi ni Lloydie na agad namang pinutol ni Liza.

"Ano? May makikituloy sa atin? Sino? At bakit? Taga saan? Kilala ko ba iyan? Bakit daw makikituloy?" sunod-sunod na tanong ni Liza. Napapakamot na lamang ang binata rito. Kahit kailan talaga ay nauuna ang usisa nito kaysa makinig. Kung sabagay. Hindi pa ba siya nasanay?

"Grabe ka naman. Isa-isa lang. Malalagutan ka ng hininga sa ginagawa mo," sabi nito at muling huminto sa pagsasalita. Bubuwelo muna siya bago siya tadtarin nitong muli ng mga tanong.

"Okay lang ba sa'yong makituloy ang kaibigan ko? Pansamantala lang naman." Napaisip si Liza.

Sinong kaibigan ang tinutukoy ng binata? Bukod sa kaniya ay isa lang ang kaibigan nila sa probinsiya—si Selya. Pero alam niyang malabong pumunta ng maynila ang babaeng iyon dahil galit iyon sa mga taga maynila. Lalo na sa ex-boyfriend niyon na niloko lang iyon.

"Sino ba ang tinutukoy mo? Hindi naman si Selya, 'no?" Agad na umiling si Lloydie.

"Hindi siya. Alam mo namang hindi iyon pupunta rito. Lalaki ang kaibigan ko." Lalong naguluhan si Liza. Kung lalaki ang kaibigan niya na makikituloy sa kanila at mag-isa lang siyang babae ay hindi puwede. May tiwala siya kay Lloydie pero sa ibang tao ay wala.

"Sino? Katrabaho mo?" Agad na umiling si Lloydie.

"Hindi," sagot ng binata.

"E, sino nga?" Bahagyan nang nauubos ang pasensiya niya rito. Hindi pa kasi sabihin kaagad. Kilala man niya o hindi ay mabuting malaman niya kung sino. Mahirap na magpatira ng mga taong hindi naman nila kilala nang lubusan.

"Si Aldred," saad ni Lloydie.

"Ang baklang bakulaw? Ang mayabang na kapitbahay? Ang buwiset na lalaking iyon? Friends kayo?" sunod-sunod na namang sambit ni Liza.

"Kailan pa kayo naging friends?" Naguguluhan na talaga siya. Bakit ito makikitira ganoong nandiyan lang naman ang bahay nito sa tabi ng bahay niya.

"Basta friends kami," napapakamot sa ulo na sagot ni Lloydie.

"Actually, hindi naman kayo magkakasama rito sa bahay." Mas naguluhan pa siya sa sinabi ng binata. Paanong hindi siya titira doon? Bahay niya iyon.

"No. Hindi puwede. No way!" buong tangging sabi niya rito.

My Crazy NeighborTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon