VII. Archibolt Family

22.2K 796 33
                                        

VII. Archibolt Family

"Sigurado ka bang hindi ka ampon?"

Pang-ilang beses ko nang tanong iyan sa kanya dahil hindi talaga ako makapaniwalang kabilang siya sa pamilyang ito. Kasalukuyan kaming nakaupo sa mahabang lamesa kasama ang kanyang ama't ina pati na din ang nakababata niyang kapatid. Kakikilala ko lang sa kanila kanina at masasabi kong napakabait nila. Hindi rin ako nakakita ng kahit kaunting kasungitan mula kay Haring Vladimir maging kay Reyna Selena. Pati ang nakababata niyang kapatid na babae na si Ureka ay palangiti at mukha talagang masayahin.

Binigyan na naman niya ako ng head chop kaya naman napasigaw na lang ako sa sakit. Nagpukol kami ng masamang tingin sa isa't-isa at wala sa amin ang gustong magpatalo.

"My, my, Vienne. Hindi mo dapat sinasaktan ang babae. Hindi ka tinuruan ni Ina ng ganyan." may pagbabanta sa boses ni Reyna Selena ngunit ang amo pa rin ng mukha niya. Para bang kahit galit siya ay hindi mahahalata sa kanyang mukha dahil mukha talaga siyang anghel. Bumagay sa kulay asul niyang mga mata ang kulay itim at mahaba niyang buhok. At isa pa, mukha lang siyang bente anyos. Hindi pala, mas mukha pa siyang bata sa akin. Nakakaiyak!

Hindi naman pinansin ni Nicolai ang kanyang ina at nagpatuloy lamang sa pagkain.

"Flavia, bago ka pumunta sa aming mundo. Ano-ano ang mga pinagkakaabalahan mo?" tanong ni Haring Vladimir o Haring Vlad gaya ng gusto niyang itawag ko sa kanya.

Napatigil naman ako sa pagsubo nang isang gayat ng karne. Nasa tapat na ng bibig ko pero hindi ko pa nasubo. Istorbo naman 'tong si Haring Vlad. Joke lang! Baka nababasa niya ang nasa isip ko, mahirap na. Nahihiya ko namang ibinaba ang kubyertos na hawak ko.

"Wala naman po gaano. Pumapasok lang ako sa eskwelahan araw-araw para lang ma-bully." lumabas na lamang iyon sa aking bibig nang hindi ko napigilan kaya naman wala na akong nagawa para bawiin iyon. Ayaw kong kaawaan nila ako dahil doon.

"At hinahayaan mo lamang na gawin nila iyon sa'yo?" pag-epal naman ni Nicolai.

Hindi ko na lamang siya pinansin.

"Mas lalo akong nagkaroon ng dahilan para hindi ka pabalikin doon. Ligtas ka sa lugar na ito at sa maikling panahon na ititigil mo dito, isipin mong tunay mo na itong tirahan at ituring mo na din kaming pamilya." nakangiting sabi niya.

Saglit akong hindi nakapagsalita dahil sa kanyang siniba. Pinipiga ang puso ko sa pinaghalong sakit at saya ng kanyang sinabi. Dahan-dahan akong umiling habang nakangiti ng mapait. "Gustong-gusto ko po ng lugar na pwede kong kabilangan at pamilyang magmamahal sa akin pero hindi na rin naman ako magtatagal dito. Ilang buwan mula ngayon ay magiging isa na kami ng puno kaya naman hanggat maaari ay ayokong masyadong mapalapit sa inyo baka mahirapan akong iwan kayo." pinilit kong tumawa ngunit sa palagay ko ay may bahid pa rin iyon ng lungkot.

Napansin ko naman ang tingin nilang lahat sa akin na para bang naaawa sila sa akin.

"U-Umm, ituloy na natin ang pagkain?" pagbasag ko sa katahimikan ngunit para bang nabalutan na ng lungkot ang paligid.

Naramdaman ko naman ang head chop ni Nicolai pero mahina ito kumpara sa madalas niyang ginagawa sa akin.

"Iiyak na sana ako kaso habang nagdadrama ka dyan puno ng amos 'yang bibig mo." nakangising sabi niya.

Nanlaki ang aking mga mata at nag-init ang aking mukha dahil sa kanyang sinabi.

Hinawakan ko ang aking mukha at tiningnan ang aking kamay. Meron ngang mga sarsa at ilang butil ng kanin akong nakuha.

"Bakit hindi mo kaagad sinabi?!" mangiyak-ngiyak na sabi ko sa kanya at itinaas ko ang aking kamay para bigyan siya ng isang head chop pero nahawakan niya ang aking braso.

The SomnambulistMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon