Warning: Alternate POV
- Almira -
"Pakiusap, wala talaga akong alam sa kung anuman na binibintang ninyo," pahabol ko pa matapos nila akong itulak ng malakas papasok dito sa loob ng isang madilim na kwarto kaya muli akong nadapa. Hindi ko rin alam kung saan nila ako dinala dahil madilim sa dinaraanan namin kanina.
"Tumigil ka na sa kasinungalingan mo, pwede ba? Pagod na kami sa panloloko mo," walang buhay na sabi ng isang lalaki habang seryoso ang tingin sa akin.
Pagkatapos sabihin 'yon ay sinubukan ko siyang habulin ngunit pabagsak niyang isinara ang pintuan kaya mas lalo pang dumilim ang paligid.
Bakit ba sa tuwing nagpapaliwanag ako, hindi sila nakikinig at naniniwala? G-Ganon na ba talaga ako kinasusuklaman ng mundo?
Inilibot ko ang tingin sa paligid at puro kadiliman lang ang nakikita ko. Para akong nasa gitna ng kawalan. Hindi ko maisip kung bakit palagi na lang akong nasa ganitong sitwasyon.
Hindi naman ako masamang tao para maranasan ang lahat ng 'to hindi ba? Pero bakit palaging ako?
Wala talaga akong alam sa mga ibinibintang nila at hindi ko maintindihan kung bakit kailangan kong maparusahan. Nakagawa ba ako ng mali nang hindi ko nalalaman?
Katulad ng lugar na ito ay nakatingin rin ako sa kawalan habang nakaupo sa malamig na sahig. Ilang beses na akong napunta sa ganitong sitwasyon.
Pero bakit parang hindi pa rin ako nasasanay?
Maagap akong napapikit ng biglang makaramdam ng pagkainit ng paligid kaya iniharang ko ang isang kamay sa aking mga mata para takpan ang sumisilaw sa akin ngayon. Maski ang malamig na sahig ay unti-unting nag-init.
Unti-unti akong sumilip sa paligid hanggang sa mapansin na nasa isang pamilyar na kwarto ako. Maraming mga ilaw o spotlight ang ngayo'y nakasindi at nakatapat sa akin. Mainit sila sa pakiramdam kaya mabilis ring tumagaktak ang aking pawis. Ang flooring naman ay gawa sa salamin ngunit sa pinakababa noon ay may mga nakadikit ring ilaw na nakatapat sa kisame kaya tumatama rin ito sa akin.
Maya-maya pa ay agad akong napasigaw, "Ahhhh!" mabilis akong umiwas sa aking kinauupuan nang pumutok ang parte na kinauupuan ko dahil na rin siguro sa sobrang init ng mga ilaw. Nabasag ang flooring kung nasaan ako dahilan para mabilis akong tumayo.
Pagtingin ko sa aking binti ay may nakatasak ditong talim ng nabasag na salamin. Napahawak na lang ako sa aking binti at hinawakan ang talim. Malalim akong huminga at sapilitang inalis ang pagkakasaksak nito. Dahil doon ay agad ko itong nabitawan at tumulo ang maraming dugo mula sa binti ko.
Bunga ng kirot na nararamdaman ay napaluhod ako at napahawak sa sahig dahilan para mapaso pa ang aking mga kamay at binti nang dumikit doon. Humanap ako ng parte kung saan pwedeng iwasan ang mga ilaw pero lahat ng sulok ay halatang nag-iinit. May iilan ring parte ng flooring na umuusok at unti-unti nagka-crack ang mga salamin bunga ng init.
Ang hapdi ng mga paa ko at nakakahilo ang init dito sa loob. Kailangan kong makalabas.
Malapit na ako, Almira.
Mabilis kong inilibot ang tingin nang may kung sinong bumulong, ngunit bakit kaboses ko siya?
Nawala doon ang atensyon ko nang bahagyang magdilim ang mga ilaw kaya nabawasan na rin ang init. Ngayon alam ko na, dito ako ikinulong ni Harris noon. Halos mamatay na rin ako pero kung ibabalik din naman pala ako rito, bakit hindi na lang ako namatay noon pa lang? Bakit niya pa ako iniligtas?
BINABASA MO ANG
The Possessed President
Mystery / Thriller(Infernal Calbañas Book One) Date started: 11/14/21 Date completed: 06/10/22