Chapter 80
"Ito na ang huling tulang isusulat ko para sa'yo. Pangako 'yan at totoo. Hindi ko alam kung magiging gaano kahaba o kung kasya ba sa isang piyesa, ilang pahina, ilang minuto ang ihahaba, itatagal nito at posibleng hindi ko agad makabisado pero pangako 'yan. Ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo.
Itaga mo 'to sa bato, abutin man ako ng umaga dito. Hindi ko ipipikit ang mga matang ito. Uubusin ko ang lahat ng salita na posibleng tugma ng pangalan mo o anumang tawag ko sayo. Mahal, sinta . . ."Umagang-umaga at naglalamay na naman ako sa videong ito. Kagabi pa pulang-pula ang mga mata ko. Tuyo na ang aking lalamunan sa pag-iyak. Pero tila walang kapaguran ang aking mga mata sa pagluha.
"Pero hindi ko na pwedeng patirahin lang dito sa loob ko ang mga salitang ito kaya pangako, ito na ang huling tula na isusulat ko para sayo. Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paanong nginitian mo ako at tinanong kung saan ako nakatira. Hindi mo nga pinansin ang mga agiw sa dingding. Hindi ka nga natinag sa ipis na biglang dumating sa iyong pagbisita, pero hindi mo rin man lang din tinignan ang mga libro na nasa tabi ng kama ko, natutulog din, at tangi ko noong kapiling. Magsisimula ako sa umpisa, sa kung paanong niyakap mo ako nung sabihin ko sa'yong "mahal kita." Sa kung paanong hinalikan mo ako sa noo sabay sabi na "mahalaga ka." At ako naman 'tong si tanga, tuwang tuwa dahil hindi pa nalilinawan na ayaw ko na maging mahalaga, ayaw ko na maging halaga."
I can feel the tension in his voice. And his facial expressions, too. The pain in his eyes . . . everything.
"Hindi ako antigong salamin na matagal mo ng pag-aari, na tinitignan mo lang para ipaalala sa sarili mo na maganda ka. Ayaw ko na maging mahalaga. Hindi ako telepono mong dudukutin lang sa bulsa kapag kailangan mo ng solusyon sa kawalan mo ng koneksyon sa mundo mong masyado ng malawak para bigyang atensyon ka pa. Ayaw ko na maging mahalaga. Hindi ako kuwintas na isusuot mo lang sa piling-piling mga okasyon, kapag mayroong mga sitwasyon na pakiramdam mo ay kulang ka pa. Hindi ako para ibalik sa loob ng isang kahon kapag matutulog ka na sa gabi sa takot na masakal ka sa yakap ko kapag mahimbing ka na. O ibalik sa loob ng isang kahon at itabi sa sulok ng isang aparador sa takot na manakaw ako ng iba, ayaw ko na maging mahalaga. Ang gusto ko ay mahalin, ang kailangan ko ay mahalin. Kailangan ko na mahalin mo ako gaya ng kape mo sa umaga, tanggap ang tamis at pait, kailangan para sa init pero hindi isinasantabi dahil lang nanlamig na. Kailangan ko na mahalin mo ako gaya ng sarili mong opisina. Kabisado kung para saan ang ano, kabisado kung saan nakatago ang alin
kabisado ang mga tinatago kong patalim, silbi, dumi, lihim . . . patalim, silbi, dumi, lihim... Kailangan ko na mahalin mo ako gaya ng unan mo sa gabi, niyayakap sa ginaw, sinasandalan kahit na mainit, binubulungan ng mga pinakatatago mong panaginip. Ayaw ko na maging mahalaga, ang gusto ko ay mahalin, ang kailangan ko ay mahalin."
