Chapter 4 - Crazy Revenge

57 7 2
                                    

  Sa loob ng ilang buwan na paninirahan ng kapit-bahay niya roon ay naging magulo na ang nananahimik niyang buhay noon. Iyong tipong kapag uuwi siya ng bahay ay makapapasok siya nang panatag ang loob dati at kapag aalis naman siya ay makalalabas siya nang malaya.
   
  Ngunit hindi na ngayon. Naalala na naman niya ang araw na dumalaw ito sa bahay niya. Hindi rin niya maintindihan kung bakit aliw na aliw si Luisa rito habang siya naman ay inis na inis sa lalaking ito. Feeling guwapo pa at akala mo naman ay siya lang ang lalaking kilala ng dalaga sa buong mundo.
 
  "Hi, Pretty!" baling na saad ni Aldred sa best friend ni Liza.
 
  "Ikaw na nga lang ang kakausapin ko. Ang suplada kasi ng my loves ko e." sabi pa nitong muli sabay kindat pa kay Luisa.
 
  At ang kerengkeng namang best friend ni Liza ay parang kinikiliting bulate. Nakalimutan na kaagad nito ang inis sa binata nang isnabin ang beauty nito. Bahagya pa nitong inipit ang nakalugay nitong buhok na lumilipad sa pisngi niya papunta sa kaniyang tainga. Akala mo ay isang dalagang Pilipina.
   
  "Sure-sure, pasok ka," agad na sabi naman ng bruha at pinapasok ang lalaki sa bahay niya na akala mo ay ito ang may-ari. Naalarma naman si Liza at mabilis na sinita ang best friend niyang lukaret.
   
  "Luisa! Excuse me lang ha, bahay ko 'to?" napapamaang na sambit niya. Pero wala namang pakialam ang isang iyon at tuloy-tuloy pa ring pinapasok ang binata kahit na pinandilatan na niya ito ng mga mata. Mayamaya ay muli niya itong sinita nang makapasok na sa bahay at pinantayan niya ito ng tayo.
   
  "Bakit mo pinasok ang lalaking iyan sa pamamahay ko?" angil niya rito ngunit tinaasan naman siya ng kilay ni Luisa at sumagot.
   
  "Bahay ni tita 'to, best," kontra nitong sabi sa kaniya kaya naman inis na inis siya sa sagot ni Luisa.
 
  Kulang na lang ay sabunutan niya ito sa tigas ng ulo. Bahay nga ito ng tita ni Luisa pero nagbabayad naman siya ng upa. Sa halip na awatin ito ay nanahimik na lang siya. Minsan talaga ay may pagka-abnormal ang kaibigan niya katulad ng binata.
   
  "May dala nga pala akong pang nilaga. Wala kasi akong kasama sa bahay kaya kayo na lang ang sasamahan kong mag-lunch," saad nito sabay taas sa plastic na kanina pa pala nito hawak. Mukhang nag-jogging pa yata ito dahil nakasuot pa ito ng jogging pants at hooded sweat shirt.
   
  "Ay nice! Ang sweet mo naman. Nagdala ka pa ng food. Tara lutuin na natin!" masiglang sabi ni Luisa. Agad na kinuha ang plastic na dala nito at walang kiyemeng hinawakan ang kamay nito at hinatak patungo sa kusina.
 
  "At magaling! Nakituloy na makikiluto pa?" bubulong-bulong na saad pa niya sa sarili. Wala na siyang magawa pa kay Luisa at alam niyang hindi paaawat ang isang iyon sa kaniya.
 
  Tiningnan na lang niya ang dalawa na papunta ng kusina. Pero bago pa man makalampas ang binata at pumasok sa kusina ay kinindatan siya nito. Ang busangot niyang mukha ay lalong lumukot dahil sa pag-inis sa binata. Alam naman ng binata na nag-aapoy na sa inis si Liza at tagumpay na naman siya sa pambubuwiset dito.
   
  "Buwiset!" sigaw niya rito. Padabog na sumunod siya sa kusina para bantayan ang dalawa dahil baka maging disaster ang kusina niya sa mga pakialamerang mga buwiset-a.
   
  Pinagmasdan lang niya ang dalawa na kumilos sa kusina ng bahay niya. Habang nakatayo siya at nakahalukipkip na nakasandal sa pintuan ng kusina ay abala naman ang dalawa sa paghihiwa ng mga gulay na isasahog sa nilaga. Baboy ang nakita niyang dala nito na kasalukuyan nitong hinihiwa at patatas naman ang kay Luisa.
   
  "Manigas kayo riyan. Hindi ako tutulong sa inyo. Kusina ko kaya ang ginagamit niyo at mga gamit ko." pagmamatigas niyang saad sa isip. Hindi niya maiwasan ang mapangiwi sa pagbobolahan ng dalawa habang naghahanda ng iluluto.
   
  "Pretty, pasuyo naman ng repolyo nang mahiwa ko na," pakiusap na sabi ni Aldred sa dalagang katabi. Agad naman iyong iniabot ni Luisa na tila inaasinang bulate na naman.
   
  "Here, pogi," sambit naman nito sabay abot ng repolyo. At nangunot ngang lalo ang noo ni Liza at aktong naduduwal pa dahil sa kilabot na nararamdaman sa pagbobolahan ng dalawa.
   
  "Kadiri niyong dalawa!" singhal niya sa mga ito pagkatapos. Nadidiri siya sa tawagan ng mga ito na pretty at pogi.
 
  "Heh! Selos ka lang kasi tinawag akong pretty ni pogi," belat na sabi ni Luisa na parang bata kung umakto. Lalong nangilabot naman siya sa sinabi nito.
 
  "Ako? Magseselos? No way!" sigaw na sabi ng utak niya. Mayamaya ay naglakad siya palapit sa mga ito at nagtungo sa likuran ng dalawa. Bahagyang sumandal sa gilid ng ref.
   
  "Bakit kasi kailangang dito ka pa magluto? Wala ka bang kusina sa bahay mo? Pagkakaalam ko e same lang naman ng structure ang bahay ko sa bahay mo," angil ni Liza na hindi pa rin mapakali kung bakit nga ba kasi nakikiluto ang isang ito sa kusina niya. Napahinto naman si Aldred sa paghihiwa ng repolyo at isinandal ang puwetan sa may sink. Tinitigan siya nito habang nakahalukipkip.
   
  "Alam mo talaga, a. Palibhasa nakita mo na e," sambit nito na agad naman ikina-react ni Luisa. Bumilog ang bibig nito at napatutop pa sa bibig bago nagsalita.
 
  "Oh my gosh, best? Nakita mo na?" buong gulat na tanong nito na agad naman nagpalakas ng tibok ng puso niya. Pakiramdam niya ay lalagnatin siya sa init na dumaloy sa mukha niya.
   
  "Buwiset na lalaki 'to! Ibubuko pa yata ako," sigaw ng isip niya habang pinandidilatan ng mga mata ang binata. Hindi man sila magkasundo nito ay tila nakuha naman kaagad ni Aldred ang ibig niyang iparating.
   
  "For sure nakita na niya. Ikaw ba? Hindi mo pa nakita? Hindi ka pa nakapasok sa bahay na iyon bago paupahan?" sabi ni Aldred. Napa-hinga naman nang malalim si Luisa na animo'y may isang sikretong nabunyag kanina sa lalim ng paghinga nito.
   
  "Ay oo nga pala. Nasilip ko na iyan nang dumalaw ako kay tito before," sagot nito. At sikretong napa-hinga rin naman nang malalim si Liza dahil sa paliwanag ng binata. Ang akala niya ay mabubuko na siya dahil sa kalokohan ng binata. Napaisip din naman siya sa ginawa nito na pagtago ng katotohanan kay Luisa.
   
  "Diyan na nga kayo. Maliligo pa 'ko," pagdadahilan niya sa dalawa. Ang totoo ay ayaw na niyang mag-stay pa sa kusina dahil baka mabuko na siya sa katangahan niya nang gabing iyon. Nagpaalam na siya sa mga ito na maliligo at iniwan ang dalawa.
  Abala naman ang dalawa sa pagluluto ng nilaga at hinayaan na si liza na maligo.
 
  Malambot na ang baboy lahat-lahat ay hindi pa rin bumabalik si Liza mula sa pagligo nito. Inalis muna nito ang mga bula-bula sa ibabaw ng nilaga. Isinunod na ng binata ang sibuyas at paminta. Nilagyan na rin niya ito ng asin para sa pampalasa. At isinabay ang patatas para lumambot na. Ilang minuto pa ay dumating na rin si Liza na nakasuklay na.
   
  "Ang bango na ng my loves ko, a. Hmm," sabi nito na animo'y sininghot pa ng binata ang halimuyak ng sabon ni Liza. Hindi ito mahilig magmakeup dahil pulbo at lipstick lang ang gamit nito at lalong wala itong inilalagay kung hindi naman aalis ng bahay.
   
  "Tseh! Baka matangay mo ako sa ilong mo kasisinghot," reklamo niya at saka naupo sa silya sa may mesa.
   
  "Ayan, pogi. Kumukulo na. Lagay na natin ang repolyo!" excited na sambit ni Luisa. Amoy na amoy na rin ni Liza ang nilaga at ang traydor niyang tiyan ay nagpaalala na gutom na siya. Agad namang ngumisi ang binata rito at ganoon din naman si Luisa.
   
  "Don't worry, my loves. Malapit na itong maluto," tatawa-tawang sabi nito nang marining ang tunog ng tiyan niya.
 
  "Oo nga, best. Tikman mo ang luto namin," pagmamalaking saad ni Luisa. Nagsusumigaw naman ang tiyan niya na para bang hinahatak siyang tikman iyon.
   
  Naalala niya na hindi nga pala siya nag-dinner dahil nabusog siya sa late na meryenda niya kahapon. Napansin niyang pinatay na ni Aldred ang apoy kaya alam niyang luto na ito. Nakita naman niyang tinikman na ito ni Luisa at mukhang sarap na sarap ito.
   
  Dumako ang kaibigan niya sa ref para kumuha ng malamig na tubig na ititimpla sa juice. Puno ang pantry niya ngayon dahil namili sila kahapon ni Luisa. Kaya naman alam nito kung saan nakalagay ang lahat ng pinamili dahil ito ang halos nagligpit ng mga iyon.
   
  Bilib din naman siya sa best friend niya. Kahit madalas silang mag-asaran ay very close pa rin sila na halos magkapatid na ang turingan nila. Kung papayagan nga lang ito ng mga magulang nito na magsolo na ay magkasama silang titira sa bahay na iyon.
   
  "Gusto mong tikman?" lumapit si Aldred sa kanila habang abala siya sa panonood kay Luisa sa pagtitimpla ng juice. Nanibago naman siya sa binata.
 
  Akalain mong inalok pa siyang tikman ang niluto nito nang walang pambubuwiset na nagaganap. Duda man siya ay tinanggap pa rin niya ang kutsara. Nakaabang naman ang binata sa kaniya habang inilalapit niya ang kutsarang may sabaw. Halos mapalundag siya nang dahil sa natikman.
   
  "Ang alat!" sigaw niya nang malasahan ang sabaw.
 
  At naubos pa niya ang laman na sabaw sa kutsarang iniabot ni Aldred sa kaniya. Maubo-ubo siya sa alat niyon. Dali-dali niyang nilagok ang juice sa pitsel na katitimpla lang ni Luisa. At nang matapos uminom ay halos mangalahati ang laman nito nang maibaba niya.
   
  "Buwiset kang lalaki ka! Susunugin mo yata ang atay ko! Anong klaseng ulam 'yan? Nilagang asin na may sahog na gulay at baboy?" halos mapaos ang boses na sabi niya sa binata.
 
  Gumuhit ba naman ang alat sa lalamunan niya at samahan mo pa ng sobrang lamig na juice matapos niyang uumubo nang umubo. Bakas ang pamumula sa mukha sa inis niya sa binata. Dali-dali namang tinikman ni Luisa ang nilaga dahil sa nangyari at tumango-tango.
   
  "Okay naman, a. Eksakto lang ang alat," saad ni Luisa habang ninanamnam ang sarap ng sabaw. Kumunot naman ang noo ni Liza sa binata at agad na tinikman ang nasa kaserolang ulam. Tamang-tama lang nga ang lasa niyon at eksakto lang ang alat.
 
  Hindi nakapagpigil ang dalaga sa inis sa binata kaya ibinato niya rito ang kutsarang hawak. Hindi naman magkandaugaga ang binata sa pag-iwas. Muntik na tumama ang kutsara sa ulo ng binata. Mabuti na lang at mabilis itong nakaiwas. Kung tumama iyon ay tiyak na bukol ang abot nito.
   
  "Buwiset ka talagang abnormal ka at pinagtrip-an mo na naman ako!" gigil niyang sabi rito.
 
  Hindi naman makalabas mula sa pagkubli sa pinto ang binata dahil hindi pa nauubos ang kutsara at tinidor sa lagayan ng plato ng dalaga. Baka ma-suwerte-han siya at matamaan kapag lumabas siya roon. Hindi niya mapigilang matawa sa ginawa niya kanina.
   
  Habang abala sina Luisa at Liza kanina sa pagtitimpla ng juice ay pasimpleng naglagay ng isang kutsarang asin ang binata at saka hinaluan ng sabaw ng nilaga. Pagkatapos ay inalok si Liza na tikman iyon.
 
  At ngayon nga ay halos mamilipit sa katatawa ang binata habang nanlilisik ang mga mata ni Liza sa kaniya. Naiiling na lang si Luisa dahil sa kalokohan ng kapit-bahay ng best friend niya.
   
  Natatawa pa rin si Aldred dahil sa isa na namang successful na prank ang nagawa niya sa babae. Hindi rin naman niya malaman sa sarili kung bakit gustong-gusto niya itong asarin. Pakiramdam niya ay isang achievement ang maasar ang isang Elizabeth na katulad ng kapitbahay niyang suplada.
 
  Hindi rin naman kumpleto ang araw niya kung hindi ito maiinis sa kaniya. Ngunit kailangan na niyang maghanda dahil tiyak na gaganti ito sa kaniya. Kung paano? Hindi niya alam. Pero kailangan niyang maging alerto.

My Crazy NeighborTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon