Ang pinaka-maagang naaalala ko mula sa aking pagkabata ay ang paulit-ulit na pagkwento sa akin ni Inay ng istorya ng pagkapanganak sakin. At kapag nagkwento si Inay, parang nanunuod ako ng isang pelikula. Kaya gustong-gusto ko making sa mga kwento niya. Gustong-gusto ko ang mga salitang lumalabas sa bibig niya; binubuhay ng mga iyon ang imahinasyon ng munting Corazon.
Nagkaisip ako sa magulong mundo ng Quiapo sa Maynila. Dito napiling mangupahan ng mga magulang ko, pero wala dito ang kusina namin. Nasa malalayong probinsya ang aming hapag-kainan. Kaya kahit nangungupahan kami, masasabi kong mayaman naman kami. Bakit?! Kaya ba ng simpleng mamamayan na kumain sa iba't ibang lugar sa loob ng isang linggo? Mayaman lang may kaya nun. O edi mayaman kami.
Pagtrip namin ng medyo maanghang na lasa ng hayop, lilipad kami ng Bicol. Pag gusto namin ng medyo lasang matamis, Baguio kami. Pagmapait, edi sa Batangas. Alam niyo kasi may iba't ibang lasa din yung mga hayop sa bawat lugar. Pero syempre dala lagi ni Tatay ang isang bag na may lamang toyo, suka, sili, asin at tubig. Minsan kasi, may hinahanap kaming lasa na kapag dinagdagan lang ng toyo o suka o asin ang mga lamang loob o dugo, dun lang mahuhuli ang totoong sarap.
At isa pa kahit nagbabagong anyo kami; kahit nagiging matulis ang lahat ng aming mga ngipin; kumakapal ang aming mga labi; nagiging dilaw ang aming mga mata; tumatalas ang mga kuko namin sa daliri ng paa at kamay; kahit nakakagulantang naman talaga ang itsura namin, dapat hindi magulat yung hayop na aatakihin namin, kasi magbabago ang lasa ng mga 'to. Magiging matabang sila o kaya mapakla. At dahil sablay ako lagi sa pag-atake, laging gulat na gulat ang mga hayop na pinipili kong atakihin. Kaya madalas mapakla ang pagkain ko. Kaya importanteng magdala ng condiments ang tatay ko.
Ewan ko ba, paano ba kasi umatake ng mahinahon? Posible ba yun? Paano yun ginagawa ng mga magulang ko? Namatay sila na hindi ko manlang nalalaman hanggang ngayon ang teknik kung paano yun gawin. Basta ang alam ko, kung gutom ka, hala sige, attack! Pero take note, hindi ako PG. Aswang ako, pero hindi ako patay-gutom.
Kumakain din naman kami ng luto, pero pagkailangan lang magpakitang tao. Kaya nga galit samin yung mga kapit-bahay namin e. Bukod kasi sa hindi kami nakikihalubilo sa kanila at ayaw namin dumalo sa mga handaan, e nakikita nilang tinatapon lang namin yung mga bigay nilang pagkain. E ano naman kasing gagawin namin kung hindi namin trip ang lasa ng pagkain niyong mga mortal? Tama na yung isang subo sa harapan niyo. Yun pa nga lang nakakasuka na sa panlasa e, ang maubos pa kaya?
Kaya naman wala rin akong kaibigan nung bata ako. Bukod kasi sa sinadya akong ilayo ng mga magulang ko sa mga kaedad kong bata sa takot na baka makagat ko sila ng hindi sinasadya, e wala naman akong pagkain o chichiria na pwedeng ishare sakanila. Kung meron man, sweetcorn yun, at hindi ako mamimigay ng nagiisang paborito kong pagkain na pang-mortal. Kung madamot ang tawag mo dun, o di sige tawagin mo kong madamot.
Paano kami nagkakapera? Syempre naman nagtratrabaho si Tatay. Isa siyang construction worker.
Sa mundong 'to kahit mga aswang kailangan kumayod para mabuhay. Hindi sapat na lumapa lang kami ng lumapa ng laman. Kailangan din namin ng pera para makasabay sa agos ng mundo. Paano kami makakabayad sa renta? Paano kami makakabili ng damit at sapatos? Anong ipanggagastos namin pag gusto namin mamasyal? Hindi sa lahat ng oras pwede kaming lumipad lalo na sa umaga, maraming makakakita, kaya anong ipambabayad namin pagkailangan namin mamasahe? O diba, malaki rin ang pagkakapareho natin. Pareho lang tayong pinapaikot ng mundong 'to sa pamamagitan ng pera.
Nag-aral ako? Oo naman. Sinubukan ko. Pero hanggang Grade 1 lang ako nag-aral sa eskwelahan. Pagkatapos ng isang insidente, napagdesisyunan ng mga magulang ko na sa bahay nalang ako turuan.
Sabi nila, kayang-kaya ko maging matalino at malaman ang mga dapat kung malaman sa labas ng paaralan. At totoo naman ang sinabi nila. Tingnan mo naman ako ngayon.
Hindi sinabi ng mga magulang ko ang totoong dahilan kung bakit sa kalagitnaan ng grading period ay inalis nila ko sa paaralan. Pero nadama ko.
Nadama ko yung takot sa mga mata nila ng makita nilang may kinakausap akong isang batang lalaking uhugin na kaklase ko.
Ang hindi ko lang mawari nung mga panahon na yun e kung anong dahilan ng takot nila. Natatakot ba silang mapalapit ako sa batang kausap ko at masiwalat ang lihim ng aming pamilya o natatakot silang maging hapunan ko ang batang kausap ko at masarapan ako sa lasa ng tao.
Nasagot ang tanong na 'yun nung minsang narinig kong nagtalo ang mga magulang ko sa unang pagkakataon.
"Mahal, hindi natin pwedeng habang buhay ilayo sa galaw ng mundo si Corazon." Medyo may hinanakit na sabi ni Inay.
"Anong gusto mong gawin natin? Hayaan natin siya sumabay sa daloy ng mundo? Alam mo naman na hindi pwede yun." Naiinis na paliwanag ni Tatay.
Naiyak lang sa isang tabi si Inay. Wala na siyang maisagot kay Tatay. Totoo naman kasi. Wala silang choice.
Lumapit si Tatay kay Inay, "Gagawin natin ang lahat para kahit papano'y maging normal ang buhay ng ating anak, pero hindi ako papayag na matulad siya sa iba nating kalahi na tinugis at pinatay dahil sa pagiging aswang." Niyakap niya ang umiiyak na si Inay at patuloy na nagsalita, "Kailangan natin siyang proteksyunan. Walang dapat makaalam."
At mula nung marinig ko ang pag-uusap na iyon ng aking mga magulang, tumimo sa puso't isip ko ang dapat kong gawin. Ang tulungan silang maproteksyunan ako. Hindi dahil sa natatakot ako sa nakaambang panganib sakin, kundi dahil ayokong mabasag ko ang puso nila sa oras na may mangyaring hindi maganda sa pinakamamahal at nag-iisa nilang anak. Isa pa, kapag may nakaalam ng lihim ng aming pamilya, hindi lang naman ako ang manganganib, maging ang buhay nila, at maging ang buhay ng mga tutugis samin. Syempre, anong akala niyong mga mortal, papayag lang kaming patayin niyo basta? Lalaban kami. Magpapatayan tayo.
At para maiwasan nalang ang posibilidad na mangyari yun. Nakiayon nalang ako sa mga nais ng aking mga magulang. Lahat ang ipinagbawal nila, sinunod ko. Lahat ng bilin nila, isinapuso ko. Lahat ng taong magtatangkang lumapit sakin, nilalayuan ko.
Sa loob ng walong taon, wala akong ibang kinausap kundi ang mga magulang ko. Walang nakakaalam kung anong tunog ng boses ko, tanging sina Tatay at Inay lamang.
Ni minsan, hindi ko naisip suwayin sila. Maliban nung araw na yun.
Gusto mo pa bang malaman? Sige, sasabihin ko.
BINABASA MO ANG
Aswang Ako
HorrorKapag sinimulan ko ng ipakilala ang sarili ko. Huwag kang tumakbo. Paki-usap, gusto ko lang pakinggan mo ang istorya ko. Aswang ako. At kung hindi ka naniniwala, sundan mo kwentong to.