Kahit pa inisip ni Liza na karma lang sa binata ang nangyari dito ay hindi pa rin niya maiwasang isipin si Aldred. Sa bawat sulok ng kuwarto niya ay ang pasang mukha nito ang naaaninag niya. Pumasok na yata sa sistema niya ang binata. Kulang na lang ay aminin niya sa sarili na concern nga siya rito.
Halos mag-uumaga na nang makatulog ang dalaga. Isang oras bago mag-alarm ang telepono niya para sa paghahanda sa pagpasok niya sa trabaho. Iniunat niya ang mga paa at kamay. Isang mahabang paghikab ang ginawa niya bago naupo sa kama.
"Umaga na," usal niya na pikit pa ang isang mata na inaaninag ang sikat ng araw na pumupuslit sa kurtina ng kaniyang binata. Nang may maalala ay dagli itong tumungo sa balkonahe para silipin ang kabilang bahay. Eksakto namang lumabas ng pinto si Aldred at napalingon sa balkonahe niya.
"Shocks!" sambit ni Liza sabay kubli sa poste ng balkonahe.
"Nakita niya kaya ako?" bulong niya sa sarili. Kung bakit ba naman kasi kasabay ng pagsilip niya sa may pintuan nito ang siyang paglabas naman nito sa pinto. Muli niyang sinilip ito na kasalukuyang nakaupo sa harap ng bahay at nagkakape. Isang himala na kahit na sigurado siyang nakita siya nito ay hindi siya nito inasar.
Humigop ng kape si Aldred at nakatitig sa kawalan. Seryoso ang mukha nito. Pinagmasdan naman ng dalaga ang mukha nito at nakita niyang may band-aid na ito sa gilid ng labi. Marahil ay ginamit nito ang kit na iniwan niya. Ngunit saglit lang ang pagngiti niya sa nakita nang maalala niya ang kit.
"Shoot!" Halos mamula ang pisngi niya sa pagtampal-tampal niya rito. Napapapikit pa sa katangahan niya. Naalala niya na may nakasulat sa labas ng kit na pangalan niya. Muli niyang sinilip ang binata at nang tingnan niya ito ay nagtama ang mga mata nila. Hindi niya alam kung ilang minuto na itong nakatingin sa kaniya.
"Liza! Salamat." Naestatwa siya nang marinig niyang sambitin nito ang pangalan niya sa unang pagkakataon na hindi siya nito inasar.
"P-para saan?" maang na tanong niya rito.
"Basta. Salamat." Hindi siya nito inasar at sa halip ay maayos itong nagpasalamat. Pagkatapos niyon ay pumasok na ito sa loob ng bahay.
"Bastos talaga, tinalikuran ako," angil niya habang nakatingin pa rin sa kaninang kinaroroonan ng binata. Mayamaya ay narinig niyang tinawag siya ni Lloydie.
"Elyang! Kakain na. Gising ka na ba?" Agad siyang napabalik sa kuwarto upang silipin ang orasan.
"Late na ako!" sigaw ng isip niya.
"Buwiset na lalaking iyon kasi!" Padabog na bumaba siya ng hagdan dala-dala ang inis sa binatang si Aldred.
"Gising ka na nga," sabi ni Lloydie habang nakangiti dahil tama ang hinala niya nang marinig ang pagkilos nito sa itaas.
"Hindi nga ako nakatu—," sambit ni Liza na agad din namang napatutop sa bibig at hindi itinuloy ang sasabihin.
"Bakit naman hindi ka nakatulog?" seryoso ang mukha na tanong ni Lloydie. Although alam niyang lumabas pa ito kagabi dala ang first-aide kit. Nang silipin niya ito ay nagtungo ito sa kabilang bahay.
"Huh? Hindi, a. Ang sarap nga ng tulog ko. Tingnan mo ang mata ko. Mukha bang puyat?" Halos idukdok ni Liza ang mukha niya sa mukha ni Lloydie. Napalunok naman ang binata sa ginawa niya. Ito na ang kusang lumayo dahil baka kung ano pa ang magawa niya rito.
"Oo na. Ikaw na ang may pinakamagandang tulog sa lahat. Lika na. Kain ka na at late ka na," alok ni Lloydie sa dalaga. Agad naman niyang nilingon ang mesa at mukhang masarap ang mga inihain nito.
"Wow! Itlog na maalat, daing at kamatis na may sibuyas." Nanlalaki pa ang mga mata nito habang dali-daling lumapit sa mesa at naupo.
"O, 'di ba? Breakfast Ala Probinsiya. Na-miss mo?" Nakangiting nakatingin si Lloydie habang pinagmamasdan ang dalagang nasa harapan na tila takam na takam na sa almusal.
"Thanks, Loy! You're the best!" Pagkasabi nito ay agad na sinunggaban ang pagkain. Nalimutan na nito na late na siya sa trabaho. Lumapit na rin sa hapag ang binata para kumain. Maganang kumain ang dalawa at ninamnam ang sarap ng almusal kapares ng mainit na kape.
Natapos namang magbihis si Aldred at tutungo na siya sa coffee shop niya. Naka-brush up ang buhok na naka-gel at suot ang bitin na pantalong abuhin. Naka-long sleeve at brown na sapatos. Iyan ang kapares ng uniporme ng staff niya sa shop.
Ilang minuto rin ang ginugol niya sa biyahe bago nakarating sa shop. Lahat ay nakatingin sa kaniya pagpasok pa lamang niya roon. Naka-set na ang lahat katulad ng dati at may mga tao na rin doon para magkape. Nang makita siya ng kaniyang assistant ay agad itong lumapit.
"Good-coffee morning, boss!" Masarap ang ngiti na bumati ito sa kaniya ngunit nawala rin ang saya sa labi nito nang makita ang band-aid sa mukha ng binata.
"Gosh! Anong nangyari sa'yo, Sir?" Hahawakan na sana nito ang band-aid nang umiwas si Aldred.
"Wala ito. Kumusta ang lahat? Ang delivery dumating ba? Ang mga istante naka-restock na ba?" Sunod-sunod ang tanong nito. Padabog namang sinundan siya ng assistant niya sa stock room. Kahit kailan talaga ay umiiwas ito kapag may mga napapansin silang bago rito.
Hindi lang unang beses nangyari ang bagay na ito sa binata. Pumasok ito sa trabaho noon na may black-eye. Hindi rin sila sinagot nito kahit pa nakailang tanong na sila. Kahit matagal na silang empleyado nito ay hiwalay ang personal nitong buhay sa trabaho. Ang alam lang nito ay single ito pero hindi ready to mingle pero palabiro.
"Yes, Sir. Dumating na ang delivery. Nakapag-restock na rin. Maayos naman ang lahat. Coffee, Sir?" alok nito sa kaniya.
"No, thanks. I had one at home earlier," sagot niya rito. Matapos i-check ang lahat ay nagtungo na ito sa loob ng opisina.
"May kailangan pa po kayo, Sir?" Paupo pa lang ito nang tanungin nito si Aldred ngunit mabilis na sumagot ang binata.
"You may leave," sabi niya. Nakangusong lumabas ito ng opisina sa pagkadismaya. Kadalasan kasi ay naroon lang siya sa opisina nito upang i-discuss ang sales report. Pero alam naman niyang mamaya pa ang latest report.
"Katlyn," napasandal sa upuan na sambit ni Aldred. Okay na siya nang mga nakaraang araw, linggo at buwan. Ngunit nang magpakita si Sarah ay naiisip na naman niya sa Katlyn. Napapikit siya sandali ngunit sa halip na si Kat ang lumabas sa kaniyang balintataw ay si Liza ang nakita niya.
"L-Liza?" kunot ang noong sambit niya na napamulat ng mga mata.
Naguguluhan siya kung bakit si Liza ang lumabas habang iniisip niya si Katlyn. Kung sabagay ay may hawig nga si Liza kay Katlyn minus the pilat sa pisngi ni Liza. Bakit nga ba hindi niya kaagad napansin? Kung sabagay ay pilit niyang kinakalimutan si Katlyn simula nang mamatay ito sa aksidente.
Si Katlyn na kaisa-isang babaeng minahal niya. Babaeng sana ay magiging kabiyak niya ngunit hindi natuloy nang dahil sa pagkamatay nito. Natauhan na lamang si Aldred sa pag-iisip nang kumatok ang assistant niya sa opisina. Umayos siya ng upo saka ito pinapasok sa loob.
"Sir, may naghahanap po sa inyo." Napakunot ang noo ni Aldred. Sino naman ang maghahanap sa kaniya? Bukod sa walang nakakikilala sa kaniya roon ay wala naman siyang appointment sa kahit na sino. Lalong bumakas ang mga guhit sa kaniyang noo nang lumaki ang awang ng pinto at iluwal nito si Sarah.
"What are you doing here? Hindi ka na ba talaga titigil?" Matalim ang mga matang tingin niya rito. Halos mahintakutan ang assistant niya nang makita nag panlilisik ng mga mata nito. Sa unang pagkakataon ay ngayon lang niya nakitang ganito ito.
"You may leave," sambit na baling niya sa assistant niya.
"Y-yes, Sir!" Tarantang sumagot ito at dali-daling lumabas ng pinto. Nakahalukipkip naman si Sarah na nakatingin sa kaniya.
"Kuya naman," nagpapapadyak na sabi nito sabay upo sa upuan na nasa harapan ni Aldred.
"I told you, I don't want to see you." Hindi nagbabago ang ekspresyon ng mukha ni Aldred. Matalim pa rin ang mga mata nito na animo'y kayang lumapa ng tao sa isang iglap.
"Kuya, please. Matagal nang nangyari ang lahat. And you even say na it's not my fault. Pero bakit damay pa rin ako sa galit mo? Bakit hindi mo matanggap na wala na siya?" Suminghot ito upang pigilin ang nagbabadyang luha sa mga mata nito.
Totoo naman ang sinabi ni Sarah. Malinaw na sinabi ni Aldred na wala siyang kasalanan. Ngunit hanggang ngayon ay tila dala pa rin niya ang bigat ng galit nito. Ang tanging ginawa lang naman niya ay unahin ang sarili niya para makaligtas. Kasalanan ba niyang iwan si Katlyn?
"Leave, Sarah," maawtoridad na utos ni Aldred.
"Kuya," sabi nito na ayaw pa ring iwan ang binata.
"I said leave!" Hinampas nito ng dalawang palad ang ibabaw ng mesa nito at tumayo pagkatapos ay tinungo ang pinto upang buksan.
"Leave. Bago ko pa makalimutan na kapatid kita." Kagat ang labi na pigil ang paghikbing lumabas si Sarah mula sa opisina ng binata. Umiwas naman ng tingin ang mga empleyado na kanina ay hindi maalis ang mga mata sa pintuan ng opisina ng boss nila.
Nang makaalis si Sarah ay agad na isinara ng binata ang pinto at muling naupo. Muling hinampas ang ibabaw ng mesa. Pagkatapos ay itinukod ang siko nito roon. Sinakop ng mga palad ang maliit na mapangang mukha niya. Umalpas ang mga luha sa mga mata nito na tila ayaw nang tumigil.
Paano ba niya malilimutan ang mga nangyari? Paano ba niya matatanggap na wala na si Katlyn? Ngunit paano niya maipaliliwanag ang nararamdaman niya kay Liza ganoong okupado pa rin ni Katlyn ang puso niya? Kailan niya tatanggapin nang lubusan na wala na ito at walang kasalanan si Sarah?
BINABASA MO ANG
My Crazy Neighbor
RomanceSa tinagal-tagal ni Elizabeth sa Sitio Uno ay ngayon lang siya nakakita ng lalaking walang kasing abnormal na katulad ni Aldred. Wala nang ginawang matino ang abnormal niyang kapitbahay kung hindi ay buwisitin ang araw niya. Umulan man o umaraw ay h...