Ilang araw nang kinokontak ni Liza ang binatang si Aldred para makalipat sa bahay niyang muli. Ngunit pinapatayan lang siya nito ng telepono. Kaya naman hindi na niya ito muling tinawagan. Hindi niya alam kung ano ba ang nangyayari dito. At wala na siyang pakialam pa. Ang gusto lang niya ay makabalik sa bahay niya.
"Best, ano? Nakontak mo na na?" tanong ni Luisa sa kaniya.
"Hindi nga. Nakakainis na. Buhay pa ba 'yon?" Tinaasan lang siya ng kilay ni Luisa.
"Grabe ka naman sa naisip mo. Malamang buhay pa 'yon. Hindi naman nakamamatay ang pagtawag mo sa kaniya," saad nito sabay halakhak. Iba na naman ang naisip ng bruha.
"Ewan ko sa'yo. Ano nakikita mo pa ba 'yong van na puti?" Mabilis na napatungo sa bintana si Luisa para silipin iyon.
"Himala nga. Hindi." Tila hindi pa rin ito naniniwala na wala lang iyon.
"Kung ano-ano kasi naiisip mo. Baka may hinahanap lang ang mga iyon," saad ni Liza.
"Baka nga. Siya uuwi muna ako. Baka hinahanap na ako sa bahay. Sinasabihan na nga ako na tumira na lang dito dahil araw-araw naman daw ako rito." Natatawa pa ito sa naalalang sabi ng nanay niya.
"Puwede rin naman. Tutal, umagahan, tanghalian at hapunan mo, e, akin din naman." Tumayo si Liza at inihatid si Luisa sa pinto.
"Mag-iingat ka. Tawagan mo'ko kapag nakita mo ang puting van," paalala nito. Hindi pa rin nakamo-move on sa van.
"Sira. Sige na. Uwi na. Baka magmeryenda ka pa rito." Natawa na lang si Luisa.
Lumabas ito ng bahay at nakita nangwawalis si Sarah. Hindi ito nakatingin sa kaniya kaya hindi na lamang niya ito pinansin. Pagkatapos ay tuluyan nang lumabas ng gate. Nang lumingon siya sa babae ay nakita niyang sumisilip ito sa bakuran ng kaibigan.
Sa abandunadong ospital naman ay abala ang magkapatid sa pag-aasikaso ng mga kailangan nila. Ngayon ang tinatawag nilang D-Day. Handa na ang lahat at nai-ayos na nila ang dapat ayusin. Ang dalaga na lang ang kulang. Nang matanaw ni Pando ang kapatid ay tinatawag niya ito at nilapitan.
"Bulol, Tol, naihanda mo na ba ang van?" Tapik ni Pando sa nakababatang kapatid. Ilang linggo rin silang nagmatyag sa Sitio Uno at halos sa van na sila tumira para lang masiguradong plantsado ang lahat.
"Oo, Tol. Ako pa ba?" pagyayabang nito. Isang matinding batok ang lumanding sa ulo nito nang dahil sa sinabi.
"Tarant*do! Ganiyan din ang sinabi noong huli. Kaya nakatakas, e. Kung hindi ka ba naman gungg*ng. Pinagnasaan mo pa ang babaeng iyon. Sana ay wala na tayong problema ngayon," angil ni Pando.
"Ako lang ba? Ikaw rin kaya! Naglalaway ka na nga. Nakatulog lang iyong babae, e, hinubad mo na kaagad iyang pantalon mo." Nanahimik si Pando sa sinabi ng kapatid. Pareho silang may pagnanasa kay Katlyn. Plano talaga nilang pagsamantalahan ang dalaga kung hindi lang nakatakas ang isa.
Naalala pa niya kung paano sila nalusutan ni Katlyn noon. Pagkatapos nilang kunin ang dalaga sa hudyat ni Sarah ay dinala nila ito sa kubo. Pagmamay-ari ang kubo ng isang lalaking nahuli nga noong hinanap si Katlyn.
"Bulol! Bantayan mo muna ang isang 'yan," sambit ni Pando sa kapatid at iniwan ito. Mayroon kasi itong babaeng nakita sa may ibaba. Alam nilang kailangan lang nilang sirain ang mukha ng dalaga kaya hindi nila ito puwedeng galawin. Doon na lang sa babae sa ibaba siya magpapalipas ng pagnanasa.
Nang umalis si Pando ay naiwan si Bulol. Ilang araw na silang walang tulog kaya naman nakaidlip ito. Panatag ito dahil nakatali si Katlyn ngunit paggising nito ay wala na ang dalaga. Pagbalik ni Pando ay wala na ito. Hinanap nila ang babae pero hindi nila nakita.
Inabot sila ng umaga nang hindi natatagpuan ang dalaga. Nakita na lang nila ang kuwintas nito. At ang dugo sa batuhan. Kinuha nila ng kuwintas at ipinasuot sa babaeng nakilala ni Pando. Kasukat ni Katlyn ang taas niyon at ang kutis nito. Para na rin hindi mamukhaan ang babae ay nilagyan nila ng asido ang mukha nito.
"Ayos na 'yan. Hindi na mamumukhaan 'yan," saad ni Pando.
Ganoon man ang sinabi nito ay kabado sila na baka malaman ng pamilya ni Katlyn na hindi ito ang dalaga. Inalis nila ang damit ng babae at iniwan itong nakahubad. Babalikan sana nila ang katawan nito ngunit naabutan nila itong pinagsasamantalahan ng may-ari ng kubo. At kung paano nila napasuko ang lalaki sa ginawa nila ay sila lang ang nakaaalam.
"Hoy! Kumilos ka na! Tulala ka pa riyan!" bulyaw ni Pando sa tulalang si Bulol. Naiiling na lang ito sa naalalang mga pangyayari.
"Oo na!" sagot niya kay Pando. Pinaandar nila ang van at tinawagan si Sarah na kasalukuyang nasa Sitio Uno.
"Ready na kami. Kumusta ang target? Nandiyan ba?" tanong ni Bulol.
"Sabi ko sa inyo, ako ang tatawag," bulong ni Sarah sa kabilang linya. Kunwari ay nagwawala siya sa bakuran ngunit nagmamatyag lang naman ito sa kabilang bakod.
"Ang tawag mo kasing tumawag. Kanina pa kami nakahanda. Tutuloy ba tayo o hindi?" angil ni Pando.
"Tuloy nga, kuya." bakas sa mukha ni Sarah ang pagkainis sa dalawa. Ilang ulit na niyang ibinilin sa mga ito na tatawag siya sa tamang oras. Dahil kapag nagkataon ay pare-pareho silang mabubuking.
"Oy, anong ibinubulong-bulong mo?" Napitlag si Sarah at tumilapon ang telepono sa baldeng may tubig. Hindi niya alam kung narinig ba nito ang usapan nilang magkakapatid o hindi. Paano ay nakadikit ang tainga nito sa telepono.
"Buwisit!" Itinulak niya si Lloydie sa inis dahil sa pagkakahulog ng telepono niya.
"Ano bang pakialam mo kung bumubulong ako? Nahulog tuloy ang cellphone ko!" bulyaw nito sa binata. Napakamot naman si Lloydie na tarantang dinampot ang telepono sa balde.
"E, kanina pa kasi kita tinatawag tapos hindi mo'ko naririnig." Agad na inalis ni Lloydie ang casing ng telepono at pinunasan iyon ng basahan na nakasabit sa sampayan.
"Tse! Akin na nga 'yan!" Hinablot ni Sarah ang telepono at padabog na iniwan si Lloydie.
Pumasok ito sa loob ng bahay ay naupo sa sofa. Sinusubukang buksan ang telepono. Ngunit dahil sa puno ng tubig ang balde ay tila napasok na ng tubig ang loob ng telepono. Umulan kagabi at hindi pa nila nalilinis ang mga lagayan na napunuan ng tubig sa bakuran.
"Subukan kong buksan. O, ilagay kaya natin sa bigas?" sabi ni Lloydie ngunit napatigil siya nang maalalang wala na rin pala silang bigas. Bibili pa siya mamaya.
"Kaya lang wala palang bigas," sabi niya na napapakamot sa ulot.
"Pakialamero ka kasi! Sana kinalabit mo na lang ako!" Halos pasigaw ang bawat salitang lumalabas sa bibig ni Sarah sa sobrang inis. Hindi tuloy niya ma-kontak ang mga kapatid niya para sa next move nila.
Nang kunin iyon ni Lloydie ay basang-basa iyon kaya naman mukhang malabo nang gumana ang telepono nito. "May importante ka bang tatawagan? Gamitin mo muna 'to."
Iniabot niya ang telepono kay Sarah ngunit tiningnan lang siya nito mula ulo hanggang paa. Pagkatapos ay sinamaan ng tingin. Pakiramdam ni Lloydie ay lalamunin siya nito nang buhay kaya naman nilayuan na lamang niya ito.
"Sabi ko nga, ayaw mo." Napapakamot sa ulo na nagtungo ito sa kusina para magluto ng meryenda.
Sa kabilang bahay naman ay lumabas si Liza para bumili ng meryenda sa may kanto. Hindi na rin kasi dumaraan doon ang ale na nagbebenta ng turon at banana cue. Kung kailan gustong-gusto niyang kumain ng mga iyon ay hindi naman siya makabili.
Nasa may gilid na siya padaan sa shortcut nang may humigit sa kaniya at magtakip ng bibig niya. Mabilis ang mga pangyayari kaya naman hindi siya nakapalag dito. Matinding kaba ang lumukob sa dibdib niya. Pakiramdam niya ay nangyari na sa kaniya iyon.
Maraming bagay ang lumitaw sa isipan niya habang nakatakip ang bibig niya at hila-hila siya ng kung sino sa gilid ng eskinita. Nang magsalita ang lalaki ay bigla na lang siyang nawalan ng malay. Taranta naman ang lalaki na mabilis siyang isinakay sa sasakyan.
BINABASA MO ANG
My Crazy Neighbor
RomanceSa tinagal-tagal ni Elizabeth sa Sitio Uno ay ngayon lang siya nakakita ng lalaking walang kasing abnormal na katulad ni Aldred. Wala nang ginawang matino ang abnormal niyang kapitbahay kung hindi ay buwisitin ang araw niya. Umulan man o umaraw ay h...