- Someone -
Totoo nga ang sinasabi nila na nakakapawi ng pagod at bigat ng pakiramdam ang daloy ng tubig mula sa malinis na ilog ng Nehora. Sa sobrang linis nito ay maaari mong masalamin ang iyong sarili.
Kasalukuyan akong nakaupo sa isang malaking bato habang taimtim na pinapanood ang agos ng tubig. Mula dito ay nakikita ko rin ang repleksyon ng maliwanag at kalahating buwan. Ang lamig ng hangin ay siya ring nagbibigay sa akin ng kasalukuyang katahimikan. Tila gumagaling ako sa tuwing napagmamasdan ko ang ganitong paligid sa pagsilip ng buwan.
Ang ilog ng Nehora ay nasa kalagitnaan ng gubat kaya kung ikukumpara man sa ibang lugar, ang ilog na ito ang pinakatahimik dahil madalang puntahan ng mga tao. Hindi rin kasi makakabuti sa kanila na magpunta rito kapag tinatablan na ng dilim ang kagubatan.
Ganitong oras kasi lumalabas ang mga Juable, sa madaling salita, mga nilalang na kumakain ng tao para makaipon ng enerhiya at karagdagang kapangyarihan. Kadalasang tawag ng mga tao sa mga juable ay halimaw.
"Haliya," napatingin ako sa likuran nang makarinig ng isang pamilyar na tinig.
Kahit madilim ay namukhaan ko si Gumi kaya napangiti ako, "Anong ginagawa mo rito?" ani ko.
Si Gumi ay isang pangkaraniwang bata. May maikling kulay itim na buhok at kulay puti ang mga mata. Pare-pareho kami ng itsura sa aming pangkat ngunit may kahabaan ang aking buhok na hanggang baywang.
Isa kaming Halbue. May katawang tao kami pero hindi kami nahahawakan nang mga Juable at ng mga tao, kaya nakakalabas kami anumang oras namin gustuhin. Ngunit sa aming pangkat, kami na lang ni Gumi ang natira.
"Kanina pa kasi kita hinahanap kaya napagisip-isip ko na baka nandito ka. Buti na lang at tama ako, Haliya," umupo siya sa aking tabi habang nakangiti ito ng malapad.
Ito ang isa sa mga katangian na gusto ko kay Gumi, masayahin siyang bata. Simula nang maubos ang aming pangkat, kami na lang ang natirang magkasama at walang humpay na pinapanood ang mga tao sa lugar ng Calbañas.
Ibinalik ko ang tingin sa buwan kaya ganon na rin ang ginawa nito, "Mukhang malalim ang iniisip mo, Haliya," sabay tingin niya sa akin kaya ganon na rin ako.
Binigyan ko siya ng matipid na ngiti at saka niya ibinalik ang tingin sa buwan, "Hindi ka naman pupunta dito kung wala kang iniisip na malalim," dagdag pa niya.
Ibinalik niya sa akin ang tingin at ako naman ang tumingin sa buwan, "Iniisip ko kung paano ko maibabalik ang aking kakambal, Gumi. Delikado siya roon, kailangan ko siyang maibalik dito sa lalong madaling panahon."
Nagkatinginan kami at napakunot ito ng noo, "Paano mo naman nasabi na delikado siya roon?"
Sandali akong napaisip bago muling nagsalita, "Nakapasok ako sa katawan niya," at muli kong inalala lahat ng mga naging karanasan ko habang gamit ko ang katawan nito.
"At hindi ko gusto ang pagtrato sa kanya ng mga tao roon. Akala ko mas magiging maayos ang lahat kung magkakahiwalay kami at mailalayo ko siya kay Nieves. Pero hindi," pag-iling ko.
Inilipat ko ang tingin sa ilog habang pinagmamasdan at maayos na pinakikinggan ang pag-agos nito. Ito na rin ang nagsisilbing proteksyon sa pag-uusap namin ni Gumi dahil walang ibang nakakarinig bukod sa aming dalawa, "Anong ibig mong sabihin, Haliya?" tanong pa niya na naging seryoso ang mga mata.
"Nakakapasok si Nieves sa lugar na 'yon, dahil nakita kong hawak ng isang tao ang aking anting-anting. Ginagamit niya ang anting-anting at ang taong yon para gumawa ng masama."
BINABASA MO ANG
The Possessed President
Mystery / Thriller(Infernal Calbañas Book One) Date started: 11/14/21 Date completed: 06/10/22