Prologue

52 3 1
                                    

PROLOGUE
MAHIKA AT PAG-ASA

TERRENCE

HINDI KO mapigilang magbalik tanaw sa unang pangyayari na maituturing kong mahiwaga sa aking buhay. Okay lang ba kung i-kwento ko sainyo?

"Terrence... Terrence!"

Para akong hinuhugot mula sa kadiliman ng malalim na pagkatulog dahil sa malamig na boses na naririnig ko mula sa tunay na mundo. Unti-unti kong naramdaman na nababalik na 'yung diwa ko, pero parang hindi ko pa kayang bumangon.

"Terrence!"

Nadama ko ang malamig na kamay sa aking braso. Umunat ako. Singkit ang mga mata kong sinilip ang nasa ulunan ko at nanlaki ang mga mata ko ng makita ko roon ang isang babaeng mukhang bangkay dahil sa puti ng mukha. Nakanganga ito at halos lumuwa ang mga mata. Hindi siya gumagalaw at titig na titig lang sa'kin habang hawak ang braso ko. Agad akong napabalikwas ng bangon at sumigaw.

"AHHH! Multo!"

"Tignan mo ang kalokohan nito't sinigawan pa ako. Hala't bumangon ka na riyan at mahuhuli na tayo sa Misa!"

Napakurap-kurap ako at napahawak sa dibdib. Tinignan kong muli ng mas maigi ang babae. Naaninag ko siya. "M-Mama?"

Sinimangutan niya ako. "Uminom ka na ng mainit na tubig mula roon sa dispenser pagkatapos magbihis ka na."

"Akala ko multo 'yung gumigising sa'kin." Napakamot ako sa ulo ko. "Nagising ko ba si Ate?"

"Hindi. Bumaba ka na riyan sa double deck at malapit na ang Misa."

Tiniklop ko na ang kumot ko at niligpit ang higaan ko bago bumaba ng higaan. Nakakaloka naman 'yung paggising ko't bangkay ang tingin ko kay Mama. Epekto lang siguro 'to nung hindi ko pagtulog ng may sapat na oras. Alas dose na kasi ako natulog kanina dahil nagpuyat pa ako. Malas, aantukin tuloy ako sa Simbang Gabi nito.

Halos maluha pa ang mga mata ko sa lamig ng hangin na sumasalpok sa aking mga mata dahil sumakay pa kami ng tricycle para makaabot sa Misa. Nang makarating kami roon, masiglang bumati ng may nakakahawang galak ang mga Christmas lights sa labas ng Simbahan. Naagaw rin naman ang atensyon ko ng malaking Christmas tree na tumuturok sa kalangitan gamit ang maningning nitong bituin. Nang makaabot ako sa kalangitan, napangiti ako ng makita ko ang kagandahan ng masinag na buwan na ilang oras na lang at handa ng magbigay daan para sa pagsinag ng nilikhang araw.

Ang sarap ding magising ng alas kwatro sa madaling araw.

Nakaka-limang Simbang Gabi na kami ni Mama, and I am doing my best na manatiling gising at hindi inaantok sa pagdinig ng homily ng Pari kada gabi. Ang mga salita at aral na lumalabas sa bibig ng Pari ay may halagang hindi matutumbasan ng pera, kaya't malaking kawalan para sa akin kung mas pipiliin kong pakinggan ang tawag ng laman kaysa makinig.

Makinang na Altar, preskong mga bulaklak, mahalimuyak na amoy mula sa Simbahan, at nakakalambot ng puso na instrumental ng "O Come, Emmanuel" ang siyang nagpakumpleto ng aking masayang paggunita na ako'y nasa presensya muli ng Banal na Lumikha na siyang tunay na Naghayag ng Kaniyang Sarili sa sangkatauhan dalawang milenya na ang nakalilipas, sa pamamagitan ng Kaniyang Anak. Napalingon ako sa itaas at nabighaning napagmasdan ang mga ilaw at ariktektong disenyo ng Simbahan.

Maya-maya'y sunod-sunod na batingting ng maliit na kampana ang narinig namin at siyang nagpatayo sa aming lahat. Magsisimula na ang Misa. Pinuno ng makatindig balahibo, samu't sari ngunit nagkaka-isang mga boses ng miyembro ng koral ang loob ng Simbahan at sinimulang patungan ng liriko ang instrumental na kanina pang hinahaplos ang aking damdamin. Lumingon ako sa daanan ng mga Sacristan at Pari, at muli akong nabighani sa kung papaano sila maglakad papunta sa Altar.

Kumpas ng Panahon (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon