Imbitasyon

302 10 1
                                    

Nung gabing iyon, dahil hindi naman namin iskedyul kumain at isang beses lang naman sa isang lingo kung kumain kaming mga aswang, buhay na buhay ang diwa ko.

Excited ako sa bagong nilalang na nakilala ko. Nakatulog ako na may tuwa sa bagong araw na haharapin.

Kinaumagahan, naka-abang agad ako sa harap ng bintana. Inaantay kong lumabas si Dora.

Trenta minuto, isang oras, dalawang oras, limang oras. Pero walang Dora na lumabas.

Napansin ni Inay na waring may inaabangan ako, "Corazon anak, anong problema?"

"Wala po Inay." Pagkatapos ay pumasok na ko sa kwarto.

Nagbasa ako ng libro. Kasual na araw nanaman pala. Walang iba. Walang magbabago.

At nung mga oras na yun, kahit nagbabasa ako, hindi pumapasok sa isip ko ang mga salitang nababasa ko. Nakatuon ang isip ko sa nararamdaman kong.. hindi ko pa alam ang tawag. Dismaya? Inis sa sarili?

Lumipas pa ang ilang oras at habang nilulubog ko ang sarili sa nararamdaman ko, nakarinig ako ng tawanan sa labas. Narinig ko ang tinig na pamilyar na sa akin kahit kagabi ko lang siya nakausap.

Lumabas agad ako ng kwarto at sumilip sa bintana. Si Dora nga! Kausap ang kapatid niyang si Nica.

Nakita niya kong nakadungaw sa bintana. Ngumiti siya. Kinawayan ako at sumenyas siya na lumabas ako.

Ngumiti din ako. Nilingon ko si Nanay. Wala siya. Sinilip ko ang kwarto niya. Andun siya at malalim na natutulog.

Tama ang pagkakataon.

Sumilip muna ulit ako sa bintana. Sumesenyas muli si Dora na lumabas ako.

Kung kanina'y ang bigat ng nararamdaman ko, ngayon ay napuno nanaman ako ng pag-asa sa panibagong pangyayari sa buhay ko. Sa isang iglap burado na ang nakakaasar na naramdaman ko kanina.

Dahan-dahan akong lumabas ng bahay.

Nilapitan ako ni Dora, "Ang tagal mo naman lumabas," hinawakan niya ang braso ko at inakay ako maglakad palayo sa bahay, habang nakatingin lang sakin si Nica, "tara may konting salu-salo sa bahay. Ipinaimbinta ka ni Kuya. Kaarawan niya kasi ngayon." Nakangiti niyang paliwanag.

Gustong-gusto ko ang ganung ngiti ni Dora, naisip ko nga nung mga oras nay un kung ganun din ba ako kaganda kapag ngumingiti. Pero biglang nagising ako sa katotohanang dadalhin niya ko sa maraming tao.

At sa unang pagkakataon, nagsalita ako sa harap ng ibang nilalang, "Haaaaah? Teka. Ayoko. Hindi ako sasama." Inalis ko ang kamay niya sa pagkakahawak sa braso ko.

"Ang galing nagsasalita ka pala. Haha. Akala ko pipi ka Corazon." Sabay tapik sakin.

Hindi ko siya tinugon.

Nagsalita ang batang si Nica, "Ati sumama ka na. Baka malungkot si Kuya Dario, birthday pa naman niya"

Sumegunda si Dora, "Wag ka mag-alala Corazon. Kung nahihiya ka dahil maraming tao. Konti lang kami. At gusto mo bumukod tayo ng pwesto. O kahit sumandali ka lang. kahit magpakita ka lang kay Kuya."

Sa isip ko, sino ba itong Dario na ito at anong pakealam ko sakanya.

Pero naramdaman ko nanaman ang kagustuhan kong magkaron ng pagbabago sa buhay ko. At kahit maka-ilang milyong ulit ako pinaalalahanan ng aking mga magulang na maging mailap sa mga tao, hindi iyon ang umiral sakin ng mga oras na yun.

Tinugon ko ang nakakaengganyong paanyaya nina Dora at Nica.. at ng kanilang Kuya.

Aswang AkoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon