Chapter 35 - Falls

34 2 3
                                    

Nagtungo muna sa falls ang dalawa kung saan hindi napuntahan ni Aldred noong nag-camping sila dahil nawala na si Katlyn. Sa lahat ay ito lang ang walang ipinagbago. Natural pa rin ang mga batong nakapalibot dito na tila sinadyang hindi pakialaman ng may-ari ng lugar upang mapreserba ang kagandahan nito.

Ngunit ganoon pa man ay may malamlam na mga ilaw ang nakapalibot dito nang sa ganoon ay kita pa rin ang daan na kanilang tatahakin. Tanaw ang linaw ng tubig sa ilog at dinig ang lakas ng tunog ng lagaslas ng tubig sa falls. Ramdam din ang lamig ng simoy ng hangin na dumarampi sa kanilang mga balat.

"Doon tayo, Mahal!" turo ni Aldred sa dalaga nang makarating sa falls.

"Parang ang hirap namang puntahan niyon. Mabato." Hindi alam ni Liza kung paano nakatatawid ang mga tao sa kabilang puwesto ng falls dahil sa mabatong daan. Pero perpekto ang puwestong iyon para sa mga taong nagdi-date. Bukod sa kakaunti lang ang tao ay talaga namang tanaw ang kabuuan ng lugar.

"Dahan-dahan lang. Aalalayan kita," sabi ni Aldred.

"Oops," bulalas ni Liza nang matalisod sa nakausling bato. Ngunit hindi pa man din nakalalayo ang dalawa ay muntikan nang mahulog ang dalaga. Mabuti na lamang at nasalo niya ito.

"Are you alright, Mahal?" tanong niya sa dalaga ngunit tila ito wala sa sarili na nakatulala. Saglit na sumakit ang ulo at tila malalim ang iniisip.

"M-mahal?" sambit niya nang matauhan.

"Okay ka na?" tanong muli ni Aldred nang tawagin siyang mahal nito. Nakapagtataka man ang tono nito ay hindi iyon ang pinagtuunan niya ng pansin. Ang kaligtasan nito ang priority niya.

"O-okay lang." Nagpalinga-linga pa ito na tila pilit na inaaninag ang paligid. Mababakas ang takot sa mukha nito.

"Sigurado ka? Are you looking for something?" tanong pang muli ng binata nang makita ang pagkabalisa nito habang nagpapalinga-linga.

"Napagod lang siguro ako." Inalalayan siyang muli ni Aldred at matagumpay naman nilang nalampasan ang mabatong daan. Narating nila ang kabilang dako na halos iilan na lang ang tao. Marahil ay napagod na sa buong araw na paglalagalag.

"Ang ganda rito, Mahal." Napapaisip si Aldred. Kanina lang ay parang nakokornihan ito sa salitang iyon ngunit ngayon ay tila normal na sa kaniya ang tawagin siyang ganoon.

"Kaya nga. Gusto mo bang lumusong na?" tanong ng binata.

"Sige," agad na sagot naman nito. Agad na hinubad ng dalaga ang shorts na suot at ang hanging blouse nitong dilaw. Hinubad na rin nila ang kanilang mga sapatos. Suot niya ang bughaw na pares ng swimsuit niya at itim na boxers naman ang kay Aldred at sabay na lumusong ang dalawa sa dumadaloy na malamig na tubig na dulot na rin ng lamig ng gabi.

Hindi na matiis ng binatang hindi yakapin ang dalaga. Mula sa likuran nito ay niyakap niya ang kasintahan na kasasagot lang sa kaniya kani-kanina lang. Ngunit wala rin namang pagkakaiba dahil ito rin naman ang dapat na magiging kabiyak niya.

"Mahal," bulong ng binata sa kaliwang tainga ng dalaga na nakapagdulot ng kung anong kiliti rito. Dumaloy ang kuryente sa buong katawan ni Liza na animo ay nais siyang dalhin sa kung saan.

"Mahal," usal ng dalaga pagkaharap sa binata. Ramdam ng isa't isa ang init ng kanilang mga hininga sa lapit ng kanilang mga labi. At wala nang salita pang kailangang mamutawi sa kanilang mga labi. Sapat na ang pangungusap ng kanilang mga mata upang sundin ang nararamdaman.

Sa ikalawang pagkakataon ay naglapat ang kanilang mga labing sabik sa isa't isa. Pakiramdam ni Liza ay kay tagal niyang nawala kaya buong pananabik niyang nilasap ang tamis ng halik ni Aldred at ganoon din naman ang binata. Pakiramdam niya ay si Katlyn ang kaniyang kahalikan. Nang mahimasmasan ay biglang bumitiw si Aldred.

"Why?" agad na tanong ni Liza. Umiling naman ang binata.

"Wala 'to. Tara, balik na tayo. Baka lumalim na ang gabi." Nagtataka man si Liza sa ikinikilos ng binata ay tumalima na lamang siya. Hindi naman iyon ang unang beses na naglapat ang mga labi nila ngunit tila napaso ito at kusang tumigil. Naiiling na lang siya na umahon at muling isinuot ang blouse at shorts niya.

Hawak ang palad ng dalaga habang nakaalalay rito ay tahimik na naglakad si Aldred. Ang totoo ay nagi-guilty siya. Inaamin niyang si Katlyn ang nasa isipan niya habang ninanamnam ang bawat halik ni Liza sa kaniya. Alam niyang iisang tao lang ang mga ito. Ngunit pakiramdam niya ay nagtataksil siya sa mga ito.

"Hibang ka na, Aldred," usal ng binata.

"Hmm?" tanong ni Liza. Narinig niyang nagsalita ang binata ngunit hindi niya alam kung ano ang sinabi nito.

"A, wala naman. Bilisan na lang natin para makapagpahinga ka na." Tumango naman si Liza.

"May gusto ka bang kainin bago tayo magpahinga?" muling saad ni Aldred. Baka nagugutom na sila Liza.

"Siguro, magsandwich na lang tayo. Okay pa naman siguro ang dala natin," saad ng dalaga.

"Sige," sang-ayon naman ni Aldred. Alalay ang dalaga ay nagmadali silang maglakad pabalik sa kanilang tent.

Nang makabalik ay inihanda ni Liza ang dala nilang pagkain. Nagpaapoy naman si Aldred para sa bonfire nila. Pagkatapos ay walang imikan ang dalawa na pinagsasaluhan ang mga sandwich na dala nila. Nakikiramdam lang si Liza sa binata lalo pa at biglang nag-iba ang kilos nito kanina matapos siyang halikan nito.

"Suotin mo 'to," biglang sambit ng binata nang mapansing yapos-yapos ni Liza ang sarili habang nakatanaw sa apoy na nasa harapan nila.

"Pa'no ka? Malamig," nakatingalang tanong niya sa binata naglagay ng jacket sa likod niya.

"Okay lang ako," sambit nito sabay dukot ng makapal na tela sa loob ng tent.

"Puwede na 'to. Ito na lang sa 'kin," dugtong pa nito. Tumango na lang siya dahil alam niyang hindi naman ito papayag na ibalik niya ang jacket. Muli itong tumabi sa kaniya at naupo. Akala niya ay ito lang ang gagamit ng kumot ngunit nagkamali siya. Magkatabi silang nakaupo habang inilapat din ni Aldred ang kumot sa kaniya.

"Thank you," tanging sambit na lang niya. Halos ilang minuto rin silang tahimik na nakatitig sa apoy. Nang hindi na matiis ni Aldred ang iniisip ay isinalabi na niya ito.

"May sasabihin sana ako—," sabay na napahintong sabi ng dalawa. Hindi nila inaasahan na pareho silang may nais na sabihin.

"Mauna ka na," saad ni Aldred.

"Sige," tipid na sagot ni Liza. Tahimik muna siyang tumitig sa apoy habang nilalaro ang mga daliri sa kamay. Hindi niya alam kung dapat ba niyang sabihin o hindi ang bagay na iyon. Ngunit wala naman siyang dapat ipag-alala kung magsasabi siya rito. Dapat pa nga ay ikatuwa nito iyon.

"And?" pukaw ng binata sa katahimikan ni Liza. Hinawakan niya ang mga palad nito at humarap naman sa kaniya ang dalaga.

"Ikaw na lang mauna," sabi ni Liza. Naisip niyang hindi ito ang tamang panahon para sabihin ang tungkol doon. Kasasagot lang niya kay Aldred at bago lang sila. Natatakot siyang sumama ang loob nito.

"Sure ka?" usisa ng binata. Sa totoo ay ayaw pa sana niyang sabihin dito ngunit pakiramdam niya ay nagtataksil siya. Tumango naman ito sa kaniya kaya tumikhim siya para klaruhin ang lalamunan bago magsalita.

"You know how much I love you, right?" panimulang sabi niya. Matipid na ngumiti ang dalaga at tumango.

"Ayaw kong pag-isipan mo ako ng hindi maganda kaya gusto kong maging honest sa 'yo." Napakunot ang noo ni Liza. Tinatantiya kung ano ang ibig ni Aldred na sabihin. May dahilan ba para mag-isip siya ng hindi maganda?

"Okay," sambit ni Aldred at muli at tumikhim.

"I'm so sorry kung tahimik lang ako simula nang manggaling tayo sa falls. At sorry kung tumigil ako kanina sa pag-kiss sa 'yo."

Bahagyang namula ang pisngi ni Liza. Pakiramdam niya ay nag-iinit ang pisngi niya sa sobrang pagkapula. Alam niyang hindi iyon dahil sa apoy na nasa harapan nila. Naiilang siya sa topic na iyon dahil alam niya sa sarili niya kung gaano niya dinama ang mga halik na iyon.

"Are you okay?" tanong ni Aldred nang mapansin ang reaksiyon niya. Hindi man nito nahalata ang pamumula niya dahil sa apoy aa harapan nila ay napansin naman nito ang reaksiyon niya.

"Yup, I'm okay," sagot ng dalaga. Nagpatuloy si Aldred sa pagsasalita.

"I felt like I was cheating on you while kissing you because I was thinking of her." Napakagat ng labi ang dalaga. Natahimik naman si Aldred. Napansin na lang niya na tila nagpipigil ng tawa si Liza.

"Hindi ka galit?" usisa ni Aldred. Umiling naman ang dalaga.

"Hindi." Napapaisip ang binata kung bakit hindi man lang ito nagalit sa kaniya.

"Sure ka?" buong pagtataka pa ring tanong niya.

"Hindi nga. Bakit naman ako magagalit kung ako rin ang iniisip mo?" sagot nito.

"Sabagay—," sagot niya na napatigil din naman dahil sa pagkabigla.

"W-what do you mean?" balik na tanong niya rito. Hindi na napigil pa ni Liza na mapahalakhak nang tuluyan.

"I'm Katlyn, right?" Nakakunot ang noo ng binata na pinagmasdan ang dalaga.

"Naaalala na ba niya?" tanong niya sa sarili.

"Aren't you curious?" tanong ni Liza sa boyfriend niyang tila hindi pa rin makapaniwala sa sinabi niya.

"Alam mo na? Pa'no? Kailan?" sunod-sunod na tanong ni Aldred sa kaniya.

"What do you think?" Tanong lang din ang ibinalik niya rito. Naguguluhan man ay napahigpit ng hawak sa palad si Aldred sa dalaga. Ngunit hindi malubos ang nararamdaman niyang saya hanggang hindi nakukumpirma rito kung paano nito nasabi na siya si Katlyn.

"Ano nga?" Natawa na lang si Liza sa binatang tila naguguluhan.

"Alam kong ako si Katlyn. Matagal na..." saad niya rito.

"I'm just not ready yet to tell you everything," pagtatapat ni Liza. Mahirap sa parte niya ang magpanggap.

Pero noon pa man ay hindi talaga siya nagka-amnesia. Pinilit niyang kalimutan ang tunay niyang katauhan kapalit ng kaligtasan ng mahal niya. At noong lumipat si Aldred sa katabing bahay niya ay pinilit niyang pinanindigan ang kunwaring pagkakaroon ng amnesia. Gusto niyang magpanggap na ibang tao para lang maiiwas sa kapahamakan ang mahal niya.

"I'm sorry kung nag-pretend ako. Para sa kaligtasan ng lahat. Kung alam nilang naaalala ko na ako si Katlyn, baka pati ikaw ay mapahamak." Naiiling si Aldred. Paano kasi kahit siya ay nainis sa sarili niya noong unang makita niya si Liza.

Ayaw niyang tanggapin na iyon nga si Katlyn kaya pilit niya itong inaasar. Nais niyang malayo ang loob nito sa kaniya ngunit lalo lang lumalim ang nararamdaman niya rito. Hindi niya matanggap na hindi siya maalala ng dalaga. Pero sa kabilang banda ay gusto niya ring magtrigger iyon para maalala siya ito. Iyon pala ay nagpapanggap lang ito.

"Kailan pa?" Nagbago ang mukha ng binata. Hindi niya alam kung dapat ba siyang magalit sa dalaga. Pinoprotektahan lang naman siya nito ngunit masakit sa loob niya na pareho silang nagtiis dahil ayaw masaktan ang isa't isa.

"Since day 1." Nakatungo lang si Liza habang nagsasalita. Ayaw niyang harapin ang mga matang nakatingin sa kaniya.

"Ibig mong sabihin, hinayaan mo akong magmukhang tanga? Hinayaan mong tiisin ko ang nararamdaman ko?" Mahinahon ngunit puno ng sama ng loob na nagsalita ang binata.

Ano pa ba ang problema? Magagalit pa ba siya sa dalaga dahil sa pagpapanggap nito? Naiiling niyang hinakawan ang dalaga sa baba nito. Iniangat niya ang mukha ni Liza at marahang hinagkan sa labi.

"I'm not angry, I'm just hurt. All along I thought I was protecting you, but I'm wrong... Because it was you who's protecting me," sambit niya nang maghiwalay ang mga labi nila.

"I'm really sorry. I wasn't brave enough to tell you. Natatakot ako na maghiganti ka sa kanila. Everything was in order until kanina..." sabi pa ng dalaga.

"Nang matalisod ako, muling bumalik ang mga alaala na pilit kong kinalilimutan. Kung paano ako nakatakas sa kamay nila. And I'm thankful sa pamilya na kumupkop sa akin that time.

"Ramdam kong ang hirap ng naging sitwasyon mo, Mahal ko..." bakas ang awa sa mata ng binata.

"You're so brave. Thank you for surviving. Thank you for your courage." Hindi alam ni Aldred kung ano pang salita ang dapat niyang bitawan para sa katapangan at lakas ng loob na ipinakita ni Liza sa nangyari. Isang mahigpit na yakap kasabay ng pagtulo ng mumunting luha sa mga mata niya ay ang hikbi.

"Umiiyak ka?" Pag-aalala ni Liza. Ngunit alam niyang hindi iyon pag-iyak dahil sa kalungkutan kung hindi ay para sa kagalakan na muli ay nagtagpo na silang muli.

"I'm just glad at the same time proud of you, Mahal," saad ni Aldred habang pasinghot-singhot dala ng pag-iyak at dahil na rin sa lamig sa paligid.

Tunay na mahirap ang pinagdaanan ni Liza. Mula sa masamang kamay ng mga kaaway niya hanggang sa pagpapanggap na siya ay ibang tao. Ngunit dahil doon ay nanatili siyang malakas upang sa pagdating ng ganitong pagkakataon ay muli silang magkakasama ng mahal niya.

The End.

My Crazy NeighborTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon