Hanggang sa pagbaba nila ng tricycle ay nakakapit pa rin si Luisa sa braso ng binata. Wala namang nagawa si Lloydie kung hindi ay hayaan ito. Nang makapasok sa palengke ay nagsimula na silang maghanap ng isda. Wala siyang ibang makita isda na sariwa pa halos mga bilasa na ang naroon.
"Ikaw ba, Luisa? E, tutulungan mo ba akong mamalengke o kakapit ka na lang diyan kay Lloydie?" angil ni Liza nang lingunin niya ang dalawa sa may likuran niya.
"Doon ka na kasi kay Aling Lena bumili. Siguradong sariwa pa ang tinda niyon. Huwag ka nang tumingin sa iba." May punto naman si Luisa. Bakit nga ba siya nagtitiyaga pang tumingin sa iba? Dahil sa dulo pa ang puwesto ng tinutukoy ni Luisa ay naglakad sila papasok sa dulo ng palengke.
"Suki! Kanina pa kita hinihintay. Akala ko ay hindi ka na darating," may pagtatampong sambit nito.
"Ay nako, Aling Lena. Paano ba naman 'tong si Liza, e, tum—," sabi ni Luisa na halos masuka sa gulay na lumapat sa labi niya. Isinampal kasi ni Liza sa mukha nito ang isang taling kangkong para manahimik ang kaibigan. Ibubuking pa siya nito na sa iba siya tumingin.
"Ang ingay mo," saad naman ni Liza na pinandidilatan pa ng mga mata ang kaibigan. Tatawa-tawa lang naman si Lloydie sa kanila. Ganito ang mga nami-miss nito sa kababata. Lalo tuloy siyang natutuwa rito.
"Kawawa naman ang kangkong ko. Bibilhin niyo ba iyan?" Napangiwi si Luisa sa sinabi ng tindera.
"Sa kangkong pa talaga kayo nag-aalala. Grabe kayo sa'kin," sambit ni Luisa.
"Aba, siyempre. Baka mamaya ay wala nang bumili niyan." Tatawa-tawa ang tindera kay Luisa.
"Kukunin ko na iyan, Aling Lena. At saka pabigyan po ako ng bangus pang sigang. Pahiwa na rin. Samahan niyo na ng siling green at pang-asim." Agad namang kumilos ang tindera.
"Mukhang magsisigang kayo ng bangus. Sige dagdagan ko na iyan," sabi ng Ale na hindi na pinabayaran ang lumampas na tatlong guhit sa timbangan.
"Nako,, salamat, Aling Lena," saad ni Liza. Ngumiti rin bilang pasasalamat si Lloydie.
Matapos nilang mamili ng isda at pangsahog ay sa karnihan naman ni Mang Jun sila nagtungo. Nakabili rin sila ng murang baboy at giniling. Nang mabili na nila ang lahat ay naglakad na sila palabas ng palengke. Pero bago pa makalabas ay kinukuha na ni Lloydie ang bitbit ng dalaga.
"Ako na ang magdadala niyan, Liz," pag-ako ni Lloydie sa bitbit na bayong ng dalaga. Ngunit hindi naman niya ibinigay iyon.
"Magaan lang naman 'to. Ako na ang bahala," saad naman ni liza.
"Ito na ang lang dalhin mo, pogi. Mabigat 'to, o. Hindi kaya ng beauty ko," mapungay ang mga matang sabi ni Luisa sa binata. Alanganing napangiti naman si Lloydie at kinuha ang bitbit ni Luisa na groceries. Matapos kasi nilang magtungo sa supermarket ay nagyaya na magtalipapa si Liza.
Mas gusto ng dalaga ang mga isda at karne sa palengke. Bukod sa mas mura ay suki na rin siya roon kaya naman may diskuwento pa siyang natatanggap sa mga nakakikilala sa kaniya. Bitbit ang bayong ay naglakad palabas ng talipapa ang tatlo.
"Akin na. Ako na ang bahalang magdala niyan," sambit ng lalaking bigla na lang hinawakan nito ang mga pinamili niya. Pag-angat niya ng tingin ay ang baklang bakulaw pala niyang kapitbahay ito. Agad na naningkit ang mga mata ni Liza rito.
"At bakit mo naman dadalhin ang mga 'yan? Iyo ba 'yan? Ikaw ba ang namili niyan?" Nagkatinginan sina Luisa at Lloydie sa inasal ng dalaga habang napapakamot naman sa ulo si Aldred. Gusto lang naman niyang tumulong ngunit tila minasama nito. Ngunit pagtulong nga lang ba ang gusto niya?
"Ikaw na nga ang tinutulungan, ikaw pa ang galit? At saka pareho naman tayo ng uuwian kaya ako na ang mag-aarkila sa tricycle." Lalong kumunot ang noo ni Liza. Naiirita na siya sa lalaking ito. Bigla na lang susulpot, aagawin ang dala niya at ngayon naman ay pala-desisyon ng sasakyan niya.
"Alam mo? Unang-una, magaan lang 'to at kayang-kaya ko ang mga ito. Pangalawa, may nakausap na kami na masasakyan. Kaya puwede ba? Intindihin mo ang mga pinamili mo at huwag ang mga dala ko?" Alanganing napapangiti na lang si Luisa sa lakas ng boses ng kaibigan.
Halos pagtinginan na rin kasi sila ng mga marites na naroon sa paradahan ng tricycle sa talipapa. Wala siyang panahon na makipagtalo pa kay Aldred kaya naman niyaya na lamang niya ang dalawa na puntahan ang kinontrata nilang tricycle kanina.
"Tara na nga!" yaya ni Liza sa dalawa at tinungo ang tricycle na kinausap nila kanina. Nagpalinga-linga siya ngunit hindi niya makita ang kinausap nila kanina. Dahil doon ay hindi na niya natiis na tanungin ang isa sa mga tricycle driver.
"Kuya, nasaan po si kuya? Iyong nakaparada rito na sinakyan namin kanina? Nakita niyo po?" usisa niya sa lalaking nasa tricycle na nakaparada nang hindi mahagip ng mga mata niya ang tricycle driver na hinahanap.
"Nako, ate, e jebs na jebs na raw. Umuwi muna," sagot ng tricycle driver na napagtanungan niya. Kapg sinusuwerte ka nga naman. Matapos niyang tanggihan ang alok ng baklang bakulaw na kapitbahay niya ay wala rin pala ang inarkila niyang sasakyan.
"Ganoon po ba? E, kayo po? Puwede po ba kayo? Sa Sitio lang naman kami. Malapit-lapit lang naman," pagkukumbinsi ni Liza sa kausap. Saglit naman na napaisip ang lalaki kung papayag ba siya sa alok nito. Ilang saglit din ay sumagot naman ito kaagad pagkatapos.
"E, ate, may pasahero na ako. Gusto niyo ay hintayin niyo 'ko. Hatid ko muna ang pasahero ko tapos balikan ko na lang kayo." Nagkatinginan sila. Anong oras na sila makauuwi kung maghihintay sila? Magluluto pa siya ng hapunan nila ni Lloydie.
"Kuya, huwag na po. Baka bumalik din ang kausap namin," sabi na lang ni Liza na napalingon pa sa dalawang kaibigan na hindi man lang siya tinulungang kausapin ang driver.
"Kayo po ang bahala." Eksaktong pag-alis nila sa tapat ng tricycle ay dumating ang pasahero nito.
Kumaway pa ang tricycle driver bago umalis para ihatid ang pasahero nito. Saglit silang naghintay ngunit walang dumating. Nagpalinga-linga sila ngunit halos lahat ng tricycle na naroon ay may mga pasahero na at hindi pa nagbabalikan ang mga nagsi-alis.
"Pretty girl, sabay ka na." Sabay-sabay silang napalingon sa lalaking nagsalita. At agad namang napangiti si Luisa dahil alam niyang siya ang inaalok ng lalaking ito—si Aldred na nakasakay sa likod ng tricycle..
"Okay lang ba?" tanong ni Luisa sa best friend niya. Napangiwi naman ito pero tumango rin.
"Sige na. Sumabay ka na. Mas pagod ka pa yata sa'min ni Lloydie, e." Parang bulateng kinikilig-kilig pa na naglakad si Luisa papunta sa sasakyan at sumakay rito.
"Tingnan mo, pinagpalit ka kaagad. Pakapit ka nang pakapit sa braso mo. Salawahan 'yan kaya huwag na huwag mong papatulan iyang si Luisa," sermon niya kay Lloydie na wala sa sarili. Nakanguso pa habang inaayos ni Luisa ang pagkakaupo.
"Oy, narinig kita, best. Grabe ka sa'kin. Sabay ka na nga sa'min, Lloydie. Hayaan mong maghintay 'yang ma-pride na 'yan sa wala. Hindi na babalik si kuya, for sure," sambit na may pag-irap ni Luisa. Natatawa na lang si Lloydie sa dalawa. Wala yatang oras na hindi nagbangayan ang magkaibigang ito.
"My loves, sure ka na? Hindi ka sasabay? May strike ngayon, baka wala kayong masakyan." Mahigpit na umiling naman si Liza. Kung sa kaniya lang din sasabay ay huwag na lang. Naalala pa niya noong nakisabay ito sa kaniya sa tricycle. Kumulo ang dugo niya nang araw na iyon nang todo.
"Hindi," tipid na sagot niya. Hindi pa siya nasisiraan ng bait para sumabay rito.
"Okay, adios!" saad naman ng binata na sumaludo pa sa dalaga.
Tumango lang si Lloydie sa binata at umandar na sila. Para namang nakasakay sa motor si Luisa kung makakapit sa baywang ni Aldred sa likod. Palibhasa ay nasa loob ang mga pinamili nito na hindi naman karamihan pero pinili na sa likod sumakay. Inihatid lang din naman sila ng mga matang matalim ni Liza habang papalayo sa kanila.
"Okay na. Narito na tayo," sambit ni Aldred at inalis nang marahan ang mga kamay ng dalaga na mahigpit ang pagkakakapit sa baywang niya nang makarating sila sa gate.
"Ay, sorry," kunawaring paumanhin ni Luisa ngunit sinadya naman niyang higpitan iyon at hindi kaagad alisin.
"Salamat," tipid pang sabi muli ni Luisa nang hindi pansinin ni Aldred ang sorry niya.
Alanganing ngumiti si Luisa nang mapahiya dahil sa higpit ng kapit na ginawa niya. Hindi naman umimik si Aldred dahil sinisipat nito ang daan kung parating na rin ba si Liza. Ngunit wala siyang nakita o narinig na paparating. Mayamaya ay kinausap niya ang driver.
"Manong, pakibalikan ang mga kasama ko kanina," saad niya rito.
Tumango naman ang matanda at inabutan niya ito ng bayad pagkababa niya ng mga pinamili. Pagkatapos ay umalis na ito. Muli ay si Luisa na naman ang nakasaksi ng kabaitan ng binata. Mula sa pag-aalaga nito sa kaibigan niya noong may sakit ito hanggang ngayon na wala itong masakyan.
"Oy, saan ka pupunta?" tanong ni Aldred nang sundan siya ni Luisa sa bakuran niya.
"Sorry, doon nga pala ako," alanganing nakangiti na sabi nito na kunwari ay nalito pero sa totoo ay sinundan niya ang binata. Baka lang naman makalulusot.
Halos tatlumpung minuto rin bago nakarating sina Lloydie at Liza sa gate. Nang abutan ito ng bayad ni Liza ay tinanggihan nito at sinabing bayad na. Agad naman niyang tingnan si Lloydie. Tumango lang ang binata kaya naman ang akala niya ay ito ang nagbayad ng pamasahe nila.
Eksaktong nakaluto naman na si Aldred sa mga oras na iyon nang dumating sila. At nang makapasok na sa gate ay dumiretso sa loob ng bahay si Lloydie bitbit ang pinamili nila. Sinitsitan naman ni Aldred ang dalaga bago pa ito makapasok ng bahay. Hindi naman ito nilingon ng dalaga ngunit makulit si Aldred. Napalingon si Liza sa ikatlong sitsit.
"Bakit ka ba naninitsit? Ano ang palagay mo sa'kin? Aso?" angil nito sa binata ngunit hindi naman nagsalita ang isa. Bagkus ay iniangat lang nito ang lagayan na hawak at iniabot sa dalaga.
"Ano 'to? Bakit mo'ko binibigyan? Baka may lason 'to mamatay pa'ko," sabi pa ni Liza na hinusgahan na kaagad ang iniluto ng binata kahit hindi pa man nito nasusubukan.
"Grabe ka naman sa akin, my loves. Kung lalasunin kita, e, sana ay noon pa," sagot niya at para naman matigil ang bangayan ay kinuha na lamang ni Liza ang tupperware. Palakad na siya papasok ng bahay nang magsalita ulit si Aldred.
"Thank you, ha!" pasigaw na sabi nito. Paano ay hindi man lang nagpasalamat ang dalaga sa kaniya pagkakuha ng ulam. Bakit nga naman siya magpapasalamat? Hindi naman niya ito sinabihan na ipagluto siya.
Habang hawak niya ang lalagyan ay napapaisip siya na parang nakita na niya ang tupperware na iyon. Ngunit napailing na lang siya. Kung sabagay ay madalas siya sa kitchenware section ng supermarket kaya marahil ay nakita niya iyon doon.
"Wow! Galing kay pogi 'yan?" bulalas ni Luisa nang makita ang lalagyan pagkalapag niya nito sa mesa. Nagtaka naman siya kung paano nito kaagad nasabi na galing nga iyon kay Aldred. Hindi na lamang niya pinansin ang naisip at naiiling na iniayos na lang ang mga pinamili nila.
"May gusto sa'yo ang kapitbahay mo, 'no?" Agad na napalingon si Liza sa likuran niya habang nag-aayos ng laman sa ref. Naroon na pala si Lloydie nang hindi niya namamalayan. Napapaisip siya na sobrang lalim ba ng iniisip niya at hindi niya naramdaman ang paglapit nito?
"Sino? Si Aldred? Oo, gustong-gusto ako niyon. Gustong-gustong pikunin," sambit niya. Napahalakhak naman si Lloydie.
"Pero seryoso, tingin ko gusto ka niya," sabi nitong muli.
"Bakit? Selos ka?" Biglang natahimik naman si Lloydie na tila na-corner siya ng dalaga.
"Oy! Ang serious mo. Walang gusto sa'kin 'yon. Abnormal lang talaga ang isang 'yon. At isa pa e mukhang babaero 'yon. Nakita mo naman kanina kung paano niyon landiin si Luisa," saad pa nito. Hindi naman na umimik si Lloydie.
Pero totoo na alam ng lalaki kapag ang kapwa lalaki nila ay may gusto sa isang babae. Parang ang gay sa kapwa nila gay. Alam nila if gay rin ang kausap nila o straight. Ganoon din naman ang instinct ng babae kapag nagloloko ang partners nila. Ang pinagkaiba lang ay kung paano idi-deny ng mga involve ang katotohanan.
BINABASA MO ANG
My Crazy Neighbor
RomanceSa tinagal-tagal ni Elizabeth sa Sitio Uno ay ngayon lang siya nakakita ng lalaking walang kasing abnormal na katulad ni Aldred. Wala nang ginawang matino ang abnormal niyang kapitbahay kung hindi ay buwisitin ang araw niya. Umulan man o umaraw ay h...