Ang Kakaibang Sanggol

623 13 1
                                    

Para lubos mong maunawaan ang istorya ng buhay ko, dapat ko sigurong isali sa kwento ang pagkapanganak ko, ang pagkabata ko, ang paglaki ko at ang pagka-aswang ko.

Lahat ng dapat mong malaman tungkol sa pagkatao ng mga aswang, ilalahad ko. Walang reserba. Nabuhay na kong mailap, at malayo sa tao. Tinatago ang mga dapat itago, pero ngayon ito na ang pagkakataon na ilabas sa mundo ang buong istorya ko. Hindi na mahalaga sakin kung layuan ako. Sanay na kong mabuhay na mag-isa. Wala na ring namang dahilan para itago pa ang pagkatao ko.

Isinilang ako sa Maynila, July 7, 1961. At oo, sa loob ito ng isang Ospital na pipiliin ko nalang na hindi pangalanan, para maproteksyunan ang kredebilidad nila. Hindi totoo yung mga nasa pelikula, na namumuhay ang mga aswang sa liblib na lugar at isinisilang sa mga baryo, hindi ganun mamuhay ang mga aswang. Maling-mali ang mga natutunan niyo.

Sa isang ngawa ko palang pagkalabas sa sinapupunan ng aking ina, alam na ng doktor na may kakaiba sa akin. Hindi ako normal. Anong klaseng bata nga ba ang ngangawa na tunog asong umaalulong? Sige nga, i-imagine mo ang isang sanggol na umiiyak pero tunog asong umaalulong; tingnan natin kung hindi ka matawa o mahimatay sa pagkamangha.

Sa unang atungal palang ng sanggol na si Corazon, alam na ng tatay niya ang gagawin. Alam na ng tatay ko.

Tumakbo papasok ng delivery room si Tatay, dala-dala ang isang bag. Isang malakas na hiyaw na waring galing sa tigre ang pinakawalan ng magiting kong tatay. Nagulat ang doktor at mga nurse sa tunog, at sa lalaking lapastangang pumasok basta sa delivery room.

Nalanghap nila ang hangin na lumabas sa bibig ni tatay. At dahil dun, nahimatay sila, syempre maliban kay Inay. At pagkagising ng mga 'to, burado na sa ala-ala nila ang nangyari. Isa iyon sa mga abilidad naming mga aswang. Gusto mo subukan ko sayo? :D

O diba, wala pang isang minuto limot na sa mundo ang pagkasilang ko. Bukod sa aking mga magulang, walang nakakaalam na isinilang pala ang isang Corazon. Walang ibang nakakaalam na nag-e-exist ako. Sanggol palang ako, ipinagkait na sakin ang karapatang maging parte ng normal na mundo. Sanggol palang ako, waring mag-isa na ko.

Inilagay ako ng tatay ko sa loob ng dala niyang bag habang patuloy na umaatungal o mas tamang sabihing umaalulong. Mabilis na nagbihis si Inay. Hinalikan niya ako sa noo, dahilan upang tumahimik ako sa pag-alulong. Sa halik na iyon ni Inay, kampante na ang sanggol na si Corazon.

Inakay ni Tatay si Inay, na mabilis naman nanumbalik ang lakas galing sa pagkapanganak sakin. Tyumempo sila sa paglabas sa delivery room. At pagkatapos ay naglakad ng normal na waring mga ordinaryong dalaw lamang sa Ospital.

Ganun kadali ang pagsilang ko.

Ganun kadali ang paglabas nila sa Ospital.

Nakakalungkot lang, na ganun din kadali nakalimutan ng mundo ang pagkasilang ko. Ganun kadali makalimutan si Corazon.

At gaano kasakit nga ba ang mabuhay na isang aswang? Sige, itanong mo sakin. Ikwekwento ko pa ang mga pinagdaanan ko.

Aswang AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon