4

31 5 0
                                        

CHAPTER 4

Tuyong tuyo ang lalamunan ko nang imulat ko ang aking mga mata. Unang nasilayan ko ang kulay puting kisame, nasaan ako?

Sinubukan kong igalaw ang aking katawan pero napabalik ako sa dating ayos dahil walang kahit na anong lakas ang aking katawan.

Sandali pa ay narinig ako ang paglapit ng mga doctor sa akin. Kung ano anong ginawa nila sa akin at matapos noon ay pumasok ang isang ginang.

Sopistikada ito at mababakas ang pag-alala sa kaniyang magandang mukha. Kahit nasa early fifties na ito ay kita ko pa rin ang kaniyang kariktan. Tinitigan ko lang siya at sinubukang kilalanin ngunit walang kahit anong bakas nang kahapon sa isipan ko.

“Vixen,” bati niya. Ako ba iyon? “God, you’re finally awake after almost four years.” Dagdag pa nito.

Ramdam ko ang pagbuhol ng noo ko dahil sa kaniyang tinuran. Ano ba ang sinasabi niya? Halos apat na taon akong comatose? Bakit?

“S-sino po kayo?” Tanong ko sa kaniya. Kita ko ang pagdaan ng gulat at lungkot sa kaniyang mga mata bago sinubukang lumapit sa akin pero napatigil nang umiling ako.

“Vixen hija, hindi mo ba ako naalala?” Tanong pa niya.

“Kayo. . . k-kayo po ba ang nanay ko?” Naiwang nakabukas ang kaniyang bibig, bumagsak ang balikat at rumehistro sa kulay abong mga mata ang pagkaawa.

Bakit naman siya maaawa sa akin? Siya ba ang nanay ko?

Hija hindi, hindi ako ang nanay mo. . .” Mahina at nahihirapan niyang sambit.

“K-kung ganoon sino po kayo?” Tanong ko.

Sa mga ganitong panahon, normal na matakot ang karamihan pero ako, iba ang nararamdaman ko. Hindi ko man siya kilala ay may kung anong haplos sa puso ko na nagsasabing mabuti siyang tao at ligtas ako kasama siya. 

“Ako ang. . . Mama Serina mo.” Hindi ko siya nanay pero Mama Serina? Naguguluhan akong napatitig sa kaniya. Napatingin din ako sa aking balat. Masyado akong morena para maging anak ng isang babaeng may kutis porselana.

“Mama Serina?” Tanong ko.

“Oo Vixen, ako ang tumatayong nanay mo mula pa man noong three years ago.” Tumatayong ina?

Maraming tanong sa aking isipan pero ni isa ay wala nang namutawing salita sa aking mga labi. Pinagmamasdan ko lang ang bawat niyang galaw at sinusubukang alalahanin ang aking nakaraan.

“Tubig hija? Kailangan mo iyon, alam kong nanunuyo na ang lalamunan mo.” Tumango ako sa ginang.

Mabilis niya akong pinainom habang may maliit na ngiti sa labi. Kita ko rin na abala ito kahit pa narito siya sa aking silid ay may kung ano-ano siyang pinipindot sa kaniyang telepono.

“Nasaan po ang nanay ko?” Tanong ko sa kaniya. Kita ako ang paglikot ng kaniyang mga mata bago napabuntong hininga.

“Nasa. . . nasa. . .” Hirap na hirap siyang magbigay ng sagot sa akin, ngumiti na lang ako bago umiling.

Huwag na, mukhang hindi niya kayang sabihin. Gustuhin ko mang malaman ang kinaroroonan ng aking ina ay may kung ano sa kaniyang mga mata na pumipigil sa akin.

Marahil siguro ay dahil kita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata.

“Bilisan mo magpagaling ha? Tapos dadalahin kita sa nanay mo. Ayos lang ba?” Sambit niya matapos ang mahabang katahimikan. Napatingin ako sa kaniya bago tumango. Ngumiti naman siya sa akin bago sinipat muli ang telepono.

“Kapatid po ba kayo ng nanay ko?”

“Hindi hija. Hindi kami magkadugo ngunit kapatid na rin ang naging turing ko sa kaniya. Ang iyong ina ang naging katuwang ko noon sa panliligaw sa asawa ko. Mabuting tao ang ina mo, mabait, masipag, mapang-unawa. . .” Napabuntong hininga siya bago tumango.

silhouettes of the past | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon