Lumipat kami sa isang bayan sa Cavite. Bagong katauhan. Bagong paligid. Bagong mga kapit-bahay.
Pinaltan namin ang mga pangalan namin. At pasensya ka na kung hindi ko na sasabihin ang pangalan ko ngayon. Ituring mo nalang akong walang katauhan, walang pagkakakilanlan, o kaya, ituring mo pa rin akong si Corazon, pero wag mo ng alamin ang pangalan ko ngayon. Yun lang ang hinihiling ko sayong wag mong itanong sakin. Iniiwasan ko lang na mapahamak mo ang katauhan ko, kasi pag nangyari yun, papatayin kita. Kaya wag mo na itanong ang bagay na yun ha.
Sa Kawit, Cavite kami nakakita ng bahay na malilipatan. At duon, pinili naming hindi maging mailap sa mga tao. Siguro napagtanto na din ng mga magulang ko na maganda ang istilo ng pamumuhay ni Kap Gino bilang aswang. Sa pakikisalumuha mo sa mga tao, sino nga bang magdududa na kakaibang nilalang ka pala.
Nakipagkaibigan ako sa mga tao, pero hindi na ako tulad ng dati. Nakikipag-usap ako, nakikipagtawanan, pero hanggang dun lang yun. Hindi ko hinahayaang masyadong maging attached sa kanila. Hindi na ako ang dating Corazon na buong magmahal. Matapos ng naranasan ko sa tatlong magkakapatid, hindi ko na hahayaang masaktan ako uli ng ganun. Wala na akong tiwala sa tao. Huwad ang sinasabi nilang pagmamahal. Kasinungalingan. Kaya inihawalay ko ang emosyon ko, walang emosyon ang babaeng nanirahan sa Kawit, Cavite.
Sila Inay at Tatay lang ang binuhusan ko ng totoong pagmamahal. Bakit hindi, e sila lang naman ang totoong nagmamahal sakin.
May mga kaibigan na din sila sa barangay namin. At sinasabi ko sainyo, natuwa sila sa mga tao at naging sobrang bait nila sa mga ito. Si Tatay, naging tanod pa nga ng barangay. Si Inay, nakikipagtsismisan na sa ibang kapit-bahay. Ako? Ako, may mga kaibigan din pero hindi ko sila mahal.
Sa lugar na 'to, dito ko kinalakihan ang pagmamahal sa musika. Dito ako naimpluwensyahan ng The Beatles na mag-aral ng gitara at tugtugin ang mga kanta nila.
Minahal ko ang musika. Magaan sa pakiramdam kapag sinasabayan ko ang mga kanta. Siguro dahil dito ko lang nailalabas ang totoo kong emosyon. Sila ang nagsasalita para sakin. Kapag naririnig ko na ang kanta, lalo na ng Beatles, nakakalimutan ko na wala pala akong emosyon. Sa pagsabay ko sa mga kanta, pinapayagan ko ang sarili kong magkaroon ng emosyon.
At minsan, habang nakikinig ako sa kanta, nagkakaroon ako ng pagkakataong isipin ang pagka-aswang ko at kung bakit ako aswang kahit hindi ko naman inaano ang Dakilang Maylikha. May plano ba siya sakin kahit aswang ako?
BINABASA MO ANG
Aswang Ako
TerrorKapag sinimulan ko ng ipakilala ang sarili ko. Huwag kang tumakbo. Paki-usap, gusto ko lang pakinggan mo ang istorya ko. Aswang ako. At kung hindi ka naniniwala, sundan mo kwentong to.