Reunion

255 6 0
                                    

Hindi ko alam kung bakit hindi ko mapigilan ang sarili kong bumalik sa dati naming lugar. At kahit pa nga alam kong may nakakaalam na ng pagpunta-punta ko sa lugar na yun, hindi pa rin ako tumigil.

Bakit gustung-gusto ko pa rin makita ang tatlong magkakapatid kahit sinaktan lang naman nila ko? Bakit parang gusto kong muling magpakilala sa kanila at magpanggap na lang ulit na tao? Tutal wala nanaman silang naalala sa dating ako. Bakit kahit alam kong hindi naman nila ko kayang mahalin sa totoong pagkanilalang ko, gusto ko paring lumapit sakanila? Tama si Tibursyo, bakit nagpapakatanga ko?

Hindi ko rin alam. Basta ang alam ko yun yung gusto ko gawin at hindi ko kayang hindi sundin ang makulit kong puso.

Pero nung araw na yun, hindi ko nakita ang tatlong magkakapatid sa lugar. Gumala ako sa lugar, na nakatalukbong ang mukha sa balangkot na uso nung panahon na yun, pero wala sila sa mga lugar na madalas ko silang makita. Naisip ko na mamaya ko nalang sisilipin sa bahay nila ang magkakapatid pagdumilim. At dahil maaga pa, uuwi muna ko.

Naglalakad na ko papuntang sakayan ng bus pabalik ng Cavite ng biglang may bumngga sakin. Bumilis ang tibok ng puso ko ng makita ko ang mukha ng lalaking to. Ang tagal ko siyang tinitigan.

"Ay sorry ha, pasensya  na." sabi ng boses na pamilyar na pamilyar sakin kahit pagbalibliktarin natin ang mundo. Hinawakan niya ang balikat ko.

"Ah.. Ahh.. Ah, okay lang." yun nalang ang nasabi ko.

Lumapit ang isang babae sakanya at hinawakan ang kamay niya. Tinanong siya ng babae, "Is everything okay?" pagkatapos ay tumingin sakin at ngumiti.

May kirot nanaman akong naramdaman. Ano ba to? Ba't may ganitong sakit sa twing nakikita ko si Dario at ang babaeng ipinalit niya sakin. Hindi ko naman siya minahal ah, hindi ko nga ba siya minahal?

Minahal ko siya katulad ng pagmamahal ko kina Dora at Nica, at ang alam ko kelan man hindi naging higit dun ang pagmamahal ko kay Dario. Pero ang sakit pa rin pala kapag wala na sayo ang atensyong dati ay sayo lang. At nasanay ako sa atensyon na yun ni Dario, sinanay niya ko sa atensyong yun. Ang sakit tuloy ngayon.

Sasagot na sana ako pero biglang sumulpot sina Dora at Nica at maingay na lumapit sa kuya nila.

"Ohh.. Hi! Have we met somewhere? You look familiar. Ka-schoolmate kita no." sabi ng madaldal na si Nica. Hindi pa rin nagbago ang batang to. Ang hilig pa rin niya kumausap ng estranghera. Daligita na talaga siya at englesera na.

Ngumiti lang ako, dahil natuwa ako sa paborito kong bata at mukang ilang taon nalang ay magiging dalaga na siya.

"Sabi ko na e, you're one of my schoolmates." Nakangiti pa rin siya. Akala niya 'oo' ang ibig sabihin ng pagngiti ko sakanya. Habang lumalaki si Nica, nagiging kamuka niya si Dora. 

"Hi! Ako si Rodora, ate ni Nica." nakangiti si Dora at gandang-ganda pa rin ako sakanya.

"How come na magka-schoolmate kayo? Are you in your senior year sa high school?"  takang tanong ng babaeng ipinalit sakin ni Dario. In fairness, maganda naman siya, matangkad, mahaba at medyo wavy ang buhok, at habang pinagmamasdan ko ang babaeng to, naisip ko na parang ang laki ng pinagkatulad namin, pero mas maputi siya at pakiramdam ko maarte siya. At kung maarte siya, malaki pala ang pinagkaiba namin.

"Ahm, yung school kasi ni Nica hanggang college e. She's probably in college." Si Dario ang sumagot sa bago niyang sinisinta. Pagkatapos ay tumingin siya sakin, "Ah. I'm her kuya nga pala. Darry." inilahad niya ang kamay niya, tulad ng dati. 

At natawa ako sa isip ko sa pagpapalit nya ng pangalan. Aba.. Darry na siya ngayon. Pumasok lang ang 80's pasosyal na ang pangalan niya. Edi kung ganun, parehas pala kaming nagpalit ng pangalan. Yun nga lang yun sakin, hindi lang pangalan kundi buong pamumuhay.

Kinamayan ko ang kamay niyang naghihintay.

"And this is my girlfriend, Tina." pakilala niya sa babaeng ipinalit niya sakin.

Ngumiti si Tina, "Hi!"

At ewan ko ba, kung bakit bigla nalang nawala ang kirot na damang-dama ko kanina. Yung para bang okay na din sakin ang lahat. Ano ba yun? Kelangan ko lang sila maka-usap ulit para maging okay ako? Hindi ko alam kung move-on ba ang tawag dun. Pero ganto rin ba ang pakiramdam niyong mga tao pagnaka-move on na kayo? As in, ganun lang talaga? Edi kung nalaman ko to ng maaga edi sana hindi ko na pinaabot ng dalawang taon. Sana, unang araw pa lang ng tangka kong paglimot sakanila, kinausap ko na sila kaagad, para tapos na agad ang kadramahang 'to.

Nginitian ko rin si Tina.

"And I'm her boyfriend, Julio." sabi ng isang tinig galing sa aking likuran. Hinawakan ng pangahas na nagmamay-ari ng boses ang kamay ko at muling nagsalita. "O siya mauna na kami, may pupuntahan pa kami e."

"Kilala ka namin, ikamusta mo kami kay Kap Gino." pahabol ni Dario.

Kumaway lang si Tibursyo at hinila na niya ko palayo sa magkakapatid.

At palayo na nga ako ng palayo sakanila. Palayo ng palayo.



Aswang AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon