Mataas na ang araw nang magising ako, nakita ko ang lahat na abala sa mga gawain. Lumapit ako kay Lex na nakatanaw sa malayo.
“Ayos ka lang?” Agaw ko ng kaniyang pansin.
Nanlalaki ang kaniyang matang napatingin sa akin.
“A-ate, ano iyon? G-good morning hehe.”
“Tinatanong ko kung ayos ka lang. Nakatulala ka kasi. Magandang umaga rin.” Napailing siya bago marahang ngumiti sa akin.
“Ang ganda lang po kasi ng langit ngayon. Maaliwalas, lagi nating ginagawa ito ni mama noon. Titingala lang tayo sa langit, papanoorin ang mangilan ngilang ibong lumilipad at nangangarap na balang araw, maging tulad nila tayo. Malayang abutin ang mga bagay na hindi kayang mahawakan ng mga kamay ng nakararami.” Ngiti pa niya.
Napatitig ako sa kaniya, kamukhang kamukha ko siya, tanging kulay lang ang nag-iba at ang umaalon niyang buhok.
“Ganoon tayo noon ate, gano’n tayo noong malaya pa si mama.” Nangunot ang noo ko dahil sa sinabi niya.
“Ano? Pakiulit mo nga ang sinabi mo?” Hindi siya sumagot pero naglumikot ang kaniyang mga mata. Mukhang natauhan sa bagay na hindi niya dapat sinambit.
“Wala iyon ate. Huwag mo nang pansinin. Medyo nasasabaw lang kasi ang utak ko dahil malapit na ang graduation ko.”
Tumango ako dahil nakita ko ang kapaguran sa kaniyang kulay abong mga mata.
“Sige na magpahinga ka na muna.”
“Hindi ka pa rin nagbabago ate. Ganiyan ka na noon e. Mga pagkakataong hihintayin kitang magtanong pero sasabihin mo magpahinga na ako dahil pagod ako pero pagod ka rin naman.” Natigilan ako dahil sa sinabi niya. Ganoon ba ako?
“Marami namang mga panahon pa, unahin mo palaging magpahinga bago ang ibang bagay. Unahin mo ang sarili mo dahil sa susunod na araw, sigurado naman akong masasambit mo rin ang mga bagay na gusto kong marinig.”
“Hindi naman natin hawak ang lahat ng oras ate. Pinahiram lang sa atin ito ng Panginoon kaya habang may panahon ka ngayon, sabihin mo na.” Napatango naman ako. Tama naman ang sinabi ng kapatid ko.
“Tignan mo, apat na taon na ang nakalipas. Iyong taong dapat na makarinig ng side mo, wala na siya ate.” Mahina niyang sambit na umabot naman sa aking tenga.
“Anong ibig mong sabihin? Wala na si Mama?” Mabilis siyang napailing sa akin.
“Hindi ate, hindi iyon ang ibig kong sabihin. Malakas si mama. Malakas na malakas, sa katunayan nga ay dadalo siya sa kaarawan ko ’di ba?”
Tumango ako, “Oo, pero gusto kong malaman kung sino ang tinutukoy mo.”
“Huwag mong isipin ate. Hayaan mo na lang na kusang bumalik ang mga alaala mo.” Nangunot ang noo ko.
“May dapat ba akong maalala na may malaking. . . malaking epekto sa mga nangyayari ngayon?” Kinakabahang Tanong ko sa kaniya. Tumango naman siya at mapait na ngumiti sa akin.
“Oo ate, pero wala kang kasalanan. Ang driver ng sasakyan ang dapat sisihin ate at hindi ikaw. Biktima ka, biktima ka rin ng mga taong halang ang bitukang nagagawang sumuway sa batas ng tao.”
Binabalot ng kalungkutan ang kaniyang mga mata habang nakatitig ito sa akin. Saglit pa ay naramdaman ko ang pagyakap niya sa akin.
“Nandito ako ate, kasama mo ako. Kami ni Janz.”
May mainit na kamay ang humaplos sa puso ko. Habang yakap ko ang kapatid ay unti-unting naging payapa ang aking isipan. Sa init ng yapos niya ay ramdam ko ang pangungulila.
BINABASA MO ANG
Silhouettes of the Past | ✓
RomancePHOENIX SERIES 2 Vixen has always been smitten by the brown eyed Chinito; despite losing her memories, she still ended up drowning in Kai's love. But will she still be able to grasp that love after discovering how tangled their fate is? Will she sti...