Kinabukasan din, matapos ang mga sandaling pananatili nila sa campsite ay nagdesisyon na silang magtungo sa pamilyang kinilala ni Katlyn. Nang maaksidente siya sa falls at mawalan ng malay roon ay ang mga ito na ang nakita niya pagmulat ng mga mata niya. Mapalad siya sapagkat nauna siyang natagpuan ng mga ito bago pa man siya makita ng mga humahabol sa kaniya.
"Ate Kat!" Magkasabay na napalingon sina Aldred at Katlyn nang marinig ang hiyaw ng isang binata sa bintana ng isang bahay. Napangiti si Katlyn dahil sa nakita. Sa tagal niyang hindi nakauwi sa mga ito ay binata na nga si Carlo—ang itinuring niyang kapatid na naiwan ng mga magulang nito sa kinilala niyang pamilya sa loob ng ilang taon.
"Carlo, kumusta?" Abot tainga ang ngiti niyang makita ito. Nalilito naman si Aldred kung bakit kilala siyang Katlyn nito.
"Okay naman, Ate. Matagal ka nang hinihintay nina nanay at tatay na umuwi. Nag-aalala na baka kung napaano ka na. Iyon tuloy, pinasunod si Kuya Lloydie. Nagkita ba kayo?" sunod-sunod na sambit ng binatilyo.
"Hinay-hinay lang naman. Oo naman. Nagkita kami. Sa bahay nga siya nakatira." Napahinto sa pagsasalita si Katlyn nang mapansing titig na titig si Carlo kay Aldred.
"Alam ko na ang itatanong mo. Oo, siya si Aldred," nakangiting sambit ni Katlyn na animo ay kinikilig pa. Nakuha pa nitong isilid sa gilid ng tainga ang hinanging buhok.
"Mahal, si Carlo, kapatid na ang turing ko sa kaniya. Carlo, si Kuya Aldred mo," pakilala niya sa dalawa. Pinahid pa ng binatilyo ang kamay sa asul na damit nito bago kinamayan ang binata.
"Kuya!" Tuwang-tuwang hinawakan ang kamay ni Aldred nang kamayan siya nito. Sa dami ng magagandang bagay na ikinuwento ni Katlyn sa binatilyo ay sabik na sabik tuloy itong makilala si Aldred. At ngayon nga ay nangyari na ang matagal na nitong nais.
"Tara na nga. Baka magpakarga ka pa sa kuya mo." Napakamot na lang sa ulo si Carlo. Palabiro din kasi itong si Katlyn kahit na noong unang dating nito sa pamilya ni Carlo.
"Nasaan ba ang nanay at tatay?" usisa pa niya.
"Nasa likod-bahay. Nagpapahinga. Alam mo naman ang mga 'yon, ang hilig ay panoorin ang mga pananim nila. Akala mo naman ay lalayas." Natatawa na lang si Katlyn sa sinabi nito. Inakbayan ni Carlo si Aldred at sinabayan sa paglalakad. Kahit naiilang ay itinuring na rin niya itong kapatid dahil ganoon ang turing ni Katlyn dito.
"Nay! Tay!" tawag ni Liza sa dalawang matandang nakasandal sa haligi ng kawayang papag.
"Katlyn?" sabay na sambit ng mga ito at mabilis na bumangon sa pagkakasandal. Hindi alintana ang matanda nang katawan.
Nagyakapan ang mga ito. Bakas ang pagkasabik sa isa't isa. Akala nila ay tuluyan nang bumalik ang dalaga sa pamilya nito. Naguguluhan pa rin si Aldred kaya naman nang yakagin sila sa loob ng bahay ng mga ito ay agad na nagkuwento ang dalaga.
"I know na naguguluha ka. Pero katulad ng sabi ko sa 'yo. Hindi ako nagkaroon ng amnesia," muling paglilinaw ni Katlyn.
"Oo, anak. Tanda niya ang pangalan niya nang magising siya mula sa pagkakadulas doon sa batuhan sa falls." Sinegundahan iyon ng matandang lalaki na siyang sumagip dito.
"Pero... paano, I mean... Nakapagtrabaho siya sa Manila." Lito man ay naiintindihan ni Katlyn ang nobyo.
"Anak talaga nila si Elizabeth. Pero eksaktong araw na natagpuan nila ako e ang araw din na namatay siya..." Bakas ang awa ni Aldred sa mukha para sa matatanda. Ngunit tila naka-move on na ang mga ito. Marahil ay dahil sa pagdating ni Katlyn sa buhay nila.
"Pero hindi nila ako pinigilan na umalis o bumalik sa Manila. Sadyang ako lang ang nagpumilit na manatili hanggang sa naisip kong magtrabaho at gamitin ang identity ni Liza. Pumayag naman sina tatay at nanay." Tango na lang ang isinagot ni Aldred.
Malinaw na sa kaniya ang lahat. Kahit hindi na magkuwento pa si Katlyn ay alam na niya ang iba pang detalye lalo na ang tungkol kay Lloydie. Noong una ay pinagselosan pa niya ang binata. Akala talaga niya ay ito na ang bago ni Katlyn. Ngunit suportado siya nito sa mga plano niya.
Hindi nga lang pinayagan ni Katlyn si Lloydie na gawin ang bagay na iyon dahil magiging katulad na rin siya ng ugali ni Sarah kung gagawin nila iyon dito. Naalala pa niya noong unang magsabi si Aldred sa kaniya. Sinabi niya kaagad ito kay Katlyn.
"Ano'ng gagawin natin? Okay lang ba sa iyo na lumipat sa bahay niya? Baka mabuko ka?" saad ni Lloydie sa kaniya.
"Okay lang. Mas magtataka siguro 'yon kung hindi ako papayag. At hindi pa rin naman tayo magpapahalata. Tuloy pa rin ang plano hanggang sa mabuko ni Aldred si Sarah." Tumango naman si Lloydie rito. Wala kasing alam si Aldred sa ginagawa ni Sarah sa kaniya. Ayaw naman niyang magmukha siyang kontrabida at lumabas na sinisiraan niya ito rito.
"Sige," sagot ni Lloydie.
Noong una pa lang ay hindi na maganda ang trato ni Sarah sa kaniya. Ngunit pinilit niyang pakisamahan ito. Pero kahit na anong gawin niya ay hindi pa rin ito nagbago. Mas lumala pa nga. Hanggang sa humantong sa bagay na kinatatakutan niya—ang maging hadlang ito sa pagpapakasal nila ni Aldred.
Nang maikuwento na ni Katlyn ang buong pangyayari ay napanatag na siya. Wala na siyang itinatago sa binata. Natuwa naman si Aldred na maayos na inalagaan ng pamilya Garalde ang nobya niya. Lubos ang pasasalamat niya sa pamilyang ito.
"Kumain na muna tayo at baka hindi pa kayo nakapag-aagahan," sambit ng matandang babae na itinuring na nanay ni Katlyn.
"Nag-almusal naman, Nay. Kaya lang po ay na-miss ko ang luto mo kaya gutom na po ako." Nagkatawanan ang mga ito. Minahal na ni Alicia Garalde si Katlyn na parang tunay na anak at hindi bilang kapalit ng yumao nilang anak na si Liza. Masaya sila na maaga mang binawi ng nasa Itaas ang nag-iisa nilang anak ay may kapalit namang dalawa. Sina Carlo at Katlyn.
"Binola mo pa ang nanay. Siya sige. Kumain na tayo at nang makapagpahinga kayo." Nagsalo-salo ang lahat sa isang maliit na hapag.
"Ang sarap talaga ng pagkaing probinsiya. Sariwa at talagang matatamis ang bagong pitas na gulay," saad ni Katlyn. Ginataang talong, kalabasa at sitaw ang iniluto ng matandang babae.
"Siyempre naman. Ang tatay ang nagpatubo niyan," pagmamalaki pa ng nanay niya.
"Siya nga pala, hanggang kailan kayo rito? Hindi naman namin kayo pipigilang umalis at nang matuloy na ang inyong kasal. Kung gusto ninyo ay ituloy na ninyo rito at nang wala nang asungot," sabi ng tatay ni Katlyn. Natawa na lang siya rito at parang babae kung magsalita. Daig pa ang nanay Alicia niya.
"Puwede naman ho. Kung papayag ang anak ninyo," sambit ni Aldred at saka idinako ang paningin kay Katlyn. Sumilay ang kinikilig na ngiti sa labi ng dalaga. Naiisip pa lang niyang ikakasal na sila ay hindi na maalis ang kilig sa dibdib niya.
"Ano, anak? Tinatanong ka ni Aldred. Payag ka ba? Ipakakatay ko na ang tatlong baboy natin dito para naman magarbo ang handaan." Naisip na ng mga ito ang tungkol sa pagbabalik ni Katlyn at pagpapakasal kaya naman nag-alaga sila ng mga baboy sakaling matuloy na iyon.
"Pag-iisipan ko po, Nay, Tay. Hindi pa naman po siya nagpo-propose," malokong sabi ni Katlyn. Napakamot sa ulo ang binata. Hindi niya naisip na kailangan nga pala niyang mag-propose ulit. Ilang taon na ang nakalipas nang mangyari ang proposal niya at ang naudlot na dapat ay proposal niya ulit.
"Sabi ko nga," sagot ni Aldred at nagkatawanan ang mga ito.
Masarap at masaya kasama ang pamilyang ito. Puno ng biruan at tawanan. Game na game ang mga ito sa kulitan. Kahit si Carlo ay natatahimik na lang dahil hindi makasingit sa kakulitan ng nanay at tatay nila.
Nanatili sila ng halos ilang araw doon para makasama ang kinilala na niyang magulang niya. Sa Sitio Uno sila didiretso upang ipaalam kay Lloydie ang totoo at ganoon na rin sa best friend ni Liza na si Luisa.
BINABASA MO ANG
My Crazy Neighbor
Любовные романыSa tinagal-tagal ni Elizabeth sa Sitio Uno ay ngayon lang siya nakakita ng lalaking walang kasing abnormal na katulad ni Aldred. Wala nang ginawang matino ang abnormal niyang kapitbahay kung hindi ay buwisitin ang araw niya. Umulan man o umaraw ay h...