XXIV. Parallel Worlds

12.7K 458 50
                                        

XXIV. Parallel Worlds

Pinagmamasdan ko ang pinto ng kwarto ni Nicolai. Sa totoo niyan, kwarto iyon nina Mama at Papa pero dahil kasama ko siya ngayon, pinapagamit ko muna sa kanya iyon para may mapagpahingahan siya. Kanina pa siya hindi lumalabas ng kwarto. Kinakatok ko siya pero hindi naman siya sumasagot. Ayaw ko namang basta na lang pumasok sa loob. Tumingin ako sa orasan. Ilang minuto na lang ay papasok na ako sa eskwelahan.

Palagi akong maaga dahil gusto kong makakwentuhan nang mas matagal sina Zeeya, Lucy at Ashton. Mababait sila higit pa sa inaakala ko. Hindi sila katulad ng mga ilang estudyante na hindi na nga ako binubully, pinapatay naman ako sa sama ng tingin. Mukhang mas nadagdagan ang galit nila nang malaman nilang ako ang inihahatid-sundo ng apple of the eye nilang si Nicolai. Pero kahit dulo ng aking daliri ay hindi nila magalaw. Tingin pa lang kasi ni Nicolai sa kanila ay para bang maiihi na sila sa sobrang takot.

Ngayon, medyo late na ako dahil hinihintay ko si Nicolai na lumabas. Nang matapos ang ilan pang mga minuto ay napagdesisyonan ko nang pumasok sa loob kahit walang pahintulot niya. Bahay ko pa rin naman ito at saka ngayon ko lang ito gagawin. Medyo nag-aalala na kasi ako sa kanya, eh.

Pagkapasok ko sa loob ay laking gulat ko nang maabutan ko siyang nakasalampak sa sahig habang pinagpapawisan. Ang maputla niyang balat ay mas lalong maputla ngayon. Ang kanyang mga mata ay papalit-palit na naman ng kulay. Madalas itong mangyari sa kanya pero kahit anong gawin kong pagpiga sa kanya tungkol dito ay palagi niyang sinasabi na natural lang iyon kaya madalas ko namang pinapalagpas. Pero ngayon ay hindi na. Mukhang seryosong karamdaman na itong mayroon sa kanya.

Lumuhod ako sa kanyang harapan. "Nicolai! A-Anong dapat kong gawin? Anong masakit sa 'yo?"

Hinawakan ko ang kanyang pisngi. Halos hindi na niya maimulat ang kanyang mga mata. Panay din ang panginginig ang buo niyang katawan. Kumpara noon, mas malala ito. Noon ay nakakatayo pa siya pero ngayon ay mukhang hinang-hina na siya.

Nagsimula na akong mataranta dahil sa nangyayari sa kanya. Dahan-dahan ko siyang inilalayan patungo sa kanyang kama at inihiga ko siya doon. Hinawakan ko ang kanyang noo at sobrang lamig nito, kabaligtaran kapag may lagnat ang isang tao.

Hinawakan ko nang mahigpit ang kanyang kamay. "Babalik ako sa mundo niyo para itanong kina Haring Vlad ang nangyayari. Hintayin mo ako dito."

Tumayo na ako ngunit bago pa ako makaalis ay hinawakan niya ang aking kamay. Muli akong umupo sa kanyang tabi.

Iminulat niya ang kanyang mga mata. "No, there's no need for you to do that." bulong niya.

Umiiral na naman ang katigasan ng ulo niya. "Nicolai, hindi pwede," Palagi niya akong pinipigilan sa tuwing binabalak kong bumalik sa mundo nila. Habang natagal hindi na maganda ang nangyayari sa kanya. Hindi ko na kayang makita siyang nahihirapan. "Hindi na ako magpapapigil pa sa 'yo. Kailangan kong malaman kung anong nangyayari sa 'yo. Kung ayaw mong sabihin sa 'kin, sa kanila ko na lang tatanungin."

Ipinikit niya ng mariin ang kanyang mga mata. "I'll tell you everything."

Umupo ako sa kanyang tabi. Inalalayan ko siya para maisandal siya sa kama. Kumabog ng malakas ang aking dibdib nang makitang ibinubuka na niya ang kanyang bibig para magsalita.

"Vampires can't live long in the human world. It will slowly weaken our body until we die," Napasinghap ako sa gulat dahil sa kanyang sinabi. "Other creatures in our world, too. Kapag nagtagal sila dito, unti-unti silang manghihina. Maaari naming ikamatay ang pagtigil dito."

"Bakit hindi mo sinabi sa 'kin?" I whispered. "Kung iniisip mo na baka mapahamak ako, sana inisip mo din ang kapakanan mo. Paano kung palagi kong pinapaniwala ang sarili ko na magiging ayos ka? Paano kung...tuluyan kang mawala?" Namuo ang luha sa aking mga mata. Ang tanga ko para hayaan siyang umabot sa ganito. Dapat noong una pa lang ay pinilit ko na siya na sabihin sa 'kin ang lahat.

The SomnambulistMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon