VIII. Another Jerk
Matapos akong i-tour ni Nicolai ay halos hindi na ako makalakad dahil sa sobrang sakit ng aking paa. Nahiga na lamang ako sa kama at tumitig sa may kisame. Nandito ako ngayon sa kwartong tutulugan ko o mas madaling sabihing magiging kwarto hanggang sa magawa ko na ang dapat kong gawin. Napabuntong-hininga na lamang ako. Itinaas ko ang aking kamay at tiningnan ito. Dadating din ang panahon na mawawala na ako. At least, kahit mawala ako ay maaalala ako ng mga nilalang dito. Maaalala nila ako bilang isang tagapagligtas ng kanilang mundo.
Pero hindi iyon ang gusto ko. Gusto kong may makaalala sa akin bilang ako. Hindi bilang tagapagligtas. Hindi bilang isang taong nagbuwis ng buhay para sa libo-libong nilalang na nakatira dito. Gusto kong maalala nila ako bilang isang taong naging parte ng mga buhay nila na minsan nang nagpasaya sa kanila. Ngunit imposibleng mangyari 'yun. Ako na rin ang may gusto na 'wag magkaroon ng kahit anong koneksyon sa kanila. Maging kay Nicolai. Hindi na dapat pa ako masyadong lumapit sa kanila dahil mahihirapan akong mapalayo sa kanila.
Biglang pumasok sa aking isipan si Sir. Ralph. Hinahanap niya kaya ako? Nag-aalala kaya siya sa akin? Napatawa na lang ako ng mapait. Siguro ay nakalimutan na din niya ako. Siguro ay tuwang-tuwa pa ang mga kaklase ko at estudyante sa eskwelahan ko na wala na ako doon. O baka nanghihinayang sila kasi wala na silang ibubully ngayon?
Naputol ang aking pag-iisip nang makarinig ako ng pagkatok mula sa pintuan. Agad akong bumangon para pagbuksan ang kung sinoman ang kumakatok na iyon.
Binuksan ko ang pinto at bumungad naman sa akin ang isang makisig na lalake na abot hanggang tainga ang ngiti. Blonde ang kanyang buhok at kulay asul ang kanyang mga mata. Nakalabas ang natural na maliit niyang pangil habang siya ay nakangiti. Pinasadahan ko siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Katulad ng mga maharlikang lalake, ganoon din ang suot niya.
Yumuko siya sa aking harapan at nag-abot ng isang rosas.
"Magandang gabi, binibini. Hayaan mong ipakilala ko ang aking sarili sa'yo, ako ang pinakagwapong maharlika sa lugar na 'to. Ako si Sebastian Donatien."
Nag-aalangan ko namang kinuha ang rosas sa kanyang mga kamay. Nagulat na lamang ako nang bigla niyang kuhanin ang aking kamay at halikan ito.
Napangiwi naman ako sa kanyang ginawa. Ano bang trip ng lalakeng 'to?
"Ikaw si Flavia, hindi ba? Ahhh." madrama siyang bumuntong-hininga habang nakahawak sa kanyang dibdib. "Napakagandang pangalan para sa napakagandang babae na katulad mo."
Binawi ko ang aking kamay mula sa kanyang kamay. "Uhh, anong kailangan mo?"
Ngumiti siya sa akin at ni-flip pa ang kanyang bangs papunta sa kaliwa bago siya sumagot. Naalala ko tuloy sa kanya 'yung mga Prinsipeng suaveng-suave sa sarili. "Hindi makukumpleto ang aking gabi hanggat hindi ko nasisilayan ang iyong ganda kaya naman tinawid ko ang mga bundok, ang malawak na karagatan, nilabanan ang pagod at gutom at ginawa ang aking lahat para lang makarating dito." Kinuha niya ang puti niyang panyo sa kanyang bulsa at maarteng pinunasan ang kunwari niyang luha.
Binigyan ko lamang siya ng tingin na para bang wala akong interes sa mga sinasabi niya.
"Taga-saan ka ba?"
"Huh? Taga dito lang sa palasyo." nakangiting sabi niya at muling ni-flip ang bangs niya.
Napafacepalm na lamang ako. Para saan pa 'yung pagtawid ng bundok at karagatan, paglaban sa gutom at pagod at paggawa ng kanyang lahat para lang makapunta dito? Niloloko talaga ako ng isang 'to.
"Mawalang galang na, Sebastian. Kailangan ko na kasing magpahinga." nakangiting sabi ko sa kanya at kunwari pang humikab. Sumasakit ang ulo ko sa pakikipag-usap ko sa kanya.
BINABASA MO ANG
The Somnambulist
Vampire{Parallel World Series #1} Flavia is afraid to sleep. She'd rather keep herself awake than experience her worst nightmares. Bata pa lamang siya ay nakakaranas na siya ng sleepwalking pero mas lalo itong lumala nang tumungtong siya sa edad na labing...
