Tahimik ang paligid.
Tulog ang lahat ng nakapalibot sa bahay namin. Palinga-linga kami sa ibabaw ng bubong. Sino ang may gawa nito?
"O ano pang hinihintay niyo? Umalis na kayo. Tumakas na kayo!" isang matandang lalaki ang nagsalita. Siya yung kapitan ng barangay namin. Dalawang dekada na niyang pinamumunuan ang barangay namin.
Bakas sa mukha namin ang pagkagulat. Siya pala ang aswang. Matagal na pala kaming may kasamang aswang sa lugar na 'to. At kung tutuusin pala, mas nauna pa siya samin dito sa barangay.
Sumagot si Tatay, "Sinasabi ko na nga ba.. Bakit hindi mo samin ipinaalam kaagad?"
"Dahil hindi naman ipinapaalam ang bagay na ito. Alam mo yun hindi ba? Pero kayo, unang dating niyo palang dito sa lugar, alam ko na na kalahi ko kayo. Nagtataka nga ako't ni hindi niyo manlang namalayan na kalahi niyo rin ako." waring nanenermon na sabi ni kapitan Gino.
Sino nga ba naman kasing magdududa kay Kap Gino? Napaka normal ng pamumuhay niya. Masyado siyang nakahalo sa mundo ng mga tao. Hindi siya mukang iba, hindi siya naiiba sa kilos, salita, at sa lahat ng bagay. Tao siya sa paningin ng lahat maging sa paningin ng kapwa niya aswang.
Sumabat ako, "Kung ganun, matagal ka narin bang kumakain ng mga tao? Ikaw ang may kasalanan ng lahat ng 'to. Tapos kami ang nagdudusa." lumabas ang matatalas kong ngipin dahil uminit talaga ang ulo ko kay Kap. Kami ang sumalo ng kasalanan niya.
"Tumakas na kayo. Umalis na kayo sa lugar na ito. Maaring nakalimutan nga ng mga taong nandito kung sino kayo. Pero yung ibang wala dito, kilala pa rin kayo. Magpakalayo-layo na kayo. Ako na ang bahala sa natitirang gusot." wala siyang pakelam sa pinagsasabi ko, si Tatay ang kinakausap niya.
Ako pa rin ang sumabat, "Hindi ka ba nahihiyang kami ang magdudusa sa ginawa mo?!!" nagtunog leon na rin ang boses ko.
"Hindi pa ba sapat ang ginawa kong tulong? Magpasalamat nalang kayo at tinulungan ko pa kayo." walang emosyon, ni hindi nagalit si Kap sa mga sinasabi ko. Palibasa, tinatamaan siya sa katotohanan.
"Tara na Corazon!" sabi ni Tatay.
Pero nagngingitngit parin ako sa galit kay Kap Gino. Hindi patas ang nangyayari.. Hindi ako aalis hanggat hindi ko naipapamukha sa matandang to ang baluktot niyang hustisya.."Niminsan hindi kami nanakit ng tao!!" sigaw ng boses tigre na ako.
"Kaya naman kayo ang sinasaktan ng mga tao." may sumagot. Pero hindi si Kap Gino. Hinanap namin kung sinong sumabat.
Nakita ko ang lalaking sumabat, lumalakad palapit sa amin. Tumalon siya at sa isang iglap ay nasa bubong na din namin siya.
"Bat ka ganyan makipag-usap sa lolo ko?" sarkastikong tanong sakin ng isang lalaking sa tingin ko ay ka-edad at kasing tangkad ni Dario. Ngayon ko lang nakita ang pagmumukha niya sa barangay namin. Matapang ang mga mata niya at yung tingin niya, parang tatagos hanggang sa kaluluwa mo. Makapal ang kilay niya pero bagay iyon sa matapang niyang mata. Medyo tabingi ang labi niya, hindi ko alam kung sinasadya nya lang ba yun. Yung buhok niya hanggang balikat at gulu-gulo dahil kulot. Yung ilong niya, yun lang ang normal para sakin. The rest ng nasa mukha niya, kakaiba.
Hindi ako nagwagwapuhan sakanya nung mga oras na yun. Pero may naramdaman akong kakaiba na hanggang ngayon, hindi pa naipapaliwanag ng maayos ng sensya. Merong higit pang mas kakaiba sakanya, at hindi yun pisikal. Merong kakaiba sa pagkatao niya, o mas tamang sabihing pagka-aswang niya, at kung anuman yung kakaibang yun, gusto kong maintindihan.
Itinago ako ni Inay sa likod niya. Pinoproteksyunan niya ko sa lalaking nasa harap namin ngayon na sa tingin ni Inay ay may dalang panganib.
"Huwag kayong mag-alala, hindi ako kumakain ng kapwa ko aswang. Para sa tao lang ang panlasa ko." pang-aasar ng mayabang na aswang.
"Hoy Tibursyo, tigilan mo na yan!! Tara na at baka magising na ang mga tao dito!" saway ni Kap Gino sa apo niya. "At kayo, lisanin niyo na ang lugar na to. Para yun sa ikakaayos ng lahat." sabi niya samin.
Muling nagsalita ang mayabang na lalaki, "Sayang naman, kakalipat ko palang dito, aalis na pala kayo. Tuturuan ko pa naman sana kayo kumain ng tao." sa akin siya nakatingin. Nakangiwi siyang ngumiti. Ang yabang niya, ang sarap sapakin.
"Hoy Tibursyo! Tinatawag ka na ng lolo mo." ganti kong pang-aasar.
"Hoy hindi Tibursyo ang pangalan ko," sagot niya.
"Wala akong pake, Tibursyo!"
Inangilan niya ko.
Inangilan ko rin siya.
"Mahal, tara na, hilahin mo na si Corazon." sabi ni Tatay kay Inay. Hindi nila pinapatulan ang pagtatalo namin.
Tatakbo na sana kami palayo, pero may bigla akong naalala.
Tumalon ako mula sa bubong namin. At nilapitan ko ang natutulog na si Dario.
Ang sarap ng tulog ng sinungaling na 'to. At hindi pa rin nabubura ang sakit na ginawa niya.
Sinigawan ko siya sa tenga, "Sayo na yan pag-ibig mo!!!!! Isaksak mo sa baga mo!!!" At pagkatapos ay sinampal ko siya ng malakas. Tulog pa rin siya. Sisipain ko pa sana siya pero hinila na ko ni Tatay at siya ang sumipa kay Dario. Tumalsik to sa kabilang kalye pero tulog pa rin. Tiyak pag gising nun masakit ang katawan nun sa di niya malamang dahilan.
Pagkatapos nun, mabilis kaming tumakbo palayo.
Nilingon ko ang mag-lolo. Nakatingin pa rin sila samin. Sumigaw ang mayabang na lalaki, "Julio ang pangalan ko!!!"
Sumigaw din ako, "Wala akong pake!!!!!"
Medyo napapasarap na yata ako sa pagkwento, pero marami ka pang hindi nalalaman na dapat mong malaman..
BINABASA MO ANG
Aswang Ako
HorrorKapag sinimulan ko ng ipakilala ang sarili ko. Huwag kang tumakbo. Paki-usap, gusto ko lang pakinggan mo ang istorya ko. Aswang ako. At kung hindi ka naniniwala, sundan mo kwentong to.