"Best, wala ka bang napapansin sa labas?" tanong ni Luisa nang mapasilip sa bintana ng bahay ni Liza. Noong nakaarang linggo pa niya napapansin ang puting van sa labas ng gate nila. Malapit lang ito sa bakanteng lote na pinagtataniman ng mga ampalaya ng kapitbahay.
"Ano naman ang dapat na mapansin ko?" Kanina pa hindi magkandaugaga si Liza sa pagliligpit ng gamit niya. Ilang araw nang nakatira si Sarah sa kabilang bahay. Naisip niya na wala naman nang dahilan para manatili siya sa bahay ni Aldred ganoong naroon din naman ang babaeng tinataguan ng binata.
"Hindi mo ba napapansin ang van. Halos araw-araw ay parang hindi umaalis 'yan." Tila nangilabot pa ito sa sinabi.
"Alam mo, best? Kanonood mo 'yan ng balita tungkol sa dukot-dukot. Ang hilig mo kasing manood ng mga ganiyang mga crime cases. Tigil-tigilan mo na 'yan. Mamaya kung sino pa ang mapahamak sa paghihinala mo ng mali." Umarko naman ang kilay ni Luisa sa kaibigan.
"Agad-agad? Hinala agad? Sabi ko lang naman, noong isang linggo ko pang nakikita ang van na 'yan. Wala naman akong sinabi na kidnappers sila." Ngumuso pa ito at humalukipkip habang tinitingnan pa rin ang van sa labas.
"O, e, ano pala ang ibig mong iparating sa sinabi mo? At sa tagal nating nakatira dito e wala pa namang na-kidnap dito," pagpapaliwanag ni Liza.
"Iyon na nga. Sa tagal din nating nakatira sa lugar na ito, e, first time mong manakawan. Mabuti na lang at tinulungan tayo ni pogi na mahuli ang nagnakaw at naibalik ang nanakaw sa'yo. Suwerte mong nilalang." Napataas ang boses ni Luisa sa pagkontra ng dalaga sa kaniya.
May point naman ito. Walang imposible na ma-first time-an sila ng kidnappers. Iba na ang nag-iingat. At hindi uubra sa kaniya ang kung sino mang magtangkang kidnap-in siya. Bukod sa lagi siyang may nakahandang pepper spray ay alam niya ang mga self-defense kapapanood niya ng mga iyon. Huwag lang siyang ma-e-estatuwa.
Ngunit hindi pa naman niya nasubukan kanino man ang mga depensang iyon. Totoo rin naman na wala pang nangyayaring ganoon sa lugar nila. Kaya naman panatag sila na safe ang lugar nila. Maliban na lang sa magnanakaw na oportunista. Ayon dito ay hindi naman niya gawain ang magnakaw. Sadyang naakit lang siya dahil nakabukas ang bahay nito.
Totoo man o hindi ang dahilan nito ay may kasalanan din si Liza. Walang magnanakaw kung walang magpapanakaw. Kaya naman napaka-importante na siguraduhing naka-lock ang pinto ng bahay at gate para walang ma-tempt na gumawa ng masama. Ngunit ang kasalanan ni Liza na hindi paniniguradong naka-lock ang bahay ay hindi puwede i-justify ang paggawa ng masama katulad ng pagnanakaw.
Nang mapansin ng dalawang lalaking nakasakay sa van na nakasilip sa kanila ang babaeng bisita ng dalagang minamatiyagan nila ay pinaandar na nila ang sasakyan at umalis. Nakahinga naman nang maluwag si Luisa nang mawala na ang sasakyan. Ngunit ang babaeng kausap niya ay abala pa rin sa pag-aayos ng gamit.
"Sure ka ba na babalik ka sa bahay mo? Nakausap mo na ba si pogi?" usisa ni Luisa rito habang nakatingin kay Liza.
"Hindi nga ma-kontak. Simula nang tumira si Sarah sa kabilang bahay ay hindi pa umuuwi si Aldred,' saad ng dalaga na tila dismayado na hindi nagpaparamdam o hindi man lang nakikita. Napangisi nang bahagya si Luisa.
"Ano'ng nakakatawa?" kunot ang noong tanong ni Liza sa kaibigan. Mukhang may naisip na naman itong kalokohan.
"Wala naman," sagot nito ngunit nakangisi pa rin.
"Para kang tanga!" singhal ni Liza sabay bato ng unan dito.
"Aray ko!" Hihimas-himas sa braso na umiwas si Luisa. Natatawa siya rito dahil bihirang-bihira nitong tawagin sa pangalan ang binata. Ngayon ay parang normal na lang dito ang pangalan ni Aldred. At isa pa ay tila ba miss na nito ang binata.
"Hindi ka ba titigil ka-ngi-ngiti?" iritableng niya rito.
"Hindi. Aminin mo, miss mo na siya 'no?" sagot naman ni Luisa kaya umangat ang gilid ng pang-itaas na labi ng dalaga. Inismiran niya ito.
"Miss ka riyan," buong tanggi ni Liza. Ngunit hindi naman tumigil sa pang-aasar si Luisa.
"Yieee! Nami-miss! Aminin!" sabi pa nito na lalong ikinainis ni Liza. Hindi niya aaminin na nami-miss niya ito. Ayaw niya. Binato ito ng dalaga kung ano man ang madampot ito. Halakhak na ang sumunod na reaksiyon ni Luisa sabay takbo palabas ng bahay.
"Uwi na 'ko!" sigaw pa nito. Iniwan niya si Liza at nanakbo pauwi ng bahay.
Ilang hakbang na ang nagagawa niya nang makaramdam siya ng kakaiba. Para bang may sumusunod saa kaniya. Kaya naman binilisan niya ang paglalakad. Ngunit habang bumibilis siya ay bumibilis din ang kung sino mang sumusunod na iyon. Halos maestatuwa si Luisa nang mapansin niyang halos kapantay na lang niya ang sumusunod sa kaniya. Sa gilid ng mga mata niya ay pansin niyang malapit na ito sa tabi niya. Hindi alam ni Luisa kung bakit na kung kailan kailangan niyang tumakbo ay roon pa siya nanigas.
Dahan-dahan niyang ikinilos ang ulo niya upang lingunin ang van. Eksaktong paglingon niya ay huminto ito. Dalawang lalaki na malalaki ang katawan ang lumabas doon. Mas natuod pa siya sa pagkakatayo. Gustuhin man niyang kumaripas ng takbo ay hindi niya magawa.
"Huwag po, kuya! Huwag po! Hindi po ako magsusumbong. Huwag n'yo lang akong papatayin. Please, parang awa n'yo na po," pagmamakaawa niya habang nakapikit ang mga mata at nakaharang ang mga kamay sa harapan ng mga ito matapos siyang tapikin sa balikat ng isang lalaki.
"Miss. Miss!" Tumaas na ang boses ng isang lalaking may katangkaran na malaki ang katawan nang mapansing tila takot na takot si Luisa upang pukawin ang animo ay pagha-hallucinate nito.
"Opo! Opo! Susunod po ako! Huwag niyo lang po akong ki-kidnap-in," sabi pa ng dalaga. Lalo pa itong nataranta sa pagsigaw sa kaniya. Naiiling naman ang kasama ng lalaki na halos kasing taas lang ni Luisa. Napapakamot pa ang mga ito sa ulo.
"Miss, hindi kami kidnapper," muling kalabit nitong sabi. Natigilan naman siyang bigla sa pagkataranta at napatingin dito.
"Ha? H-hindi po kayo k-kidnapper?" napapatangang tanong niya.
"Oo, magtatanong lang sana kami." Napapakamot pa ang dalawa. Makailang beses na rin silang napagkakamalang mga kidnapper dahil sa laki ng katawan nila.
"Bakit hindi ninyo naman kaagad sinabi, mga kuya. Muntik na akong atakihin sa inyo." Siya naman ang tumapik sa dalawa nang pagkalakas-lakas. Nang ma-realized ang ginawa ay umayos siya ng tayo at tinanong ang pakay ng mga ito sa kaniya.
"A-ano po 'yong tanong n'yo?" nauutal na tanong ni Luisa. Alanganing ngiti ang ipinukol niya sa mga ito. Nag-over acting nga siya nang wala sa oras. Baka nga nasobrahan na talaga siya kanonood ng investigative crime documentary.
"Kanina pa kasi namin hinahanap ang bahay na ito. Hindi namin makita." Ipinakita nito ang address sa kaniya.
"Ay, sa kabilang Sitio po iyan. Hindi rito," sagot niya sa dalawa.
"Ganoon ba? Salamat. Kaya pala hindi namin makita. Magde-deliver kasi kami ng bulaklak," sabi nito sabay turo sa van nila. Napalingon siya sa van na puti at saka lang niya napansin na may sign sa gilid ng van. Hindi lang pala ito basta puting van.
"A-Aurora's florists?" patanong na sambit niya sabay ngiti nang alanganin sa mga ito. Napakamot naman sa ulo ang dalawa na ngumiti.
"Oo, Miss. Hindi mo rin yata nakita ang nakasulat sa harapan," sabi pa ng lalaking muli. Kunot ng noo na muli niyang tiningnan ang van.
"Huwag tatakbo, nagde-deliver lang kami ng bulalaklak," basa ng isip niya sa nakasulat. Kagat ang labi na ngumiti siya sa mga ito.
"Sorry po. Akala ko kasi," nagtawanan ang mga ito. Sino nga ba naman ang hindi matatakot? Bukod sa talamak ang kuwento at mga kaso tungkol sa puting van sa mga balita ay mga lalaki at malalaking tao pa sila. Nais kasi ng may-ari ng flower shop na malalakas ang empleyado nila para sa pagbubuhat ng mga orders.
Matapos magpasalamat ng dalawa ay iniwan na ng mga ito si Luisa. Labis naman ang pasasalamat ni Luisa na mali ang hinala niya. Naisip niyang tama si Liza na itigil ang paghihinala sa mga puting van at ikapapahamak iyon ng mga may-ari ng sasakyan sakaling mali ang mai-report sa mga pulis. Nagpatuloy na siya sa paglalakad para makauwi ng bahay.
Sa kabilang bahay naman ay tila nag-e-enjoy si Lloydie sa pag-u-utos kay Sarah. Sa isang linggong pananatili nito sa bahay na iyon ay hindi pa rin nito makasundo si Lloydie. Aliw na aliw naman ang binata na ipagawa ang lahat ng gawaing bahay rito.
"Baka naman gusto mong pagpahingahin ako ng isang araw man lang," ungot ni Sarah sa binata.
"Puwede ka namang magpahinga. Sa bahay ninyo nga lang." nakangising sabi ni Lloydie.
"Kailan ba kasi uuwi si Kuya?" naiiritang tanong niya sa binata. Hindi pa rin siya susuko. Alam niyang uuwi rin si Aldred doon. Tiyaga lang ang kailangan niya. Ngunit hanggang kailan?
"Hindi nga siya uuwi hangga't nandito ka." Ganoon pa rin naman ang paulit-ulit na sagot ni Lloydie. Ang totoo ay wala silang napag-usapan ni Aldred. Iyon lang ang naisip niya na dahilan. At kung hindi naman iyon ay wala naman siyang maisip na iba pang rason kung bakit.
"At isa pa, kanina mo pa pinupunasan ang mesa. Matatanggal na ang barnis niyan. Baka naman gusto mong simulan na ang paglilinis ng banyo?" sabi niya rito. Seryoso si Lloydie sa pag-uutos.
Umuusok na ang ilong ni Sarah sa mga utos ni Lloydie. Kung hindi lang dahil kay Aldred ay hindi niya susundin ang kahit na anong utos nito. Kaya nga lang ay baka kung kailan siya umalis at saka naman bumalik si Aldred. Padabog itong tumungo sa banyo para maglinis. Malinis naman na iyon dahil hindi hinahayaan ni Lloydie na mangamoy ang banyo. Ngunit nais niya ang pahirapan si Sarah.
"Ano'ng gagawin mo?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Lloydie sa dalaga nang makita niyang kinuha nito ang toothbrush niya.
"Maglilinis." Nakangisi pa ito sa binata habang bitbit ang toothbrush nito. Nang magtangkang hablutin ni Lloydie ang toothbrush niya ay agad na umiwas si Sarah dahilan para mawalan ng panimbang ang dalaga.
Agad naman niya itong nahawakan at nahapit sa baywang. Tila huminto ang paligid ng dalawa. Daig pa ng dibdib ni Sarah ang dagundong ng malakas na kulog sa lakas ng tibok ng puso niya. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang nararamdaman niya sa lalaking kaharap. Napalunok siya nang mapadako sa labi ng binata ng mga mata niya.
"N-nauuhaw ako," sambit na lamang niya upang makawala sa pagakahapit ni Lloydie sa kaniya. Mabilis na iniwan niya ito sa banyo at nagtungo sa kusina para kumuha ng tubig sa ref.
"Yuck!" nandidiring napailing siya na tila ba kinilabutan sa nangyari. Mabilis niyang isinalin ang malamig na tubig sa banyo at ininom iyon. Ngunit napailing siya ang habang umiinom ay si Lloydie ang nakita nya sa kaniyang balintataw.
"O-okay ka lang?" mabilis siyang napalinga sa kinaroroonan ng binata na nagtanong sa kaniya. Hindi niya malaman kung bakit sa pagkakataong iyon ay tila nag-iba ang tingin niya kay Lloydie. Ngayon lang niya napagmasdan ang may katangusan nitong ilong. Mapupungay na mga mata at ang tamang-tamang tabas ng panga nito na tila nais niyang hawakan.
"Hey, Sarah. Baka nakalilimot ka sa pakay mo? Hindi ito ang oras para lumandi ka. Kay Aldred ka ang. Si Aldred lang," bulong niya sa sarili. Doon niya lang napansin na shirtless pala ang binata. Napanlunok siya sa nakita. Napakasarap sa paningin ang tila perpektong hubog nito na alam niyang bihasa sa mga mabibigat na gawain dahil sa paninirahan nito sa probinsya.
Sa loob ng isang linggong pananatili niya sa bahay na iyon ay nakilala na niya nang kaunti si Lloydie. Kahit naman kasi naiinis siya rito ay hindi niya matiis na hindi ito kausapin. Lalo pa at wala naman siyang ibang makakausap doon kung hindi ay ito lang.
"O-okay lang ako. At puwede ba? May babaeng nakatira dito kaya huwag kang basta-bastang maghuhubad ng damit mo. Bastos!" sermon nya sa binata.
"Hindi ka naman nakatira dito, a," nakangising sambit ni Lloydie nang makitang titig na titig ito sa ibaba niya.
"At sino ang bastos sa'tin? Kanina ka pa nakatingin dito," nguso nito sa ibabang bahagi ng katawan niya sabay halakhak.
"Bastos!" Mabilis itong padabog na lumapt sa kaniya para lumabas ng kitchen. Ngunit bago ito lumabas ay isang malakas na sampal ang ibinigay nito sa binata.
"Bastos ulit!" sigaw ni Sarah at nagmamadaling tumakbo patungo sa kuwarto ni Aldred. Ini-lock nito ang pinto at padapang inilugmok ang sarili sa kama.
BINABASA MO ANG
My Crazy Neighbor
RomansaSa tinagal-tagal ni Elizabeth sa Sitio Uno ay ngayon lang siya nakakita ng lalaking walang kasing abnormal na katulad ni Aldred. Wala nang ginawang matino ang abnormal niyang kapitbahay kung hindi ay buwisitin ang araw niya. Umulan man o umaraw ay h...