28: Drapetomania

36 4 0
                                    

- Almira -

Dahan-dahan akong humahakbang pababa at sinisiguradong hindi makakagawa ng kahit na anong ingay. Pagsara pa lang ng pintuan sa rooftop kanina ay muli akong nakaramdam ng panginginig.

Hindi ko man alam ang dahilan kung bakit kailangan magtago at kung bakit niya sinabi yon, pero sapat na ang panginginig ko para huwag magpakita sa kahit na kanino.

Madilim sa paligid habang palinga-linga ako ng tingin nang makababa sa hallway. Kasalukuyan ring tahimik ngayon.

Pero sabi nga nila, mas nakakatakot ang katahimikan.

Hindi nagtagal ay nakarinig ako ng mga yabag mula sa baba, tila paakyat yon at papunta sa kinatatayuan ko kaya mabilis akong nagtago sa cr at sumandal sa pader. Maski ang paghinga ko ay bumibigat at bumibilis na rin na parang nakikipag-karera sa aking puso.

Palakas ng palakas ang mga yabag hanggang sa tuluyan silang makaakyat na tila nasa tapat ko lang sila. Sinubukan kong sumilip at nandito nga sila kaya agad akong napasandal sa pader, "Hanapin niyo don, dito kami sa kabila!" saad ng isang lalaki. 

Kung kaya ko lang ding pigilan ang paghinga ay ginawa ko na para lang hindi makagawa ng ingay.

"Huwag niyong hahayaan na makapagtago ang babaeng yon, kailangan nating iligtas ang presidente!" sigaw pa ng isa. 

"Sige," sagot pa nila hanggang sa madinig ko ang mga yabag nila papalayo sa gawi ko.

Dahil doon, nagkaroon ako ng pagkakataon na sumilip ulit. Wala na sila pero hindi ako pwedeng magtagal dito.

Dahan-dahan akong humakbang papalabas habang inililibot ang tingin sa paligid. Napansin ko pa ang suot kong tsinelas kaya tinanggal ko na yon at inilagay sa tabi. Mas mabuting wala akong suot na ganito para tahimik lang ang paglalakad ko.

Tinignan ko ulit ang paligid at habang walang tao, binilisan ko ang pagbaba sa hagdanan hanggang sa marating ko ang second floor ng building.

Nakakapagtaka lang dahil walang ilaw sa bawat kwarto kung nasaan ang iba ko pang kasamahan dati. Hindi pinapatay ang bawat ilaw sa kwarto pero ngayon, ni isa ay walang nakasindi. Habang naglilibot ako ng tingin ay napatigil ako dahil parang may naapakan akong mamasa-masa. Hindi naman umuulan kaya bakit...

A-Ano to?

Natigilan ako nang matanaw ang aking paanan na aksidenteng napaapak sa mga patak ng dugo. Madilim pero dahil sa sinag ng buwan ay napag-alaman kong dugo yon dahil sa kulay nito. Bukod pa doon ay malapot din kasi 'yon. Katulad kanina ay pula pa rin ang buwan. Imbis na mamangha sa kakaibang kulay ay takot ang bumalot sa akin.

N-Ngunit bakit may dugo rito?

Bukod sa inaapakan ko ay may mga iilan pang patak ng dugo sa sahig kaya sinundan ko yon na tila ba may itinuturong direksyon. Nang marating ko ang pinakadulo na pinanggagalingan ng dugo ay nakapasok ako sa isang kwarto. Sinubukan ko pang ilibot ang tingin at napagtanto na pamilyar sa akin ang lugar. Teka lang....

Pare-pareho man kami ng kwarto pero alam ko na ito ang kwarto ko. Pero saan nanggagaling ang dugo at bakit? Ilang araw din akong wala rito kaya imposibleng may ibang gumamit. 

Dahil sa lubusang pagtataka ay sinundan ko ulit ang mga patak ng dugo papalabas ng kwarto hanggang sa hallway kung saan ako nanggagaling. Kailangan kong malaman kung saan papunta ang iba pang patak ng dugo. 

Hindi nagtagal, ang tahimik kong paglalakad ay natigilan nang makarinig ako muli ng mga yabag mula sa dulo ng hallway papalapit sa aking kinatatayuan. Tanaw ko rin ang liwanag na nanggagaling sa flashlight na hawak nila.

The Possessed PresidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon