Chapter 34

2 2 0
                                    

CHAPTER 34
PANAHON NA NGA BA

TERRENCE

INEEXPECT KONG matutuwa si Easton. Pero tumayo lang siya doon at blangkong tinignan lang ang Nanay niya. Lumapit ito sakaniya at napatitig ng matagal sakaniyang mukha, mga mata'y unti-unting naluha. Akmang hahawakan na siya nito, ng iilag ni Easton ang sarili niya.

"Dumating ka, para saan?"

Bumilis ang tibok ng puso ko sa bigat ng emosyong ipinakita ni Easton. Napalunok ang tunay niyang Nanay at napahinga ng malalim.

"Andito ako anak kasi—"

"Dapat bang matuwa ako na naalala mo 'yung anak na dapat inalagaan mo?"

"Easton." Saway sakaniya ni Tita at hinawakan siya sa braso para pakalmahin.

Nanunuyong tinignan siya ng tunay niyang Nanay. "Anak, mag-usap muna tayo..."

Naramdaman ko ang bigat sa loob-loob ni Easton sa malakas na paghinga niya ng malalim sa harapan namin. Mabilis niyang iniwan ang Nanay niya na napa-iwas ng tingin dahil sa masakit na sinabi niya. Ang kaninang kwarto na sana'y naliligo ng pag-asa ay napuno ng mabigat na emosyon dahil hindi tanggap ni Easton ang kaniyang pagbabalik.

Tumango muna ako sa tunay na Nanay ni Easton bago ko ito sinundan. Hindi tama ito. Hindi niya dapat tratuhin ng ganoon ang tunay niyang Nanay—kailangan ko siyang kausapin.

Pumasok siya sa kwarto niya at naupo. Nakita kong tinakip niya ang mga kamay niya sa kaniyang mukha na parang nagtitimpi sa bigat ng mga problemang ipinapasan sakaniya ng mga pagkakataong ito.

Umupo ako sa kaniyang tabi. "My loves..." Hinaplos ko ang kaniyang likod.

Inis na natawa si Easton sa harapan ko. "Ang swerte ko naman yata ngayong araw na 'to? Nakasalamuha ko 'yung mga taong ipinapamukha sa'kin na wala akong kwenta."

"My loves, huwag kang magsalita ng ganyan..." Saway ko sakaniya. Napalunok ako. Hindi ko alam kung ano'ng pagpapakalma ang gagawin ko sakaniya. "Binalikan ka ng Nanay mo, ibig sabihin mahalaga ka sakaniya."

"Wala akong ibang makita sakaniya kundi pagtakwil niya sa'kin simula palang." Galit niya akong tinignan. "Wala pa man akong kamuwang-muwang tinaboy niya na ako. Akala niya ba paglaki ko hindi ko siya hahanapin?"

"Pero baka may rason pa siya, Easton..." Ngumiti ako. "Malay mo naman... hindi ba?"

Umiling siya. "Ayoko. Dapat 'di nalang siya bumalik." Niyukom niya ang kamao niya. "Kung bumalik man siya dito, malamang hindi para sa'kin."

"Easton..." Tawag kong muli sa pangalan niya. Hinawakan ko ang kamay niya. Napatingin naman siya doon. "... bigyan mo muna siya ng pagkakataon..."

Tinignan niya lang ako at para siyang nag-iisip. Para niyang binabasa kung ano ang nakasaad sa mga mata ko. Sinsero ko lang naman siyang tinignan.

"Oo, iniwan ka niya noon, at may dahilan 'yun. Pero kung bumalik siya ngayon dito at masaya siyang nakita ka, hindi ba't mukhang may maganda ring ibig sabihin 'yun?" Tumulo ang luha niya at napatingin sa sahig. Pinalis ko ang mga iyon. "Sige na, mag-usap kayo..."

Parang nagawa ko siyang kumbinsihin noong marahan siyang tumango. Ilang beses siyang nagpakawala ng hininga na parang kinakalma ang sarili, bago tumayo at nagpunta sa kusina para uminom ng tubig. Sinundan ko naman siya at uminom din doon kagaya niya.

Nang makatapos ay hinawakan niya muna ang kamay ko. Sumandal siya sa lababo at tinignan ako sa mga mata. "Dito ka lang muna... kailangan kita..."

Tumango ako. "Maghihintay ako rito sa kusina. Huwag mo siyang aawayin, ah?"

Kumpas ng Panahon (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon