Shake Hands

343 9 0
                                    

Sinubukan ko lang panuorin ang mga bata sa harap ng bahay namin. Ang saya-saya nila maghabulan. Ang sarap sa pandinig ng tawanan nila. Nung bata ako, nakakatawa lang ako ng ganun kapag nagpapatawa si Tatay. Ano kaya ang pakiramdam na tumatawa ka dahil masaya ka sa nangyayari?

Sa kyuryusidad ko, lumapit pa ako ng konti sa mga naglalaro.

Hindi pa ako nakuntento at tumayo ako sa may poste. Literal na nasa harap ko na mismo ang mga batang pabalik-balik na nagtatakbuhan.

Pinagmamasdan ko lang sila. At habang patuloy ko silang pinapanuod, natatawa na rin ako sa mga pinag-gagawa nila. Sa isip ng labing-limang taong gulang na ako, tinatanong ko ang sarili ko kung bakit hindi ko 'to sinubukan nung bata ako.

Sa bawat halakhak ng mga bata, kasabay na din nila akong humahalkhak. Sa wakas, nadama ko din ang ganung klaseng saya; na nadadama ng mga ordinaryong tao.

Napatingin ang isang batang babae sakin at papalapit na nagtatanong, "Atii diba sya na yung taya?" habang turu-turo ang batang lalaki na kalaro nila.

Tumingin ang lahat ng bata sakin.

Naka tanga ako at waring hindi alam ang gagawin; hindi alam ang sasabihin. Gusto kong magsalita pero anong sasabihin ko?

Nasa akin ang buong atensyon nila. Biglang gusto ko maglaho na parang bula. Biglang gusto ko umalis.

Tumayo ako at tumalikod. Babalik na ko sa bahay. Bahala kayong malaman kung sinong taya, sabi ko sa isip ko.

"Atiii!" Muling tawag ng bata pero hindi ko pinansin.

"Hooooy, ba't mo ba yun kinausap, e suplada yan. Mataray daw yan. Buong pamilya daw nila matataray. Kala mo naman daw mayaman." Dinig ko ang bulong ng isang bata sa batang tinangka akong kausapin.

"Ehh taya na nga kasi siyaaaa eee!!! Andayaa niyaan hindi nanaman yan tayaaa." Asar na reklamo ng batang kaninay tumawag sakin.

Hindi ko na sila nilingon at patuloy lang ako sa paglalakad pagbalik ng bahay.

"Nica tama na yan!", isang tinig ng babae na hindi galing sa bata. Nagtaka ako kung kanino tinig yun?

Hindi ko napigilang lumingon.

Isang babaeng tingin ko ay ka-edad ko din. Itim na itm at mahaba ang buhok niya katulad ng sakin. Kaparehas ko rin siya ng katawan. At magkasing-tangkad din kami. Yun nga lang mas maputi ako sakanya, ikaw ba naman ang hindi maglalalabas ng bahay, tingnan natin kung hindi ka pumuti.

Habang nakatingin ako sakanya, lumingon siya sakin. Umiwas ako ng tingin at muling lumakad palayo.

Tumakbo siya at pinigilan ako. "Sandali." Hinawakan niya ang braso ko at inalis ko kaagad ang kamay niya sa pagkakahawak sakin. "Ang taray mo naman. Totoo pala yung sinasabi nila."

Tiningnan ko lang siya. Ang ganda ng hugis ng mata ng babaeng kaharap ko; mahahaba ang mga pilik mata niya; medyo matangos ang ilong; at may nunal na malapit sa labi niyang walang kolorete pero mapula –-- katulad din ng labi kong sadyang mapula dahil laging nababahiran ng dugo.

Ngumiti siya, lumabas ang biloy niya na malapit sa mata at hindi sa labi. "Ako si Rodora. Tawagin mo nalang akong Dora. Ikaw si Corazon diba." Inilahad niya ang kamay niya.

Nakatingin pa rin ako sa kanya. Aba, kahit hindi pala kami nakikihalubilo sa mga kapit-bahay namin, kilala pa rin nila kami.

"Kamayan mo naman ako." Nakangiti pa din niyang sabi.

Tiningnan ko ang kamay niyang nakalahad sakin. Anong gagawin ko dyan sa kamay niya? Inalala ko lahat ng naituro sakin nila tatay sa pakikisalumuha sa tao. At bigla kong naalala na simbolo pala ito ng pakikipagkilala.

Teka, makikipagkilala ba ko sakanya? Lumingon ako sa bahay. Wala namang nakatingin.

Muli ko siyang tiningnan. Nakangiti pa din siya at hinihintay na kamayan ko siya.

Pwede naman akong tumalikod nalang at hindi siya pansinin. Pero nagustuhan ko kaagad ang katauhan ng babaeng kaharap ko. Malaki ang pagkakapareho namin. Mahirap nga sigurong layuan ang taong sa unang pagkakakilala niyo palang, alam mo nang makakasundo mo.

Kinamayan ko siya. Magaspang ang mga palad niya, katulad ng palad ko.

Lalong lumaki ang ngiti ni Dora. "Kapatid ko nga pala si Nica, yung batang kumausap sayo. Kuya namin si Dario. Yung laging pabida pagfiesta ng Nazareno. Kami yung nakatira sa bahay na laging maingay, dun o." tinuro niya yung bahay na tatlong bahay lang ang nakapagitan mula samin.

Tumango-tango nalang ako. Kahit hindi ko naman alam yung ibang pinagsasabi niya.

"Magsalita ka naman." Sabay tapik sakin. "Matagal ka na naming gusto maging kaibigan nila Kuya.."

Ngumiti lang ako. Isang totoong ngiti ng kagalakan dahil sa bagong nilalang na kausap ko at sa katotohanang may gusto palang makipag kaibigan sa kagaya ko.

At nung mga oras na yun, sa wakas nagkaroon na ng kaibigan ang mapag-isang si Corazon. Makikilala na niya ang mga taong babago sa takbo ng mundo niya.

At anong klaseng pagbabago ba ang idudulot nito?

Aswang AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon