Liham

261 9 2
                                    

Dumating ako sa puntong kontento na ko sa buhay ko. Pero sa sobrang kapanatagan ko, nakalimutan kong may mga importanteng nilalang pala akong naiiwan dahil hindi sila makasabay sa bagong takbo ng buhay ko.

Isang gabi, pag-uwi ko galing sa pagtatanghal namin mula sa Apari, muling gumuho ang mundo ko.

Isang sulat na nakapatong sa ibabaw ng kama ko ang muling nagpapatak ng aking mga luha.. Luhang hindi kailangan ng entablado o mga manunuod; luha na kahit pigilan mo, hindi sila makikinig sayo.

Sulat ito ni Inay, sulat ng pamama-alam nila ni Tatay.

At para sakin, sulat ito ng paghati.

"Para sa Pinakamamahal naming Corazon,

Anak, hindi naman lingid sa iyong kaalaman kung gaano ka namin kamahal.

At kahit sabihin kong mahal na mahal ka namin, kulang iyon para masukat ang pagmamahal namin sayo. Sa sobrang pagmamahal namin, minsan hindi ko na alam kung tama pa ba ang ginagawa namin ng iyong ama para lang maproteksyunan ka. Pero siguro ngayong nasa edad ka na, naiintindihan mo na kami ng iyong ama.

Mapanganib ang mga tao. Oo, higit na mas malakas tayo sakanila, pero higit na mas nakakasakit sila satin. Hindi tayo tulad ng ibang aswang, alam kong alam mo na yun ngayon. At dahil hindi nila tayo katulad, ginawa namin ang lahat ng makakaya namin ng iyong ama para mapalayo ang loob mo sa kanila ngunit ituring pa rin silang kaawa-awang nilalang. Pero matigas ang ulo mo, at kinailangan mo pang malaman ang ibig namin sabihin ng iyong ama sa pamamagitan ng sarili mong eksperyensya. At alam ko namang natuto ka. Nung nasaktan ka dahil sa tatlong mortal mong kaibigan, higit na nasaktan kami ng iyong ama. Pero parte ng buhay yan, hindi tayo excuse sa mga sakit kahit asawang tayo. Ito rin ang nagpapatibay satin.

Pero anak, iba ang ginawa sayo ng sakit na naramdaman mo. Hindi ko na maramdaman si Corazon na totoong tumatawa sa mga pagbibiro ng kanyang Ama. Hindi ko na ulit naramdaman ang yakap na dati'y maya't maya kong nadarama. Parte ba yan ng iyong pagtanda? Anak, akala ko dati tao ang lubos na nakakasakit satin. Pero ngayon, nalaman kong higit mo kong nasaktan. Siguro'y dahil mahal na mahal kita. Mahal na mahal ka namin ng iyong ama.

Wala ka namang kasalanan dun. Pinili ka naming mahalin at hindi ikaw ang may hawak ng damdamin namin para sayo. Siguro'y hindi lang kami naging handa sa pagbabago ng kinasanayan naming anak mula nung mapalapit at masaktan siya ng mga tao.

Ipagpatawad mo kung may pagkukulang kami sayo. At kung meron man, hindi ko alam kung kaya pa naming punan ng iyong ama, hindi na magiging ganun katagal ang oras namin. At kung meron man kaming hihilingin, iyon ay ang lagi mong pagiging masaya.

Anak, kailangan mong sumaya. May plano ang Dakilang Maylikha. Wag kang matakot masaktan ulit. Malaki ka na at matibay ka na, pero hanggang diyan ka nalang at hindi ka lalago kung patuloy kang matatakot na totoong maging masaya. Tulad ng sabi ko, parte yan ng buhay natin. Normal ang masaktan sa taong masayang nabubuhay.

At mula ngayon, hindi ka na namin kailangan proteksyunan dahil alam kong naiintindihan mo na ang buhay aswang. At huwag mo nawang kalimutan ang hiling namin ng iyong ama -- Anak, maging masaya ka ulit.

Lubo na nagmamahal,

Inay at Tatay."

Hindi ko alam kung ilang oras ako umiyak dahil sa sulat na yun bago ko naisipang hanapin sila Inay at Tatay. San naman kaya sila nagpunta? At kahit gaano kalaki ang Pilipinas, nilipad ko iyon gabi-gabi habang lumuluha. Kailangan kong makita at muling mayakap sina Tatay at Inay at humingi ng tawad.

Ilang buwan akong hindi sumama sa pagtatanghal namin. Oo, nagulo ang cast dahil sa pagkawala ko. Pero wala silang nagawa kung talagang ayaw ko na. mas gusto kong matagpuan ang mga magulang ko na lubos na nagmamahal sakin.

Galit na galit si Direk Boy aat halos murahin ang buong pagkatao ko. Sorry siya, aswang ako.

Ilang buwan kong sinuyod ang buong Pilipinas. Sa gabi, aswang akong lumilipad; sa umaga, taong naglalakbay.

Sa loob ng halos isang taon, nawalan tuloy ako ng tirahan. Pero bale wala yun sakin, ang mahalaga makita ko ang mga magulang ko.

At hindi naman nasayang ang pagpapagal ko, natagpuan ko sila sa tulong ng isang mayabang at kinaiinisan kong aswang.

Aswang AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon